“Isang Nakagugulat na Paraan na Panlaban sa Stress,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2021, 6–7.
Isang Nakagugulat na Paraan na Panlaban sa Stress
Nakaka-stress ba ang buhay mo? Narito ang isang bagay na maaaring makatulong.
Kapag ang buhay ay tila magulo, ang karaniwang diskarte rito ay ang yumuko at magtakip ng ulo at lumipat sa survival mode. Lalo na kung ang pakiramdam natin ay naiistress tayo o balisa. Minsang nagsalita tungkol dito si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, gamit ang mga puno at pagyanig ng eroplano bilang halimbawa. Sa dalawang halimbawang ito, kapag mahirap ang mga sitwasyon, ang pinakamahusay na solusyon ay ang maghinay-hinay. Nagiging mas mabagal ang paglago ng mga puno sa paglipas ng mga taon kung hindi mainam ang mga kalagayan. Iyan ang dahilan kung bakit mas maliliit ang ilang linyang paikot sa isang puno. Gayundin, nagbabawas ng bilis ang mga piloto ng eroplano kapag ang hangin ay nakayayanig.
“Nauunawaan at isinasabuhay ng matatalino ang mga aral ng mga linyang paikot sa mga puno at pagyanig sanhi ng hangin,” turo ni Pangulong Uchtdorf. “Nilalabanan nila ang tuksong malulong sa nakakatarantang bilis ng araw-araw na pamumuhay.”1
Ang paggawa ng mga hakbang upang mabawasan ang napakabilis na takbo ng buhay ay talagang makatwiran. Narito ang isang bagay na talagang nakatutulong, kahit na ito ay maaaring hindi malinaw sa unang sulyap:
Ang pagtatakda ng mga mithiin ay makatutulong sa inyo na mapabagal ang takbo ng mga bagay-bagay.
Ang mga Tagumpay at Kabiguan sa Pagtatakda ng Mithiin
Gustung-gusto ng ilang tao na magtakda ng mga mithiin. Sila ay may malalaking pangarap at masidhing pagnanais na makuha ang mga ito. Ngunit para naman sa iba ay nakakatakot at nagdudulot ng stress ang pagtatakda ng mithiin, lalo na kapag hindi maayos ang takbo ng buhay. Kung iisipin ang payo ni Pangulong Uchtdorf, ang pagtangkang magtakda ng mga mithiin ay maaaring tila isa pang gawain na hindi na ninyo kayang gawin. “Pasensiya na! Oras na para maghinay-hinay, at ang ibig sabihin niyan ay wala munang mga bagong mithiin!”
Sa kabilang banda, narito ang isang bagay na maaaring mahirap paniwalaan. Kapag pabagu-bago at abalang-abala ang mga bagay-bagay, diyan pinakamakatutulong sa inyo ang pagtatakda ng mga mithiin—at hindi lamang para basta “matapos ang mga bagay-bagay.” Ang mismong proseso ng pagtatakda at pag-abot ng mga mithiin ay makatutulong sa inyo na mabawasan ang inyong pagkabalisa at maging mas mapayapa. Dahil nabanggit iyan, narito ang ilang bagay na dapat isaisip.
Pagbabawas ng Kaguluhan nang Paunti-unti
Ang isang diskarteng dapat tandaan ay iwasang subukang gawin ang napakaraming bagay nang sabay-sabay. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang isang mahalagang alituntunin: “Karamihan sa atin ay may ilang karanasan na sa pagpapaunlad ng sarili. Tinuruan ako ng karanasan ko kung paano bumubuti ang mga tao at organisasyon: ang pinakamahusay na hanapin ay ang maliliit na pagbabagong magagawa natin sa mga bagay na madalas nating gawin. May kapangyarihan sa katatagan at pag-uulit.”2
Ang mga mithiin na masyadong malaki o aabutin ng mahabang panahon bago makamit ay madalas na tila mahirap isagawa kaagad ngayon. Gayunman, mayroong pinakamainam na bilis sa pag-abot ng mga mithiin, at iyon ay nasa pagitan ng 7 hanggang 10 araw.
Ang paghahati-hati ng malalaking mithiin ninyo para maging maliliit na mithiing maaabot nang lingguhan ay isang mabuting ideya. Una, inaalis nito ang pagkataranta sa napakabibigat na malalaking inaasahan natin sa ating sarili. At nariyan rin ang panghihina ng loob na madalas nating nadarama kapag tayo ay nabibigo. Ang paggawa sa mga gawain nang paunti-unti ay maaaring makabawas sa gayong mga damdamin.
Ang isang linggo ay sapat din ang haba upang makita kaagad ang resulta ng isang gawain. Alam ninyo kung ano ang kailangang gawin kaagad ngayon. At bago pa ninyo mamalayan, natapos na ninyo ang malaking bahagi ng isang mas malaking mithiin. At pagkatapos ay naisagawa na ninyo ang isa pang bahagi. Sa sandaling nagsisimula na kayong sumulong, ang ilang matatagumpay na linggo ay nagiging mabubuting gawi na madaling ipagpatuloy. At diyan nagsisimulang maganap ang isang bagay na makapangyarihan.
Higit na Kapayapaan, Mas Maliliit na Hakbang
Sabihin nating mayroong kayong hinaharap na isang malaking mithiin, tulad ng pag-aaplay sa kolehiyo o unibersidad. Para sa ilan sa atin, ang maraming hakbang na kailangan sa paggawa nito ay maaaring napakabigat sa pakiramdam.
Ngunit kailangan lamang ninyong gawin ang maliliit na hakbang nang paisa-isa. Para sa mithiing ito, maaaring ang ibig sabihin nito ay ang magsimula sa pagpili ng kahit dalawa lang na paaralan na gusto ninyong pasukan.
Sa susunod na linggo, ang kailangan lamang ninyong gawin ay tukuyin ang mga paaralang iyon. Pagkatapos, sa loob ng dalawang linggo, marahil ay nagpasya kayong magsaliksik tungkol sa mga iskedyul ng pag-aaplay sa mga paaralang iyon. Sa ikatlong linggo, maaari kayong makipag-usap sa isang academic counselor o magsimulang gumawa ng balangkas ng sanaysay para sa pag-aaplay sa kolehiyo o iba pang mga kailangang isulat.
Ang gawi na ito ng pagtapos ng gawain ay maaaring magpatuloy at mabilis na umepekto. Sa isang iglap ay mukhang makakaya nang gawin ang mga bagay-bagay. Ang mithiing iyon na nakakatakot noon ay hindi na halos nakakatakot ngayon. Sa katunayan, maaaring kinapapanabikan na ninyo ito!
Ang prosesong ito ay gumagana sa anumang malaking mithiin, espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, o intelektuwal man ang mga ito.
Mga Bata at Kabataan at Kayo
Ang pinakamagandang bahagi tungkol sa pagtatakda ng mga mithiin ay ang pagkakaroon na ninyo ng isang napakagandang resource na magagamit ninyo kahit kailan. Sa paggamit ninyo ang Mga Bata at Kabataan para matuto at umunlad tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, tandaan na anumang malaking mithiin na maaaring mayroon kayo—tulad ng pagmimisyon, pagtakbo ng marathon, o pag-aaral ng wika—ay maaaring mahati-hati sa mas maliliit at lingguhang mga hakbang.
Ang matatag at napangangasiwaang pag-unlad sa balanseng mga aspeto ng inyong buhay ay humahantong sa higit na kapayapaan, at hindi sa higit na stress at pagmamadali. Magagawa ninyong maghinay-hinay nang may dagdag na konsentrasyon at pagkatapos ay mas matatamasa ang buhay—sa paisa-isang linggo.