Ang Desisyon sa Yoyo
Ang awtor ay naninirahan sa Illinois, USA.
“Sa pamamagitan ng banayad at maliit na tinig, nangungusap sa akin ang Espiritu” (Children’s Songbook, 106).
Halos tapos nang mamili sina Lea at Nanay. Pagkatapos ay tumigil si Nanay para humanap ng ilang damit.
“Ilang minuto lang ako,” sabi ni Nanay.
Nagbuntong-hininga si Lea. Kapag sinabi ni Nanay na “ilang minuto lang,” kung minsan ang ibig sabihin nito ay 20!
Nakakita si Lea ng isang kalapit na estante ng mga laruan. Bumuklat siya ng ilang aklat na kinukulayan at pagkatapos ay naghagis ng tumatalbog na bola nang ilang beses. Pero mabilis siyang nainip.
Pagkatapos ay kumuha siya ng isang bagay na makintab at bilog. Isa itong yo-yo! Kamukha ito ng dinala ni Oskar sa paaralan noong nakaraang linggo. Noong recess, ipinakita niya sa lahat ang mahihirap niyang mga trick. Ang mga trick ay may mga pangalang tulad ng “Walk the Dog (Ilakad ang Aso)” at “Around the World (Sa Palibot ng Mundo).” Tinanong ni Lea kung puwede niyang subukan ito, pero ayaw siyang pagbigyan ni Oskar.
Ipinasok ni Lea ang bilog na tali sa kanyang daliri. Pinabagsak niya ang yo-yo at pagkatapos hinila ang tali gaya ng nakita niyang ginawa ni Oskar. Bumagsak ang yo-yo sa sahig nang malakas Muli niyang sinubukan. Pagkatapos ng ilang ulit, napabalik na niya ang yo-yo sa kanyang kamay. Kung nagawa niya iyon kaagad, siguro ay matututuhan niyang gawin ang lahat ng trick na ginawa ni Oskar.
Noon tiningnan ni Lea ang presyo sa etiketa. Nalungkot siya. Napakakaunti ang pera niya sa garapon na nasa bahay.
“Malapit na akong matapos, Lea,” sabi ni Nanay.
Nagbuntong-hininga si Lea. Ibabalik na sana niya ang yo-yo nang biglang nakaisip siya ng isang ideya. Hindi ganoon kalaki ang yo-yo. Puwede niya itong ibulsa at sa kanya na ito! Hindi nakatingin ang may-ari ng tindahan. Walang sinumang makakaalam. Maitatago niya ito magpakailanman at matututuhan niya ang mga bagong trick. At iisipin ng mga bata sa paaralan na astig siya.
Nang tingnan ni Lea ang yo-yo sa kanyang kamay, natakot siya at kinabahan. Pinagpawisan ang kanyang mga kamay. Lalo niyang hinigpitan ang paghawak sa yo-yo. Ano ang masamang pakiramdam na ito? Gusto niya itong mawala.
Pagkatapos ay naalala niya ang sinabi ni Tatay noong bago siya bininyagan.
“Pagkatapos mong mabinyagan, matatanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo,” sabi ni Tatay. “Tutulungan ka ng Espiritu Santo na piliin ang tama. Nagsasalita siya sa atin gamit ang banayad at maliit na tinig.”
“Magsasalita siya sa akin?” tanong ni Lea.
“Hindi eksaktong ganoon,” sabi ni Tatay. “Maaaring isang ideya ito na papasok sa ating isip. O isang pakiramdam na papasok sa ating puso.”
“Ano pong klaseng pakiramdam?”
“Iba’t iba ito sa bawat tao,” sabi ni Tatay. “Pero kadalasan, kapag gumawa ka ng isang bagay na tama, tutulungan ka ng Espiritu Santo na maging panatag at payapa. Kapag mayroong panganib, bibigyan ka Niya ng babala. At kapag gusto mong gumawa ng isang bagay na mali, aalis ang Espiritu Santo, at malilito at malulungkot ka.”
Tiningnan ni Lea ang yo-yo. Gusto niya talaga ito. Pero alam niyang sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na mali ang magnakaw.
Ibinalik ni Lea ang yo-yo sa estante. Nang ginawa niya ito, naging payapa siya at panatag. Lumakad siya pabalik sa kanyang Nanay.
“Tapos na ako,” sabi ni Nanay. “Handa ka na bang umalis?”
Ngumiti si Lea. “Opo.”
Pag-alis nila ng tindahan, si Lea ay nagkaroon ng magaan at masayang pakiramdam na tulad ng sikat ng araw. Maaaring masayang magkaroon ng yo-yo sa ilang panahon. Pero ang pagsunod sa Espiritu Santo ay isang bagay na gusto niyang gawin palagi. ●