Mga Calling sa Mission
Kabanata 1: Tuparin ang Iyong Layunin Bilang Misyonero


“Kabanata 1: Tuparin ang Iyong Layunin Bilang Misyonero,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)

“Kabanata 1,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo

si Dan Jones na nangangaral

Ipinangangaral ni Dan Jones, isa sa mga pinakadakilang misyonero sa dispensasyong ito, ang ebanghelyo sa Wales.

© 1993 Clark Kelley Price. Bawal kopyahin.

Kabanata 1

Tuparin ang Iyong Layunin Bilang Misyonero

Ang Iyong Layunin: Anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.

Pag-isipan Ito

  • Ano ang layunin ko bilang misyonero?

  • Anong awtoridad at kapangyarihan ang kaakibat ng aking tungkulin?

  • Paano ako aasa sa, makikila ang, at magtuturo sa pamamagitan ng Espiritu?

  • Ano ang ebanghelyo ni Jesucristo?

  • Ano ang mensahe ng Pagpapanumbalik? Bakit napakahalaga nito?

  • Ano ang aking responsibilidad sa pagtatatag at pagpapalakas ng Simbahan ni Jesucristo?

  • Paano ko malalaman kung matagumpay akong misyonero?

Ang Iyong Tungkulin na Ituro ang Ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo

Napapaligiran ka ng mga tao. Nakakasalubong mo sila sa kalye at nakakasabay mo sila sa biyahe. Binibisita mo sila sa kanilang tahanan at nakikipag-ugnayan sa kanila online. Lahat sila ay anak ng Diyos—mga kapatid mo. Mahal sila ng Diyos tulad ng pagmamahal Niya sa iyo.

Marami sa mga taong ito ay hinahanap ang layunin ng kanilang buhay. Nag-aalala sila para sa kanilang hinaharap at sa kanilang mga pamilya. Kailangan nilang madama ang pagiging kabilang na nagmumula sa kaalaman na sila ay mga anak ng Diyos at bahagi ng Kanyang walang-hanggang pamilya. Gusto nilang makadama ng kapanatagan sa isang daigdig na pabagu-bago ang pinahahalagahan. Nais nila ang “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (Doktrina at mga Tipan 59:23).

Marami sa kanila ang “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan” (Doktrina at mga Tipan 123:12). Ang ebanghelyo ni Jesucristo, na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ay nagkakaloob ng walang-hanggang katotohanan. Tinutugunan ng katotohanang ito ang mga espirituwal na pangangailangan ng mga tao at tinutulungan silang matupad ang mga pinakamimithi nila sa buhay.

Bilang awtorisadong kinatawan ni Jesucristo, itinuturo mo na “ang pagtubos ay darating sa at sa pamamagitan ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:6). Inaanyayahan mo ang mga tao na lumapit kay Cristo at magbalik-loob sa Kanya at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Kapag tinanggap nila ang iyong paanyaya, magkakaroon sila ng higit na kaligayahan, pag-asa, kapayapaan, at layunin sa buhay.

Para makalapit sa Tagapagligtas, ang mga tao ay dapat magkaroon ng pananampalataya sa Kanya. Matutulungan mo silang magkaroon ng ganitong pananampalataya habang:

  • Itinuturo mo sa kanila ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at pinatototohanan ang katotohanan nito.

  • Inaanyayahan mo silang mangakong mamuhay ayon sa mga turo nito.

  • Nagpa-follow up ka at tinutulungan silang kumilos ayon sa mga pangakong ginawa nila.

  • Tinutulungan mo silang magkaroon ng mga karanasan kung saan nadarama nila ang impluwensya ng Espiritu Santo (tingnan sa 1 Nephi 10:17–19).

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay aakay sa mga tao na magsisi. Sa pamamagitan ng pagbabayad-sala Niya para sa ating mga kasalanan, ginawang posible ni Jesucristo na tayo ay makapagsisi. Kapag nagsisi ang mga tao, sila ay malilinis mula sa kanilang mga kasalanan at mapapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Makararanas sila ng kagalakan at kapayapaan mula sa pagtanggap ng kapatawaran.

Ang pagsisisi ay naghahanda sa mga tao para sa tipan ng binyag at sa kaloob na Espiritu Santo. “Lumapit sa akin,” ang sabi ng Tagapagligtas, “at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw” (3 Nephi 27:20).

Habang lumalago ang iyong pag-unawa at patotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, magkakaroon ka ng higit na hangaring ibahagi ang ebanghelyo. Madarama mo, tulad ni Lehi, ang “laking kahalagahan na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa mga naninirahan sa mundo” (2 Nephi 2:8).

ang pangitain ng Punungkahoy ng Buhay

The Tree of Life [Ang Punungkahoy ng Buhay], ni Damir Krivenko.

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Suriin ang kaakibat na larawan habang pinag-aaralan mo ang pangitain ng punungkahoy ng buhay sa 1 Nephi 8 at 11.

  • Ano ang sinasagisag ng punungkahoy ng buhay sa pangitaing ito? (Tingnan sa 1 Nephi 11:21–23.)

  • Ano ang hinangad ni Lehi matapos niyang kainin ang bunga? (Tingnan sa 1 Nephi 8:10–18.)

  • Sa pangitain, ano ang kinailangang gawin ng mga tao para makakain ng bunga? Ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang lahat ng pagpapalang mula sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Sa paanong paraan tayo tinutulungan ng mga pangako at mga tipan para matanggap ang mga pagpapalang ito?

  • Paano mo matutulungan ang ibang tao na matanggap ang mga bunga ng ebanghelyo?

Ang Awtoridad at Kapangyarihan ng Iyong Calling

Ikaw ay tinawag at nai-set apart na “[magpahayag] ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, maging ang walang hanggang ebanghelyo” (Doktrina at mga Tipan 79:1). Tulad ng mga anak ni Mosias, maaari kang magturo nang may awtoridad at kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa Alma 17:2–3).

Sa ilalim ng pamamahala ni Cristo, ang awtoridad na ipangaral ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Noong ikaw ay na-set apart bilang isang misyonero, natanggap mo ang awtoridad na ito. Kaakibat nito ang karapatan, pribilehiyo, at responsibilidad na kumatawan sa Panginoon at ituro ang Kanyang ebanghelyo.

Kasama sa awtoridad na ito ang responsibilidad na mamuhay nang karapat-dapat para sa iyong calling. Dapat mong ituring na seryosong bagay ang pagka-set apart sa iyo. Lumayo sa kasalanan at sa anumang bagay na hindi malinis o bastos. Lumayo sa mga paraan at pilosopiya ng mundo. Sundin ang mga pamantayan sa Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo. Bilang kinatawan ng Panginoon, ikaw ay dapat “maging halimbawa ng mga mananampalataya” (1 Timoteo 4:12). Igalang ang pangalan ni Jesucristo sa iyong kilos at pananalita.

Bukod pa sa awtoridad, kailangan mo ng espirituwal na kapangyarihan para matupad mo ang iyong tungkulin. Ang Diyos ay nagbibigay ng espirituwal na kapangyarihan kapag patuloy kang nagsisikap na mapatatag ang iyong patotoo sa Kanya, kay Jesucristo, at sa mga katotohanan ng ebanghelyo na itinuturo mo. Nagkakaloob Siya ng espirituwal na kapangyarihan habang ikaw ay nagdarasal, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, at naghahangad na matupad ang iyong layunin bilang misyonero. Nagkakaloob Siya ng espirituwal na kapangyarihan habang sinisikap mong sundin ang Kanyang mga kautusan at ang mga tipan na ginawa mo noong tinanggap mo ang mga ordenansa ng kaligtasan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 35:24).

Makikita ang espirituwal na kapangyarihan kapag:

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Paano ka makatatanggap ng patotoo at paano mo mapatatatag ito?

Paano ka makatatanggap ng espirituwal na kapangyarihan?

Personal na Pag-aaral

Rebyuhin at pagnilayan ang sumusunod na mga tipang ginawa mo sa Diyos. Pag-aralan ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa mga tumutupad ng mga tipang ito. Isipin ang mga pagpapalang natanggap mo sa pagtupad ng mga tipang ito. Itala ang mga impresyon mo sa iyong study journal.

Binyag at Kumpirmasyon

Ordinasyon sa Priesthood (para sa mga elder)

  • Maging matapat.

  • Gampanang mabuti ang iyong tungkulin.

  • Pakinggang mabuti ang mga salita ng buhay na walang hanggan.

  • (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:33–44.)

Endowment sa Templo

  • Ipamuhay ang batas ng pagsunod.

  • Sundin ang batas ng sakripisyo.

  • Sundin ang batas ng ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Sundin ang batas ng kalinisang puri.

  • Sundin ang batas ng paglalaan.

  • (Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 27.2.)

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Basahin ang Juan 15:1–16. Sa paanong paraan naging puno ng ubas si Cristo? Paano kang naging sanga ng puno ng ubas na iyon? Paano nauugnay dito ang pagbubukod o pagka-set apart sa iyo?

Basahin ang iyong ministerial certificate. Itala ang nadarama at nasasaisip mo tungkol sa binasa mo. Sa tuwing pag-aaralan mo ang kabanatang ito, isaalang-alang ang pag-uulit ng prosesong ito. Pansinin kung paanong nagbago ang damdamin mo sa paglipas ng panahon.

Personal na Pag-aaral

Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 109:13–15, 21–30, 38–39, 55–57. Ang mga talatang ito ay bahagi ng inspiradong panalangin ng paglalaan ni Propetang Joseph Smith para sa Kirtland Temple.

Gumawa ng listahan ng mga pagpapalang hiniling ni Joseph Smith para sa mga matatapat na tumanggap ng endowment sa banal na bahay ng Panginoon. Ano ang nadarama mo tungkol sa mga pagpapalang ito?

Hangaring Makasama ang Espiritu Santo

Natanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo noong nakumpirma ka bilang miyembro ng Simbahan. Bilang misyonero—at sa buong buhay mo—ang isa sa pinakakailangan mo ay ang makasama ang Espiritu Santo (tingnan sa 1 Nephi 10:17; 3 Nephi 19:9). Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos.

Ang Espiritu Santo ay gagabay, magtuturo, at magpapanatag sa iyo. Nililinis at pinababanal ka Niya. Siya ay nagpapatotoo sa katotohanan at sumasaksi sa Ama at sa Anak. Siya ang daan para magbalik-loob ka at ang mga tinuturuan mo. (Tingnan sa 3 Nephi 27:20; 28:11; Eter 12:41; Moroni 8:26; 10:5; Juan 15:26.)

Ang Espiritu Santo “ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Pag-iibayuhin Niya ang iyong mga kakayahan at paglilingkod nang higit pa sa kaya mong gawin nang mag-isa.

Ang paggabay ng Espiritu Santo ay dapat isa sa pinakataimtim mong hangarin. Madarama mong sinasamahan Ka niya kapag:

Pangulong Russell M. Nelson

“Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw” (Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96).

Matutuhang Mahiwatigan ang Espiritu

Mas matutupad mo ang iyong layunin bilang misyonero kapag natutuhan mong mahiwatigan at sundin ang gabay mula sa Espiritu Santo. Ang Espiritu ay karaniwang nakikipag-ugnayan sa iyo nang tahimik, sa pamamagitan ng iyong damdamin at isipan. Ilaan ang iyong sarili sa paghahangad, paghiwatig, at pagsunod sa banayad na mga pahiwatig. Ang mga pahiwatig ay dumarating sa maraming paraan (tingnan sa kabanata 4; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3; 11:12–14; Galacia 5:22–23).

Magturo sa Pamamagitan ng Espiritu

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay “ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16). Dahil dito, ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay kailangang ituro sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos—ang kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Sinabi ng Panginoon, “Ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo” (Doktrina at mga Tipan 42:14; tingnan din sa 50:13–14, 17–22). Habang nagtuturo ka sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo:

  • Ituturo Niya sa iyo ang katotohanan at ipapaalala Niya sa iyo ang doktrinang pinag-aralan mo (tingnan sa Juan 14:26).

  • Ibibigay Niya sa iyo ang mga salitang sasabihin mo kapag kailangan mo ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:85).

  • Ihahatid Niya ang iyong mensahe sa puso ng mga taong tinuturuan mo (tingnan sa 2 Nephi 33:1).

  • Tutulungan ka Niya—at ang mga taong tumanggap ng Espiritu—na maunawaan ninyo ang isa’t isa at kayo ay kapwa pagtitibayin at magkasamang magsasaya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:17–22).

  • Patototohanan Niya ang katotohanan ng iyong mensahe at pagtitibayin Niya ang iyong mga salita sa mga tumanggap sa inyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:5–8).

Pagpapalain ka nang sagana ng Panginoon kapag hinangad, umasa, at nagturo ka sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa kabanata 4 at 10).

One by One [Isa-isa], ni Walter Rane

Ang Ebanghelyo ni Cristo at Doktrina ni Cristo

Ipinaliliwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo ang iyong mensahe at ang iyong layunin. Ipinaliliwanag nito ang “ano” at ang “bakit” ng iyong paglilingkod bilang misyonero. Ang Kanyang ebanghelyo ay kinabibilangan ng lahat ng doktrina, alituntunin, batas, kautusan, ordenansa, at tipan na kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan.

Ang mensahe ng ebanghelyo ay na maaari nating matanggap ang nakapagliligtas at nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas (tingnan sa 3 Nephi 27:13–22).

Tinatawag rin itong doktrina ni Cristo. Ang pagsasabuhay ng doktrinang ito ang paraan na tayo ay makalalapit kay Cristo at maliligtas (tingnan sa 1 Nephi 15:14). Ito ay makapangyarihang itinuturo sa Aklat ni Mormon (tingnan sa 2 Nephi 31; 32:1–6; 3 Nephi 11:31–40). Ang iyong layunin ay tulungan ang mga tao na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na ipamuhay ang Kanyang doktrina.

Hyrum Smith

“Ipangaral ang mga unang alituntunin ng Ebanghelyo—paulit-ulit na ipangaral ang mga ito; makikita mo na araw-araw ay may ihahayag sa iyong mga bagong ideya at dagdag na pang-unawa ukol sa mga ito. Madaragdagan ang pang-unawa ninyo sa mga ito at magiging mas malinaw ito sa inyo. Dahil dito ay mas malinaw ninyo itong maipapaunawa sa inyong mga tinuturuan” (Hyrum Smith, sa History, 1838–1856, volume E-1 [1 July 1843–30 April 1844], 1994, josephsmithpapers.org).

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang itinuturo sa atin ng sumusunod na mga banal na kasulatan at pahayag tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa doktrina ni Cristo? Gumawa ng mga tala sa iyong study journal para matulungan kang maunawaan at maalala ito.

The Converting Power of the Book of Mormon [Ang Nakapagpapabalik-loob na Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon], ni Ben Sowards

Pananampalataya kay Jesucristo

Pananampalataya ang pundasyon ng lahat ng iba pang alituntunin ng ebanghelyo. Ito ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan.

Ang ating pananampalataya ay dapat nakasentro kay Jesucristo upang maakay tayo nito tungo sa kaligtasan. Itinuro ng Tagapagligtas, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kinabibilangan ng paniniwala na Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos. Ito ay ang pagtitiwala sa Kanya bilang ating Tagapagligtas at Manunubos (tingnan sa Mosias 3:17; 4:6–10; Alma 5:7–15). Ito ay ang lubos na pagtitiwala sa Kanya at sa Kanyang mga salita, turo, at pangako. Ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay lumalago habang sinusunod natin ang Kanyang mga turo at halimbawa nang may buong layunin ng puso (tingnan sa 2 Nephi 31:6–13; 3 Nephi 27:21–22).

Bilang misyonero, tulungan ang mga tao na gumawa at tumupad ng mga pangako na magpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Ang mga pangakong ito ay tutulong sa kanila na maging handa sa pagtanggap ng mga ordenansa at sa paggawa at pagtupad sa mga sagradong tipan sa Diyos.

Pagsisisi

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay umaakay sa atin na magsisi (tingnan sa Helaman 14:13). Ang pagsisisi ay ang proseso ng pagbaling sa Diyos at pagtalikod sa kasalanan. Habang tayo ay nagsisisi, ang ating mga kilos, hangarin, at isipan ay nagbabago at umaayon ang mga ito sa kalooban ng Diyos.

Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ang Tagapagligtas ang nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan (tingnan sa Mosias 15:9; Alma 34:15–17). Kapag tayo ay nagsisi, tayo ay mapapatawad dahil kay Jesucristo at sa Kanyang sakripisyo, sapagkat inaangkin Niya ang Kanyang karapatan na magbigay ng awa sa mga nagsisisi (tingnan sa Moroni 7:27–28). Sa mga salita ng propetang si Lehi, ang ating “pagtubos ay darating … sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:6, 8).

Ang pagsisisi ay higit pa sa pagsisikap na baguhin ang ating ugali o daigin ang ating kahinaan. Ang pagsisisi ay ang taos-pusong pagbaling kay Cristo, na nagbibigay sa atin ng kapangyarihang magkaroon ng “malaking pagbabago” sa ating mga puso (tingnan sa Alma 5:12–14). Kasama rito ang mapagkumbabang pagsunod sa Espiritu at sa kalooban ng Diyos. Kapag tayo ay nagsisisi, mas tumitibay ang ating dedikasyong paglingkuran ang Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan. Tayo ay espirituwal na isinisilang na muli kay Cristo.

Ang pagsisisi ay isang positibong alituntunin na naghahatid ng galak at kapayapaan. Inaakay tayo nito “sa kapangyarihan ng Manunubos, tungo sa kaligtasan ng [ating] mga kaluluwa” (Helaman 5:11).

Maging matatag at magiliw sa pagtulong sa mga tao na maunawaan kung bakit nila kailangang magsisi. Kapag inaanyayahan mo ang mga taong tinuturuan mo na gumawa ng mga pangako, inaanyayahan mo silang magsisi at inaalok mo sila ng pag-asa.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang matututuhan mo mula sa sumusunod na mga banal na kasulatan tungkol sa pagpapahayag ng pagsisisi?

Binyag

Ang pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi ang naghahanda sa atin para sa ordenansa ng binyag. “Ang mga unang bunga ng pagsisisi ay binyag” (Moroni 8:25). Pumapasok tayo sa pintuang patungo sa buhay na walang hanggan kapag tayo ay bininyagan sa pamamagitan ng paglulubog na pinangangasiwaan ng isang taong mayroong awtoridad mula sa Diyos.

Kapag tayo ay bininyagan, tayo ay gumagawa ng tipan sa Diyos. Kapag tinupad natin ang tipan na ito, nangako ang Diyos na ipagkakaloob Niya sa atin ang patnubay ng Espiritu Santo, patatawarin Niya tayo sa ating mga kasalanan, at ipagkakaloob Niya na maging miyembro tayo ng Simbahan ni Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79; Moroni 6:4). Tayo ay tinitipon sa Panginoon at espirituwal na muling isinisilang sa pamamagitan ng ordenansang ito na hatid ay kagalakan at pag-asa.

Ang pagbibinyag at pagkumpirma sa mga taong tinuturuan mo ay mahalaga sa iyong layunin. Tulungan sila na maunawaan na para maging kwalipikadong mabinyagan, kailangan nilang matugunan ang mga kondisyon sa Doktrina at mga Tipan 20:37.

Pag-aaral ng Magkompanyon

Saliksikin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

Batay sa pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan sa itaas, magsulat ng dalawang listahan:

  1. Ang mga kwalipikasyon para sa binyag

  2. Ang mga tipan na ginagawa sa binyag

Talakayin ninyo ng iyong kompanyon kung paano ninyo ito ituturo sa ibang tao.

Kumpirmasyon at Kaloob na Espiritu Santo

Ang binyag ay mayroong dalawang bahagi: binyag ng tubig at binyag ng Espiritu. Pagkatapos nating mabinyagan sa tubig, ang binyag na ito ay makukumpleto kapag tayo ay nakumpirma sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng isang taong mayroong awtoridad mula sa Diyos. Sa pamamagitan ng kumpirmasyon ay matatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo at ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 111).

Itinuro ni Alma na, “Ang buong sangkatauhan … ay kinakailangang isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae; at sa gayon sila naging mga bagong nilikha” (Mosias 27:25–26).

Para sa mga nagsisisi, ang binyag ng tubig at ng Espiritu ay espirituwal na muling pagsilang.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang ilan sa mga pagpapalang nagmumula sa kaloob na Espiritu Santo?

Bakit dapat nating hangarin ang kaloob na Espiritu Santo?

Pagtitiis Hanggang sa Wakas

Ang pagsunod kay Jesucristo ay isang panghabambuhay na pangako. Tayo ay nagtitiis hanggang sa wakas kapag habambuhay tayong sumasampalataya kay Cristo, nagsisisi araw-araw, tinatanggap ang mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo, tumutupad sa mga tipang iyon, at tinatanggap ang patnubay ng Espiritu Santo. Kabilang dito ang pagpapanibago ng mga tipan na ginawa natin sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento.

The Lord Is My Shepherd, ni Yongsung Kim

The Lord Is My Shepherd [Ang Panginoon ay Aking Pastol], ni Yongsung Kim. Larawan sa kagandahang-loob ng Havenlight.

Ang Ebanghelyo—Ang Landas ng Ama sa Langit Pabalik sa Kanya

Mababago ng ebanghelyo ni Jesucristo ang paraan ng ating pamumuhay at ang ating kahihinatnan. Ang mga alituntunin nito ay hindi lamang mga hakbang na ating mararanasan nang minsan sa ating buhay. Kapag paulit-ulit nating ipinamuhay ang mga ito habambuhay, aakayin tayo ng mga alituntuning ito papalapit sa Diyos at maghahatid sa atin ng kasiya-siyang paraan ng pamumuhay. Naghahatid ang mga ito ng kapayapaan, pagpapagaling, at kapatawaran. Ipinaliliwanag din ng mga ito ang landas na ipinagkaloob sa atin ng Ama sa Langit upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan kasama Niya.

Gagabayan ng ebanghelyo ni Jesucristo kung paano ka maglilingkod bilang misyonero. Tutulungan ka nitong ituon ang iyong mga pagsisikap sa kung ano ang pinakamahalaga. Tulungan ang mga taong magkaroon ng pananamalataya kay Jesucristo tungo sa pagsisisi (tingnan sa Alma 34:15–17). Ituro at patotohanan na ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang awtoridad ng priesthood ay naipanumbalik na. Anyayahan ang mga tao na magpabinyag at mamuhay ayon sa mga turo ng Tagapagligtas.

Pinagpapala ng Ebanghelyo ni Jesucristo ang Lahat ng Anak ng Diyos

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa lahat ng anak ng Diyos. Itinuro sa mga banal na kasulatan na “pantay-pantay ang lahat sa Diyos”. Inaanyayahan Niya ang lahat na “lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33).

Pinagpapala tayo ng ebanghelyo sa buong mortal na buhay natin at sa kawalang-hanggan. Mas malamang na magiging masaya tayo—bilang mga indibiduwal at bilang mga pamilya—kapag namumuhay tayo nang ayon sa mga turo ni Jesucristo” (tingnan sa Mosias 2:41; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org). Ang pagsasabuhay ng ebanghelyo ay maghahatid sa atin ng higit na kaligayahan, magbibigay-inspirasyon sa ating mga kilos, at pagyayamanin ang ating mga ugnayan.

Isa sa pinakamagandang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay tayong lahat ay bahagi ng pamilya ng Diyos. Tayo ay Kanyang mga minamahal na anak na lalaki at babae. Anuman ang sitwasyon ng ating pamilya dito sa lupa, bawat isa sa atin ay bahagi ng pamilya ng Diyos.

Ang isa pang mahalagang bahagi ng ating mensahe ay maaaring magkasama-samang muli ang mga pamilya sa kawalang-hanggan. Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Itinuro ng mga propeta sa mga huling araw:

“Ang banal na plano ng kaligayahan ng [Ama sa Langit] ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang buhay. “Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).

Maraming tao ang may limitadong oportunidad na makapag-asawa o magkaroon ng mapagmahal na relasyon sa pamilya. Marami ang nakaranas ng diborsiyo at iba pang mabibigat na pagsubok sa pamilya. Gayunman, personal tayong pagpapalain ng ebanghelyo anuman ang sitwasyon ng ating pamilya. Kapag tayo ay naging matapat, maglalaan ang Diyos ng paraan para matanggap natin ang pagpapala ng mapagmahal na pamilya, sa buhay man na ito o sa buhay na darating (tingnan sa Mosias 2:41).

Ang Mensahe ng Panunumbalik: Ang Pundasyon ng Pananampalataya

Saan ka man naglilingkod o sino man ang tinuturuan mo, isentro ang iyong pagtuturo kay Jesucristo at sa Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Habang pinag-aaralan mo ang doktrina sa mga lesson ng misyonero, makikita mo na iisa ang ating mensahe: Si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pamamagitan ng isang makabagong propeta, ipinanumbalik ng Ama sa Langit ang kaalaman tungkol sa Kanyang plano para sa ating kaligtasan. Ang planong ito ay nakasentro kay Jesucristo. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ginawang posible ng Tagapagligtas na lahat tayo ay maligtas mula sa kasalanan at kamatayan at makabalik sa piling ng Ama sa Langit.

Tulungan ang mga taong tinuturuan mo na maunawaan ang sumusunod:

  • Ang Diyos ay ang ating literal na Ama sa Langit. Minamahal Niya tayo nang lubos. Ang bawat tao sa mundo ay anak ng Diyos at bahagi ng Kanyang pamilya.

  • Ang Ama sa Langit ay naglaan ng isang plano para matanggap natin ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, na siyang pinakadakila Niyang pagpapala (tingnan sa Moses 1:39). Naparito tayo sa lupa upang matuto, umunlad, at maghanda para matanggap ang kabuuan ng Kanyang mga pagpapala.

  • Bilang bahagi ng Kanyang plano, nagbigay ang Ama sa Langit ng mga kautusan upang magabayan tayo sa buhay na ito at matulungan tayong makabalik sa Kanya (tingnan, halimbawa, sa Exodo 20:3–17).

  • Sa buhay na ito, lahat tayo ay magkakasala, at lahat tayo ay mamamatay. Dahil sa pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan.

  • Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, malilinis tayo mula sa ating mga kasalanan kapag tayo ay nagsisi at nabinyagan at nakumpirma. Maghahatid ito sa atin ng kapayapaan at gagawin nitong posible na mabakabalik tayo sa presensya ng Diyos at makatanggap ng ganap na kagalakan.

  • Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos nating mamatay. Ibig sabihin nito, ang espiritu at katawan ng bawat tao ay magsasamang muli at mabubuhay nang walang-hanggan.

  • Sa buong kasaysayan ng Biblia, inihayag ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo at inorganisa ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga propeta. At paulit-ulit itong tinanggihan ng maraming tao. Ang paulit-ulit na pagtalikod sa ebanghelyo at ang pangangailangang ipanumbalik ito ay nagsimula sa panahon ng Lumang Tipan.

  • Pagkatapos ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, pinamunuan ng Kanyang mga Apostol ang Simbahan sa loob ng ilang panahon. Kalaunan, sila ay namatay, nawala ang awtoridad ng priesthood, at nagkaroon muli ng pagtalikod sa mga turo ng Tagapagligtas. Binago ng mga tao ang doktrina at mga ordenansa.

  • Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinanumbalik ng Ama sa Langit sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph noong tagsibol ng 1820. Tinanggap kalaunan ni Joseph Smith ang awtoridad ng priesthood at inatasan siya na muling iorganisa ang Simbahan ni Jesucristo dito sa lupa.

Ituro na ang Simbahan ni Jesucristo ay hindi lang basta relihiyon. Hindi rin ito isang Amerikanong simbahan. Sa halip, ito ang ipinanumbalik na “kabuuan ng … ebanghelyo” ni Jesucristo (Doktrina at mga Tipan 1:23). Hindi na ito muling aalisin sa lupa.

Ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo ay nagpapatotoo kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon bilang Tagapagligtas ng mundo. Isa rin itong makapangyarihang saksi na ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo at Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Anyayahan at tulungan ang mga tao na basahin ang Aklat ni Mormon at ipagdasal ang mensahe nito.

Magtiwala sa kagila-gilalas na pangako sa Moroni 10:3–5. Hikayatin ang mga tao na taos-pusong magtanong sa Diyos nang may tunay na layunin kung ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Ang ibig sabihin ng pagdarasal nang may tunay na layunin ay ang pagiging handang kumilos sa sagot na darating mula sa pagsaksi ng Espiritu Santo. Ang pagsaksi na ito ang magiging pundasyon ng pananampalataya ng isang tao na ipinanumbalik ni Cristo ang Kanyang Simbahan. Tulungan ang mga tinuturuan mo na hangarin ang espirituwal na pagpapatibay na ito.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Paano mo dapat gamitin ang Aklat ni Mormon sa gawaing misyonero?

Personal na Pag-aaral

Isipin na kunwari ikaw ay magsusulat ng isang talata tungkol sa mensahe ng Pagpapanumbalik sa social media o sa isang lokal na pahayagan. Isulat sa iyong study journal ang isang pamagat na naglalarawan sa sentro ng mensahe nito. Pagkatapos ay isulat ang mga naiisip at nadarama mo tungkol sa mensaheng ito. Isama rito kung paanong ang higit na pag-unawa rito ay nagpabago sa paraan ng iyong pamumuhay at sa pananaw mo sa mundo.

Itatag at Palakasin ang Simbahan

Noong ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan, inatasan Niya si Propetang Joseph Smith at ang iba pa na “itatag” at “palakasin” ito (Doktrina at mga Tipan 31:7; 39:13). Ang Simbahan ay naitatatag at napalalakas kapag ang mga taong may patotoo ay nabinyagan at nakumpirma at kapag sila ay tumupad sa kanilang mga tipan, naghandang magpunta sa templo, at tumulong para mapalakas ang kanilang ward o branch.

lalaking nagdarasal

Bilang misyonero, tumutulong ka para maitatag at mapalakas ang Simbahan ng Tagapagligtas. Maraming paraan na magagawa mo ito. Maaari mong suportahan ang mga miyembro habang ibinabahagi nila ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 23.1). Maaari mong tulungan ang mga tao na tanggapin ang binyag at lumago sa kanilang pananampalataya. Maaari mong tulungan ang mga bagong miyembro na masanay sa kanilang bagong buhay at magpatuloy na umunlad. Maaari mong tulungan ang mga nagbabalik na miyembro na mapatatag ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Umuunlad ang patotoo at pananampalataya ng mga bago at nagbabalik na mga miyembro kapag nararanasan nila ang epekto ng ebanghelyo sa kanilang buhay. Para maisakatuparan ito, mahalaga na sila ay:

  • Mayroong mga kaibigan na miyembro ng Simbahan.

  • Mabigyan ng responsibilidad sa Simbahan.

  • Mapangalagaan ng salita ng Diyos.

(Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 47.)

Dapat malugod na tanggapin ng mga misyonero, lokal na lider, at iba pang miyembro ng Simbahan ang responsibilidad na pangalagaan at palakasin ang mga bago at nagbabalik na miyembro. Ang paglilingkod na ito ay tumutulong na “mapanatili sila sa tamang daan” (Moroni 6:4).

Naglilibot na Gumagawa ng Mabuti

Noong Kanyang ministeryo dito sa lupa, pinaglingkuran ng Tagapagligtas ang mga tao. Siya ay naglibot “na gumagawa ng mabuti” at “ipinangangaral ang ebanghelyo” (Mga Gawa 10:38; Mateo 4:23). Kapag tinularan mo ang Kanyang halimbawa, makahahanap ka ng mga tao na mapaglilingkuran mo at tatanggap sa iyo.

Sa pamamagitan ng paglilingkod, matutupad mo ang dalawang dakilang utos na mahalin ang Diyos at mahalin ang iyong kapwa (tingnan sa Mateo 22:36–40; 25:40; Mosias 2:17). Sa pamamagitan ng paglilingkod, maaari kang makabuo ng makabuluhang mga ugnayan.

Bilang misyonero, ikaw ay nagbibigay ng planadong paglilingkod bawat linggo (tingnan sa Mga Pamantayan ng Missionary, 2.7 at 7.2, para sa impormasyon at mga tuntunin). Sa ilalim ng pamamahala ng iyong mission president, maaari kang maghanap ng mga oportunidad na maglingkod sa komunidad sa pamamagitan ng JustServe (kung saan ito ay inaprubahan) at sa mga humanitarian at disaster response efforts ng Simbahan.

Sa buong maghapon, magdasal at maghanap ng mga di-planadong oportunidad na gumawa ng mabuti. Pakinggan ang Espiritu para mabatid ang mga pagkakataong makagawa ng kabutihan.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Gusto ba ninyong lumigaya? Kalimutan ang inyong sarili at makibahagi sa dakilang mithiing ito. Ibigay ang inyong pagsisikap sa pagtulong sa mga tao. … Lalong manindigan, lalong tumulong, pasiglahin ang mga tuhod na mahihina, itaas ang mga bisig na nakababa. Ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo” (Gordon B. Hinckley, Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley [2016], 234–35).

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang papel na ginampanan ng paglilingkod sa buhay ng Tagapagligtas?

Ano ang papel na ginampanan ng paglilingkod sa pagmimisyon nina Ammon at Aaron?

Ano ang iniuutos ng Panginoon na gawin mo?

Ang Matagumpay na Misyonero

Ang tagumpay mo bilang misyonero ay nakabatay sa iyong hangarin at dedikasyon na maghanap, magturo, magbinyag, at magkumpirma ng mga nagbabalik-loob o mga convert at tulungan silang maging matatapat na disipulo ni Cristo at miyembro ng Kanyang Simbahan (tingnan sa Alma 41:3).

Ang iyong tagumpay ay hindi batay sa kung ilang tao ang iyong naturuan o nabinyagan. Hindi rin ito batay sa pagkakaroon ng mga posisyon sa pamumuno.

Ang iyong tagumpay ay hindi nakasalalay sa tugon ng mga tao sa iyo, sa iyong mga paanyaya, o sa iyong tapat na pagpapakita ng kabutihan. Ang mga tao ay mayroong kalayaang piliin o tanggihan ang mensahe ng ebanghelyo. Ang responsibilidad mo ay magturo nang malinaw at mabisa para makapili sila nang maayos na maghahatid ng pagpapala sa kanila.

Isipin ang talinghaga tungkol sa mga talento sa Mateo 25:14–28. Ang panginoon sa talinghaga, na kumakatawan kay Jesucristo, ay pinuri ang dalawa Niyang matapat na lingkod kahit na magkaiba ang halaga ng kanilang mga handog (tingnan sa Mateo 25:21, 23). Binigyan Niya rin silang dalawa ng parehong gantimpala, inanyayahan silang pumasok “sa kagalakan ng iyong panginoon” dahil pinalago nila ang ibinigay sa kanila.

Binigyan ka ng Diyos ng mga talento at kaloob na magagamit mo sa paglilingkod sa Kanya. Ang iyong mga talento at kaloob ay iba sa mga talento at kaloob ng ibang tao. Tandaan na ang lahat ng ito ay mahalaga, pati na ang mga talentong hindi gaanong napapansin. Kapag inilaan mo sa Kanya ang iyong mga talento at kaloob, palalawakin Niya ang mga ito at gagawa Siya ng mga himala sa pamamagitan ng mga handog mo.

Iwasan ang paghahambing ng iyong sarili sa ibang mga misyonero at pagsukat ng panlabas ng resulta ng iyong mga pagsisikap sa mga resulta ng kanilang mga pagsisikap. Ang paghahambing ay kadalasang may hindi magandang resulta, tulad ng panghihina ng loob o pagmamataas. Ang paghahambing ay madalas ding mapanlinlang. Ang nais ng Panginoon ay ang pinakamahusay mong pagsisikap—ang paglingkuran mo Siya “nang [iyong] buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (Doktrina at mga Tipan 4:2; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Maaaring malungkot ka kung hindi pa tanggapin ngayon ng mga tao ang ebanghelyo. Maaaring minsan ay panghinaan ka ng loob. Kahit ang mga dakilang misyonero at mga propeta sa mga banal na kasulatan ay pinanghinaan din ng loob paminsan-minsan (tingnan sa 2 Nephi 4:17–19; Alma 26:27). Sa gayong mga pagkakataon, sundin ang halimbawa ni Nephi at bumaling sa Panginoon, magtiwala sa Kanya, manalangin na palakasin ka, at alalahanin ang mabubuting bagay na ginawa Niya para sa iyo (tingnan sa 2 Nephi 4:16–35).

dalawang misyonero na nagdarasal

Kapag bumaling ka sa Panginoon sa mahihirap na panahon, nangako Siya na “aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan; oo, ikaw ay aking aalalayan” (Isaias 41:10). Sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Cristo, magkakaroon ka ng kapayapaan at kapanatagan tungkol sa iyong mga pagsisikap. Ang iyong pananampalataya ay tutulong sa iyo na sumulong at ipagpatuloy ang mabubuti mong hangarin.

Manatiling nakatuon sa iyong pangakong sundin si Cristo at sa iyong layunin bilang misyonero—hindi sa mga panlabas na resulta. Ang mga resultang ito ay madalas na hindi kaagad napapansin. Gayundin, panatilihing mataas ang iyong mga inaasahan ano pa man ang mga hamon na iyong kinakaharap. Ang pakakaroon ng mataas na inaasahan ay tutulong sa iyo na maging mas mabisa, magkaroon ng mas mataas na hangarin, at mas bubuti ang iyong kakayahang sundin ang Espiritu.

Nasa ibaba ang ilang paraan para masuri mo ang iyong dedikasyon sa Panginoon at ang iyong pagsisikap na maging matagumpay na misyonero.

Kapag nagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya, maaaring dumanas ka pa rin ng kabiguan, pero hindi ka makadarama ng kabiguan sa iyong sarili. Madarama mong natutuwa ang Panginoon sa iyo kapag nadama mong kumikilos ang Espiritu sa pamamagitan mo.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang nadarama ng mga tagapaglingkod ng Panginoon tungkol sa gawain? Paano naiimpluwensyahan ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang mga taong pinaglilingkuran nila? Ano ang nararamdaman mo tungkol sa gawain?

Personal na Pag-aaral

  • Basahin ang Helaman 10:1–5 at 3 Nephi 7:17–18. Ano ang pakiramdam ng Panginoon sa mga misyonero na ito at sa kanilang paglilingkod?

  • Isipin ang pagsisikap nina Abinadi at Ammon bilang mga misyonero (tingnan sa Mosias 11–18; Alma 17–20; 23–24). Bakit tinanggap ng Panginoon ang dalawang misyonero na ito kahit na hindi kaagad nagbunga ang kanilang mga pagsisikap?

  • Isulat ang natutuhan mo sa iyong study journal.


Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay

Personal na Pag-aaral

Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange

  • Pumili ng isa sa sumusunod na mga dakilang misyonero, at basahin ang nakalistang mga banal na kasulatan. Habang binabasa ninyo ang tungkol sa mga misyonero, pag-usapan kung paano niya (1) naunawaan at ibinuhos ang kanyang sarili sa kanyang tungkulin, (2) ipinamalas ang kanyang saloobin at hangarin tungkol sa gawain, at (3) tinulungan ang iba na tanggapin ang ebanghelyo.

  • Pumili ng dalawang himno tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Basahin o awitin ang mga himno. Talakayin ang kahulugan ng mga salita.

District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council

  • Anyayahan ang dalawa o tatlong bagong convert na ibahagi ang kanilang karanasan sa pagbabalik-loob. Ano ang nadama nila tungkol sa mga misyonero? Ano ang nadama nila tungkol sa mga itinuro ng mga misyonero? Ano ang nakatulong sa kanila na tumupad ng mga pangako? Ano ang pinaka-nakaimpluwensya sa kanilang pagbabalik-loob?

  • Mga ilang araw bago ang miting, sabihan ang ilang misyonero na pag-isipang mabuti ang piling mga tanong mula sa “Pag-isipan Ito” na nasa simula ng kabanata. Sabihan ang bawat misyonero na maghanda ng dalawa hanggang tatlong minutong mensahe tungkol sa tanong na ibinigay sa kanila. Sa district meeting o zone conference, anyayahan ang mga misyonero na ibahagi ang kanilang mensahe. Pagkatapos nilang magsalita, pag-usapan kung ano ang natutuhan nila at paano nila ito magagamit sa gawaing misyonero.

  • Hatiin sa apat na grupo ang mga misyonero. Sabihin sa bawat grupo na ilista ang lahat ng katotohanan, tipan, at ordenansa na maililista nila, na ipinanumbalik at inihayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa bawat grupo na ibahagi ang kanilang listahan. Anyayahan ang mga misyonero na ibahagi kung paano naimpluwensyahan ang kanilang buhay ng alinman sa mga katotohanang inihayag sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik.

  • Talakayin ang ibig sabihin ng maging matagumpay na misyonero. Anyayahan ang mga misyonero na magbigay ng partikular na mga halimbawa.

Mga Mission Leader at mga Mission Counselor

  • Sa mga interbyu o sa pakikipag-usap sa mga misyonero, paminsan-minsang hilingan silang ibahagi sa iyo ang:

    • Kanilang patotoo kay Jesucristo.

    • Kanilang patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo at sa misyon ni Joseph Smith.

    • Kanilang patotoo sa Aklat ni Mormon.

    • Naiisip nila tungkol sa kanilang layunin bilang misyonero.

  • Anyayahan ang mga misyonero na itala sa kanilang study journal ang sa palagay nilang layunin ng kanilang misyon. Sa isang interbyu o pakikipag-usap, tanungin sila kung ano ang kanilang isinulat.

  • Magpadala ng liham ng pagbati sa mga bagong miyembro.