Pinayapa Niya ang Dagat
Nakatira ako sa Vanuatu, isang pangkat ng mga isla sa Timog ng Karagatang Pasipiko. Noon ay nasabik akong maging walong taong gulang para mabinyagan at makumpirma na ako.
Pero nag-alala ako sa pagbibinyag sa akin sa dagat sa harap ng aming bahay dahil ang mga alon doon ay malaki. Masayang maglaro sa mga alon na ito, pero hindi ako sigurado sa pagpapabinyag dito. Pumunta kami ng nanay ko sa dagat sa harap ng aming bahay para makita kung ano ang lagay nito, at nalaman ko na magiging maayos ang aking binyag.
Pumili kami ng araw kung kailan ako mabibinyagan, at sabik na sabik na ako. Pero dumating ang isang bagyo malapit sa aming isla. Tinawagan namin ang branch president at kinansela ang aking binyag.
Kahit na nagkaroon ng kaunting pagbaha dahil sa bagyo, nakapagsimba kami pagdating ng Linggo. Inanunsiyo ng branch president na mabibinyagan ako sa Sabado.
Noong umaga ng Sabado, napakalalaki talaga ng mga alon, at natakot ako. Nagtipon kami sa aming bahay, at pagkatapos ay lumakad kaming lahat papunta sa tabing-dagat. Hiniling ko sa pinsan kong si Josh na binyagan ako.
Binuhat ako ni Josh sa ibabaw ng mga alon noong naglakad kami, pero noong binibinyagan ako, pumayapa ang mga alon. Sa tingin ko habang sinasabi ni Josh ang panalangin sa pagbibinyag, pinayapa ni Jesus ang dagat para sa akin.
Pag-ahon namin mula sa dagat, naging maalon muli ang dagat, pero ayos lang sa akin dahil basa na naman ang buong katawan ko. Masaya ako na maging walong taong gulang, at na sinunod ko ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapabinyag. Alam ko na pinakinggan ng Ama sa Langit ang mga panalangin ko. ●