2019
Ang Sorpresa sa Kaarawan ni Ingrid
Pebrero 2019


Ang Sorpresa sa Kaarawan ni Ingrid

Ang kuwentong ito ay naganap sa Mexico. Pumunta sa pahina K8 para magkaroon ng dagdag na kaalaman tungkol sa bansang iyon!

“Lumapit kay Cristo, at manangan sa bawat mabuting kaloob” (Moroni 10:30).

Ingrids Birthday Surprise

“Estas son las mañanitas …”

Ang himig ng pagkanta ni Mamá ang gumising kay Ingrid. Binuksan niya ang kanyang mga mata at nakita si Mamá na papasok sa kanyang kuwarto. Palaging kumakanta si Mamá ng isang espesyal na kantang para sa kaarawan tuwing kaarawan niya.

“Maligayang kaarawan!” sabi ni Mamá. “Maghanda na tayo para sa party mo.”

Naamoy ni Ingrid ang chocolate cake na niluluto sa oven. “Ano kayang mga regalo ang matatanggap ko!” naisip niya. Bumaba siya sa kama at dumungaw sa labas ng bintana. Ang punong jacaranda sa labas ay puno ng mga bulaklak na kulay lila.

Tumulong si Ingrid sa pagtutulak ng sopa sa kuwarto ni Mamá para magkaroon ng mas malaking lugar sa sala. Tumulong siya sa paglalagay ng icing sa cake at naglagay ng pitong kandila sa ibabaw nito. Di nagtagal ay oras na para mag-party!

Dumating ang mga kaibigan ni Ingrid mula sa paaralan at sa Primary. Naglaro sila at kumain ng cake. Pagkatapos ay dumating ang paboritong bahagi ni Ingrid—ang mga regalo! Nakatanggap siya ng isang bagong aklat, isang stuffed toy na tigre, at isang pulseras na may mga palawit.

Nang nakaalis na ang lahat, niyakap ni Ingrid ang kanyang Mamá. “Salamat po, Mamá. Ito po ang pinakamagandang kaarawan sa lahat!”

“Hindi pa ito nagtatapos dito,” sabi ni Mamá. “Mayroon akong espesyal na sorpresa sa iyo.” Inabot niya sa kamay ni Ingrid ang isang piraso ng papel. Nakasulat dito ang “Oras na para matulog!”

“Isa itong clue,” paliwanag ni Mamá. “Kailangan mong hanapin ang kasunod nito.”

Nagmadali si Ingrid na pumunta sa kanyang kuwarto. Nakakita siya ng isa pang piraso ng papel sa ilalim ng kanyang unan. Nakasulat dito ang “Araw ng paglalaba.”

Tumakbo si Ingrid sa kusina at binuksan ang washing machine. Isa pang clue!

Nakakita pa ng ibang clue si Ingrid sa likod ng TV, sa loob ng kanyang paboritong aklat, at sa ilalim ng punasan ng paa sa banyo. Ang huling clue ay nagdala sa kanya sa kanyang aparador. Sa ibabaw na bahagi nito ay may nakabalot na regalo. Hindi pa masyadong matangkad si Ingrid, kaya kinuha ito ni Mamá para sa kanya.

Pinunit ni Ingrid ang pambalot at inangat ang takip. Sa loob ng kahon ay may nakabalot na puting tela at isang malaking kopya ng Aklat ni Mormon.

“Sa susunod na taon, maaari ka nang mabinyagan,” sabi ni Mamá. “Ito ang isang espesyal na regalo para tulungan kang maghanda.” Hinipo ni Mamá ang puting tela. “Ito ang gagamitin ko para igawa ka ng damit na pambinyag. At ito”—kinuha niya ang Aklat ni Mormon—“ay dapat mong basahin.”

Tumingin si Ingrid sa kanyang Mamá. “Hindi pa po ako nakakapagbasa ng Aklat ni Mormon.”

“Alam kong magagawa mo iyan.” Binuklat ni Mamá ang aklat. “Tingnan mo. Mas malalaki ang mga letra. Naisip ko na mas mapapadali nito ang pagbabasa.”

Muling isinara ni Mamá ang aklat at ibinigay ito kay Ingrid. Hinipo ni Ingrid ang makinis na pabalat.

“Mahalaga na malaman mo sa iyong sarili kung ang Aklat ni Mormon ay totoo,” sabi ni Mamá. “Ipinapangako ko sa iyo na kung babasahin at ipagdarasal mo ito nang buong puso, tutulungan ka ng Ama sa Langit na malaman ang katotohanan ito.”

Nang gabing iyon, binasa ni Ingrid ang unang kabanata sa Aklat ni Mormon. Hindi ito kasing hirap ng inaakala niya. Nagustuhan niya ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan.

Binasa niyang muli ang Aklat ni Mormon kinabukasan. At nang sumunod pa. Binasa niya ito araw-araw. Pagkatapos ng ilang linggo, nagpasiya siyang hindi na niya hihintayin pa ang katapusan ng aklat para ipagdasal ito.

Lumuhod si Ingrid sa tabi ng kanyang kama. Buong puso siyang nanalangin at hiniling sa Ama sa Langit na tulungan siyang malaman kung ang Aklat ni Mormon ay totoo. Pagkatapos ay naghintay siya. Akala niya ay makakarinig siya ng isang tinig, pero hindi. Sa halip, nakaramdam siya ng saya sa kanyang puso. Alam niya na sinasagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin.

Halos isang taon na ang lumipas, natapos na ni Ingrid ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Alam niya na kahit ano pa man ang matanggap niya para sa kanyang ikawalong kaarawan, mananatiling ang Aklat ni Mormon ang pinakamagandang regalo sa lahat! ●