Mga Banal na Kasulatan
Moises 3


Kabanata 3

(Hunyo–Oktubre 1830)

Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay na espirituwal bago sila naging likas sa ibabaw ng lupa—Nilikha niya ang tao, ang unang laman sa mundo—Ang babae ay katuwang na makakasama ng lalaki.

1 Sa gayon ang langit at ang lupa ay nayari, at ang lahat ng kinapal sa mga iyon.

2 At sa ikapitong araw ako, ang Diyos, ay tinapos ang aking gawain, at lahat ng bagay na aking nilikha; at ako ay nagpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat ng aking gawain, at lahat ng bagay na aking nilikha ay nayari, at ako, ang Diyos, ay nakitang ang mga ito ay mabuti;

3 At ako, ang Diyos, ay binasbasan ang ikapitong araw, at ginawang banal ito; sapagkat ako rito ay nangilin mula sa lahat ng aking gawain na ako, ang Diyos, ang lumikha at gumawa.

4 At ngayon, masdan, sinasabi ko sa iyo, na ito ang kasaysayan ng langit at ng lupa nang lalangin noong araw, nang ako, ang Panginoong Diyos ay lumikha ng langit at ng lupa,

5 At bawat halaman sa parang bago ito napasalupa, at bawat pananim sa parang bago ito lumago. Sapagkat ako, ang Panginoong Diyos, ang lumalang ng lahat ng bagay na aking nabanggit, sa espiritu, bago ang mga ito ay naging likas sa balat ng lupa. Sapagkat ako, ang Panginoong Diyos, ay hindi pa pinauulanan ang balat ng lupa. At ako, ang Panginoong Diyos ang lumalang sa lahat ng anak ng tao; at wala pang taong magbubungkal ng lupa; sapagkat sa langit nilalang ko sila; at wala pang laman sa lupa, ni sa tubig, ni sa himpapawid;

6 Subalit ako, ang Panginoong Diyos, ay nagsalita, at may isang ulap na pumaitaas buhat sa lupa, at dinilig ang ibabaw ng buong lupa.

7 At ako, ang Panginoong Diyos, ay hinubog ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay, ang unang laman sa lupa, ang una ring lalaki; gayon pa man, ang lahat ng bagay ay ganoon na bago pa nilalang; subalit ang mga ito ay nilalang na espirituwal at nilikha alinsunod sa aking salita.

8 At ako, ang Panginoong Diyos, ay naglagay ng isang halamanan, sa dakong silangan ng Eden, at doon ko inilagay ang tao na aking hinubog.

9 At mula sa lupa ay pinatubo ko, ang Panginoong Diyos, ang bawat punungkahoy, nang likas, na nakalulugod sa paningin ng tao; at maaaring mamasdan ito ng tao. At ito rin ay naging isang kaluluwang may buhay. Sapagkat ito ay espirituwal sa araw na aking lalangin ito; sapagkat ito ay nanatili sa kalagayan kung saan ako, ang Diyos, ay nilalang ito, oo, maging ang lahat ng bagay na aking inihanda upang magamit ng tao; at nakita ng tao na ito ay mabuting kainin. At ako, ang Panginoong Diyos, ay nagtanim din ng punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at gayon din ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.

10 At ako, ang Panginoong Diyos, ay pinapangyari na isang ilog ang dumaloy mula sa Eden upang dumilig sa halamanan; at mula roon ito ay nahati at nag-apat na sanga.

11 At ako, ang Panginoong Diyos, ay tinawag ang pangalan ng una na Pison, at ito ay lumiligid sa buong lupain ng Havilah, kung saan ako, ang Panginoong Diyos, ay lumalang ng maraming ginto;

12 At ang ginto ng lupaing yaon ay mabuti, at doon ay may bdelio at batong onix.

13 At ang pangalan ng ikalawang ilog ay tinawag na Gihon; na siya ring lumiligid sa buong lupain ng Ethiopia.

14 At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hiddecel; na siya ring umaagos patungo sa silangang Asiria. At ang ikaapat na ilog ay Eufrates.

15 At ako, ang Panginoong Diyos, ay kinuha ang lalaki, at inilagay siya sa Halamanan ng Eden, upang alagaan ito, at ingatan ito.

16 At ako, ang Panginoong Diyos, ay iniutos sa lalaki, sinasabing: Sa lahat ng punungkahoy sa halamanan ay malaya kang makakakain,

17 Datapwat sa punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, ay huwag kang kakain nito, gayon pa man, ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili, sapagkat ito ay ibinigay sa iyo; subalit, pakatandaan na ito ay aking ipinagbabawal, sapagkat sa araw na kumain ka niyon ikaw ay tiyak na mamamatay.

18 At ako, ang Panginoong Diyos, ay nagsabi sa aking Bugtong na Anak, na hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; kaya nga, ako ay lilikha ng isang katuwang para sa kanya.

19 At mula sa lupa ako, ang Panginoong Diyos, ay naghubog ng lahat ng hayop sa parang, lahat ng ibon sa himpapawid; at nag-utos na ang mga ito ay lumapit kay Adan, upang malaman kung ano ang itatawag niya sa mga iyon; at ang mga ito rin ay mga kaluluwang may buhay sapagkat ako, ang Diyos, ay hiningahan ang mga ito ng hininga ng buhay at nag-utos na anuman ang itawag ni Adan sa bawat kinapal na may buhay ay yaon ang magiging pangalan niyon.

20 At pinangalanan ni Adan ang lahat ng hayop, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat ganid sa parang; subalit sa ganang kay Adan, ay walang natagpuang maging katuwang niya.

21 At ako, ang Panginoong Diyos, ay pinatulog nang mahimbing si Adan; at siya ay natulog, at ako ay kumuha ng isa sa kanyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon;

22 At ang tadyang na kinuha ko, ang Panginoong Diyos, mula sa lalaki, ay nilikha kong isang babae, at dinala siya sa lalaki.

23 At sinabi ni Adan: Ito ngayon ay nalalaman kong buto ng aking buto, at laman ng aking laman; siya ay tatawaging Babae, sapagkat siya ay kinuha sa lalaki.

24 Kaya nga, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa; at sila ay magiging isang laman.

25 At sila ay kapwa hubad, ang lalaki at ang kanyang asawa, at sila ay hindi nagkakahiyaan.