Isang Liham mula sa Propeta
Kelly Santos Figueiredo Ribeiro
Goiás, Brazil
Nag-atubili akong sumapi sa Simbahan nang ipakilala ito sa akin ng asawa ko. Binigyan niya ako ng Aklat ni Mormon, at pagkaraan ng maraming lesson at halos dalawang taon sa pagsama sa mga missionary, nabinyagan ako noong 2007. Nahirapan ako sandali matapos akong maging miyembro ng Simbahan. Hindi ko naunawaan ang kahalagahan ng mga makabagong propeta. Sa aking isipan, ang isang propeta ay dapat maging katulad ni Moises na may tungkod.
“Kinakausap ba ng propeta ang Diyos?” tanong ko sa asawa ko.
“Oo,” sabi niya.
“Sigurado ka?”
“Oo, kinakausap ng propeta ang Diyos.”
“Kung gayon hihilingin ko sa Panginoon na sabihin sa propeta na padalhan ako ng liham na nagsasabi na ito ang Simbahan ni Jesucristo.”
“Naku po!” sabi ng asawa ko. “Hindi ganyan!”
Determinado ako.
“Kung kinakausap ng propeta ang Panginoon, mangungusap ang Panginoon sa propeta, at padadalhan niya ako ng liham.”
Sa simbahan isang araw ng Linggo, inabutan ako ng isang missionary ng isang DVD at hiniling niyang panoorin namin ito ng pamilya ko. Naroon ang mga patotoo ng propeta at mga apostol. Ang unang taong nagsalita ay si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008). Humanga ako. Mukhang tapat siya, at nadama ko na nagsasabi siya ng totoo.
“Tingnan mo, ito ang patotoo mo tungkol sa propeta,” sabi ng asawa ko.
“Hindi, gusto ko pa ring padalhan niya ako ng liham,” sagot ko.
Isang gabi, dumating ang mga missionary sa bahay namin at inabutan ako ng isang magasin.
“Hindi namin alam kung bakit, pero nadama namin na dapat naming dalhin ito sa iyo,” sabi nila. Isang kopya iyon ng Liahona ng Oktubre 2006, na nakabalot pa sa plastik.
Binuksan ko ito at nakita ko ang isang artikulo mula kay Pangulong Hinckley para sa mga bagong miyembro ng Simbahan. Sabi niya, “Iniiwan ko ang patotoong ito, ang aking basbas, at pagmamahal sa bawat isa sa inyo at ang paanyaya kong patuloy kayong maging bahagi ng dakilang himalang ito sa mga huling araw, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”1
Pakiramdam ko ako mismo ang sinasabihan niya. Ni hindi pa ako miyembro ng Simbahan nang ilathala iyon, pero naingatan iyon para sa akin. Alam ko na dinidinig ng Panginoon ang ating mga dalangin at na nangungusap Siya sa isang buhay na propeta ngayon.