Isang Panalangin para Makarating Tayo sa Templo
Isaac Ututu
Lagos, Nigeria
Ilang araw bago sumapit ang nakatakdang biyahe ng aming ward patungong Aba Nigeria Temple, tinawag ako ng bishop at inutusan akong mamuno sa grupo namin. Pumayag ako, at sa umaga ng biyahe namin, nagdasal kami at sumakay ng bus para simulan ang aming paglalakbay.
Habang nasa daan, kumanta kami ng mga himno. Napuno ng hindi masukat na kagalakan ang paligid. Mas maaga naming nasimulan ang 10-oras naming paglalakbay, pero bago nagtanghali, nagkaproblema ang bus namin na hindi kayang ayusin ng sinuman sa amin.
Nagpunta ako sa kalapit na istasyon ng gasolina at nakakita ako ng namamasukan doon. Tinanong ko kung may kakilala siyang mekaniko.
Agad-agad siyang tumawag ng dalawang mekaniko. Dumating sila kaagad at nagtrabaho na. Natuklasan nila na depektibo ang fan belt. Ilang oras silang nagtrabaho hanggang sa hindi na nila alam ang gagawin. Pagkatapos ay tumawag sila ng isa pang mekaniko.
Mukhang tiwala siya sa sarili nang dumating at patuyang sinabi, “Ano’ng problema sa fan belt na hindi ninyo kayang ayusin?”
Nagtrabaho siya sandali at saka sinabing, “Hindi karaniwan ang nangyari dito.” Dinampot niya ang kanyang mga gamit at umalis. Patuloy na naghanap ng solusyon ang iba pang mga mekaniko, pero parang walang pag-asa ang sitwasyon namin.
Bumaling ako sa kapwa ko mga Banal at nakita ko ang lungkot sa halos bawat mukha. Habang iniisip ko ang susunod na gagawin, naisip ko: “Ipinagdasal mo na ba ang problema?”
Agad kong tinipon ang grupo. Tumayo kami nang pabilog at nagdasal sa ating Ama sa Langit na ibigay sa mga mekaniko ang kaalamang kailangan nila. Wala pang limang minuto, lumapit sa akin ang isa sa mga mekaniko.
“Ayos na!” masayang sinabi nito.
Natuwa kami at nagpasalamat sa Panginoon. Maya-maya, napansin ko na mukhang dismayado ang isa pang mekaniko. Sinubukan ko siyang batiin, pero sabi niya, “Binabati mo ba ako dahil anim na oras naming inayos ang isang fan belt? Dalawang fan belt ang inayos ko bago ako pumarito. Mahirap ipaliwanag ang nangyari dito.”
Sinabi ko sa kanya na tinulungan kami ng Diyos pagkatapos naming magdasal.
“Ipinagdasal mo ito?” tanong niya.
“Oo, mga limang minuto na ang nakalipas.”
“Ah, mabuti’t ginawa mo ‘yan!” sabi niya.
Binayaran ko ang mga mekaniko at umalis na sila. Sumakay kaming lahat sa bus at nagpatuloy sa paglalakbay. Sa huli’y nakarating kami sa templo pagkaraan ng ilang oras, na nagpapasalamat na nakikinig at sumasagot ang Ama sa Langit sa ating mga dalangin.