“Kaligtasan,” Ministeryo sa Bilangguan (2023)
“Kaligtasan,” Ministeryo sa Bilangguan
Kaligtasan
Ang mga miyembrong nagmiminister sa mga bilanggo ay dapat magalang at sumunod sa lahat ng patakaran at pamamaraan sa kaligtasan ng pasilidad. Dapat din nilang sundin ang mga tuntuning ito:
-
Iwasang makasama nang mag-isa ang isang adult na nakakulong. Ang pagbibigay ng personal na payo o basbas ng priesthood ay pinapayagan kung may pahintulot ng mga opisyal ng pasilidad at nang sumusunod sa kanilang mga tuntunin.
-
Dapat iwasan ng mga miyembro na talakayin ang mga detalye ng krimen, sentensiya, o kinakailangang paggamot ng isang indibiduwal na higit pa sa tulong na kailangan niya sa proseso ng pagsisisi. Dapat nilang sundin ang mga pamamaraan ng membership council. Kung nalaman ng mga miyembro ang anumang uri ng pang-aabuso, dapat agad silang makipag-ugnayan sa mga legal na awtoridad. Dapat tawagan ng mga branch president, bishop, at stake president ang abuse help line para sa gabay sa paggawa ng mga proteksiyon at pagtugon sa mga kinakailangan sa pag-uulat (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 38.6.2, 38.6.2.1).
-
Ang mga miyembro ay hindi dapat magbigay ng pera o regalo sa isang adult na nakakulong, ni hindi sila dapat gumawa ng anumang kasunduan na gawin ito pagkatapos ng paglaya ng tao. Lahat ng suportang pinansiyal ay dapat manggaling sa pamamagitan ng pondo ng stake, ward, o branch. Hindi binabayaran ng Simbahan ang mga bayarin sa batas o hukuman ng isang nakakulong na indibiduwal, bagama’t maaaring magbayad ito para sa mga tiket ng bus, bayad para sa pagpapalit ng ID, o iba pang tulong pangkapakanan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 22.5.2).
-
Hindi dapat ipaalam ng mga miyembro ang kanilang home address o payagan ang isang nakalayang indibiduwal na bumisita o magpalipas ng magdamag sa kanilang tahanan. Ang iba pang impormasyon sa pakikipag-ugnayan, tulad ng email address o numero ng telepono, ay maaari lamang ipaalam sa pinalayang indibiduwal kung ang mga patakaran ng pasilidad ay pumapayag sa pakikipag-ugnayan at ang miyembro ay may tungkulin na ipagpatuloy ang pagsuporta.
-
Hindi dapat makibahagi ang mga lider ng Simbahan sa mga sibil o kriminal na usapin para sa mga miyembro ng kanilang unit nang hindi muna sumasangguni sa legal counsel ng Simbahan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 38.8.23.1). Kabilang dito ang pagtestigo o paggawa ng isang nakasulat o berbal na pagsusumite sa isang probation o parole board, pati na rin ang pagliham sa mga tauhan ng korte sa ngalan ng mga kriminal na akusado o iba pa. Bagama’t may mabuting layunin, ang pagbabahagi ng mga lider ng Simbahan ng impormasyon sa mga legal na paglilitis ay maaaring mapakahulugan nang mali at makapinsala pa—lalo na sa mga biktima at kanilang pamilya. Ang patakarang ito ay makatutulong din para maiwasan ang hindi tamang pagkasangkot ng Simbahan sa mga usaping legal. Kung naniniwala ang isang lider na dapat siyang magpatotoo o makipag-usap tungkol sa isang bagay na may kinalaman sa batas o kung ang isang lider ay kinakailangang gawin ito sa pamamagitan ng legal na proseso, dapat niyang kontakin ang legal counsel ng Simbahan. Sa Estados Unidos at Canada, kokontakin ng mga lider ang Church’s Office of General Counsel.
Sa labas ng Estados Unidos at Canada, kokontakin ng mga lider ang area legal counsel sa area office.
-
Ang mga miyembro ay hindi dapat maghatid ng mga mensahe mula sa mga indibiduwal na nakakulong para ibigay sa kanilang mga kaibigan o pamilya.
-
Sa mga bilangguan, hindi bababa sa dalawang lalaki o isang mag-asawa ang dapat tawagin upang tumulong sa mga lalaking preso. Hindi bababa sa dalawang lalaki, dalawang babae, o mag-asawa ang dapat tawagin upang tumulong sa mga babaeng preso.
Matapos mapalaya ang isang tao sa isang pasilidad, maaaring maglaan ng transportasyon ang mga miyembro habang sinusunod ang mga tuntuning ito:
-
Ang transportasyon ay dapat lamang ilaan nang paminsan-minsan, pansamantala, at para sa mga tunay na pangangailangan na hindi matutugunan sa ibang paraan. Ang mga naaangkop na pangangailangan ay maaaring kabilangan ng transportasyon papunta sa simbahan, serbisyong medikal, mga interbyu sa trabaho, at paghatid sa mga hintuan ng bus o istasyon ng tren upang muling makasama ng pinalayang indibiduwal ang kanyang pamilya.
-
Ang transportasyon ay karaniwang inilalaan lamang sa komunidad kung saan nakatira ang pinalayang indibiduwal at magkakatrabaho. Dapat iwasan ang malayuang paglalakbay.
-
Kapag inihahatid ang isang pinalayang indibiduwal, dapat palaging may dalawang adult sa sasakyan bukod pa sa pinalayang indibiduwal. Ito ay partikular na mahalaga kapag ang pinalayang indibiduwal ay isang menor de edad o dati nang nahatulan ng mabigat na krimen.