2019
Mula sa Patotoo tungkol sa Ikapu Hanggang sa mga Tipan sa Templo
Pebrero 2019


Mga Pagpapala ng Self-Reliance

Mula sa Patotoo tungkol sa Ikapu Hanggang sa mga Tipan sa Templo

Para kina Ted at Carol Hyatt, ang mga espirituwal na aspeto ng inisyatibo ng self-reliance ng Simbahan ay nakagawa ng walang-hanggang kaibhan sa kanilang buhay.

The Hyatts in front of the Portland Oregon Temple

Hinding-hindi malilimutan ni Carol Hyatt ang araw na inutusan siya ng kanyang bishop na mangasiwa sa isang self-reliance class tungkol sa personal finances. Kamakailan lang sila bumalik ng kanyang asawang si Ted sa pagiging aktibo sa Simbahan pagkaraan ng 42 taon na hindi pagdalo, at likas siyang mahiyain.

Kilala na ni Carol ang kanyang bishop na si Todd A. Josi noon pa mang bata ito. Ilang dekada na ang nakararaan, nakadalo ito sa kanyang klase sa Sunday School.

“Ngayon, Bishop,” prangkahan niyang sinabi rito nang magsimula silang magsimbang muli ni Ted, “ayaw kong magsalita sa harapan. Ayaw kong magkaroon ng calling. Gusto ko lang magsimba.”

Ngunit pagkaraan ng dalawang taon, nakaupo si Bishop Josi sa tahanan ng mga Hyatt at nagsasalita tungkol sa inisyatibo ng Self-Reliance Services ng Simbahan—isang bagay na noon lang narinig ni Sister Hyatt. Matapos itong simulan, hinilingan siya ng bishop na mangasiwa sa isang 12-linggong klase tungkol sa mga alituntunin ng matagumpay na pangangasiwa sa pananalapi. Pagkatapos ay binigyan siya nito ng kopya ng manwal na Personal Finances for Self-Reliance.

“Hindi ko alam kung bakit ako pumayag,” paggunita ni Sister Hyatt. “Natatakot akong makasama ang mga taong hindi ko kilala—pagkatapos kailangan pang naroon ako nang isang gabi sa isang linggo sa loob ng 12 linggo kasama ang mga miyembro ng Simbahan na siguradong mas may karanasan sa ebanghelyo kaysa sa akin. Hindi ko alam kung matutulungan ko sila.”

“Naliwanagan Ako nang Husto”

Hindi nagulat si Bishop Josi na tinanggap ni Sister Hyatt ang tungkulin sa kabila ng kanyang pag-aatubili. Sinabi niya na sa isang stake self-reliance committee meeting sa Forest Grove, Oregon, USA, kailan lang, “Pumasok sa isip ko na kailangan ni Sister Hyatt ang pagpapala ng pangangasiwa sa personal finances group. Naliwanagan ako nang husto.”

Umasa si Bishop Josi na sa pamamagitan ng klase, mapaglalabanan ni Sister Hyatt ang isang malaking hadlang sa kanyang espirituwal na pag-unlad: ang pagbabayad ng ikapu. “Habang nagmamaneho ako pauwi nang gabing iyon,” sabi niya, “Nagkaroon ako ng malakas na espirituwal na impresyon na kapag nagturo si Sister Hyatt sa klaseng ito, mauunawaan niya ang kahalagahan ng pagbabayad ng ikapu.”

Kabado at hindi handa, nagsimulang mangasiwa si Sister Hyatt sa kanyang klase noong Oktubre 2017. Nang gabayan niya ang mga talakayan sa klase tungkol sa pangangasiwa sa pananalapi, pagbabadyet at pagsunod dito, paghahanda para sa kahirapan, pag-ahon sa pagkakautang, pangangasiwa sa krisis sa pananalapi, at pamumuhunan sa hinaharap, naging komportable si Sister Hyatt bilang facilitator pero hindi siya komportable sa kanyang personal na halimbawa.

Nang basahin niya ang manwal para maghanda para sa kanyang pangatlong klase, nalaman niya na kasama sa “pamamaraan ng self-reliance sa pangangasiwa sa pananalapi” ang pagbabayad ng ikapu at mga handog.1 Nalaman din niya na ang alituntuning batayan ng pamamaraang iyon ay pagsisisi at pagsunod.2

“Sa isa sa mga sumunod na lesson, inamin ko sa lahat na ako lang siguro sa buong grupo ang hindi nagbabayad ng ikapu,” paggunita niya. Ang pag-amin niyang iyon ay naghikayat ng suporta mula sa 13 miyembro ng kanyang klase at ng mga talakayan at patotoo tungkol sa mga pagpapala ng batas ng ikapu.

“Hindi ko alam kung bakit alalang-alala ako tungkol sa ikapu, pero natanto ko na kailangan kong maging seryoso tungkol sa pagkakaroon ng patotoo tungkol doon,” sabi ni Sister Hyatt. ‘Habang nakikinig ako sa panghihikayat ng grupo ko at ng asawa ko, sinabi ng Espiritu, ‘Kaya mo ’yan!’ Nagtamo ako ng kaunting ekstrang pananampalatayang kailangan ko, at natanto ko na magiging mas mahusay akong facilitator kung ginagawa ko ang ipinagagawa ko sa klase ko.”

Ang mga Dungawan sa Langit

Ilang araw pagkatapos ng kanyang pang-11 klase, nilapitan ni Sister Hyatt si Bishop Josi sa Simbahan, hinawakan ang kamay nito, at sinabi rito na handa na siyang sundin ang batas ng ikapu. “Tuwang-tuwa si bishop,” sabi niya.

Natuwa rin si Brother Hyatt, na dumadalo sa klase ng kanyang asawa. Kapag nagbabayad ito ng sariling ikapu noong nakaraang taon, madalas nitong hikayatin si Sister Hyatt sa pagpapaalala sa kanya ng isang pagpapalang inaasam niya. “Hindi tayo makakapunta sa templo maliban kung magbabayad ka ng ikapu,” sinasabi niya.

Noong Mayo 26, 2018, nabuksan ang mga dungawan sa langit at nagbuhos ng pagpapala kina Ted at Carol Hyatt na hindi nila inakalang posible ilang buwan bago nagsimulang mangasiwa si Sister Hyatt sa kanyang klase. Sa araw na iyon, ang araw bago sumapit ang kanilang ika-58 anibersaryo, gumawa sila ng mga tipan at nabuklod sa Portland Oregon Temple.

Inilarawan ng mga Hyatt ang karanasang iyon bilang “isang magandang araw at kamangha-manghang pagpapala” na lagi nilang pasasalamatan. Idinagdag pa ni Sister Hyatt na lagi rin niyang pasasalamatan ang isang mapanghikayat na asawa, isang inspiradong bishop, at isang klase ng mga estudyante na sa pakiramdam niya ay mas nakatulong sa kanya kaysa nakatulong siya sa kanila. Para ipakita ang kanilang pagmamahal at suporta, halos bawat miyembro ng kanyang klase ay dumalo sa pagbubuklod ng mga Hyatt.

The Hyatts and their class members on their sealing day

“Malaki ang napapakinabangan ng mga tao mula sa self-reliance initiative ng Simbahan, lalo na ang espirituwal na bahagi nito,” sabi ni Sister Hyatt. “Ang espirituwal na bahagi ang dahilan kaya ito naging napakahalaga. Para sa aming mag-asawa, nakagawa ito ng walang-hanggang kaibhan.”

Mga Tala

  1. Personal Finances for Self-Reliance (2016), 42.

  2. Tingnan sa Personal Finances for Self-Reliance, 36–37.