“Mga Patakaran para sa mga Grupo at mga Serbisyo sa Pagsamba,” Ministeryo sa Bilangguan (2023)
“Mga Patakaran para sa mga Grupo at mga Serbisyo sa Pagsamba,” Ministeryo sa Bilangguan
Mga Patakaran para sa mga Grupo at mga Serbisyo sa Pagsamba
Mga Area Prison o Jail Ministry Group
Para mabigyan ng higit na suporta ang mga lider ng stake at ward, maaaring mag-organisa ang Area Presidency ng area prison ministry group. Ang layunin ng grupong ito ay suportahan ang mga lokal na lider habang ginagampanan nila ang kanilang responsibilidad na magminister sa mga naapektuhan ng pagkabilanggo. Ang mga Area Presidency ay maaaring magtakda ng angkop na mga layunin para sa grupo batay sa mga pangangailangan ng kanilang lugar. Ang grupo ay tumutugon sa mga kumplikadong isyu na nag-o-overlap sa maraming hangganan ng stake. Dapat nitong itaguyod ang kaligtasan at iba pang epektibong mga pattern ng ministeryo sa bilangguan at pangangalaga matapos ang paglaya.
Mga Tungkulin sa Ministeryo sa Bilangguan o Kulungan at Mga Serbisyo sa Pagsamba
Tinitiyak ng stake president na mga may kakayahang lider ang tinatawag sa mga tungkulin sa stake prison ministry. Kadalasan, ang mga mag-asawa o indibiduwal na tinawag sa stake prison ministry group ay hindi dapat italaga bilang mga service missionary, ni hindi sila dapat magsuot ng missionary name tag. Maaaring magtalaga ng iba’t ibang tungkulin sa loob ng stake prison ministry group o branch para matugunan ang mga pangangailangan ng mga taong pinaglilingkuran ng grupo. Ang mga tungkulin sa pamumuno ng Relief Society ay dapat isama kapag nagmi-minister sa mga nakakulong na kababaihan.
Ang mga serbisyo sa pagsamba para sa mga miyembro na nasa bilangguan o iba pang institusyon ay maaaring gawing simple kung kinakailangan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Karaniwang sinusunod ng mga serbisyong ito ang kaparehong format ng sacrament meeting maliban sa hindi ipinagkakaloob ang sakramento sa mga nakakulong. Ang mga bilanggo ay maaaring makibahagi sa pamamagitan ng pagdarasal, pagbibigay ng mensahe, pagbabahagi ng patotoo, o pagtupad ng iba pang angkop na mga tungkulin, anuman ang kinaaanibang relihiyon o katayuan sa Simbahan. Ang pagkanta ng mga himno ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu at magbigay ng pagkakataon sa mga indibiduwal na makibahagi at sumamba.
Ang mga miyembrong tinawag na tumulong sa pagbibigay ng mga serbisyo sa pagsamba sa bilangguan ay maaaring mangasiwa ng sakramento sa bawat isa sa hiwalay na miting sa ilalim ng pamamahala ng stake president.