Ang Huling Salita
Ang Banal sa mga Huling Araw ay Patuloy na Nagsisikap
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2015.
Sa Kanyang awa, nangako ang Diyos ng kapatawaran kapag tayo ay nagsisi at tumalikod sa kasamaan—kung kaya’t ang ating mga kasalanan ay hindi na babanggitin sa atin. Para sa atin, dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo at sa ating pagsisisi, mababalikan natin ang ating mga ginawa noon at masasabing, “Ganyan ako dati. Pero ang kasamaan ko noon ay wala na ngayon.”
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Ang isa sa pinakadakilang mga kaloob sa atin ng Diyos ay ang galak na magsikap na muli, dahil hindi kailangang magwakas ang anuman sa kabiguan.”1 Kahit sinadya pa nating magkasala o paulit-ulit tayong makaranas ng kabiguan at kalungkutan, sa sandaling ipasiya nating sumubok muli, makakatulong sa atin ang Pagbabayad-sala ni Cristo. At kailangan nating alalahanin na hindi ang Espiritu Santo ang nagsasabi sa atin na huli na ang lahat kaya mabuti pang sumuko na tayo.
Ang hangad ng Diyos na patuloy na magsikap ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi lamang sa pag-iwas na magkasala. Nagdurusa man tayo dahil sa magugulong relasyon, mga problema sa pera, o mga karamdaman o dahil sa mga kasalanan ng iba, ang walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay mapagagaling maging—at lalo na siguro—ang mga nagdusa nang walang kasalanan. Lubos Niyang nauunawaan kung paano magdusa nang walang kasalanan dahil sa kasalanan ng iba. Tulad ng ipinropesiya, ang Tagapagligtas ay “pagagalingin ang mga bagbag na puso, … bibigyan … ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan, at ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob” (Isaias 61:1–3; tingnan din sa Lucas 4:16–21). Anuman ang mangyari, sa tulong Niya, inaasahan ng Diyos na patuloy na magsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang paanyaya ko sa ating lahat ay suriin ang ating buhay, magsisi, at patuloy na magsikap. Kung hindi tayo magsisikap, tayo ang mga makasalanan sa mga huling araw; kung hindi tayo magtitiyaga, tayo ang susuko sa mga huling araw; at kung hindi natin hahayaang magsikap ang iba, tayo ang mga mapagkunwari sa mga huling araw. Habang tayo ay nagsisikap, nagtitiyaga, at tumutulong sa iba na gawin din iyon, tayo ay tunay na mga Banal sa mga Huling Araw. Habang tayo ay nagbabago, makikita natin na talagang mas mahalaga sa Diyos kung ano tayo ngayon at kung ano ang kahihinatnan natin sa hinaharap kaysa sa kung ano tayo noon.