“Ang Inyong Pang-araw-araw na Pag-iipon ng Espirituwal na Lakas,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2021, 26–27.
Object Lesson para sa Home Evening
Ang Inyong Pang-araw-araw na Pag-iipon ng Espirituwal na Lakas
Ang maliliit at mga karaniwang bagay ay maaaring magkaroon ng mga resultang higit pa sa inaasahan at nakapagpapabago ng buhay!
Naramdaman na ba ninyo na ginagawa lamang ninyo ang mga gawi sa ebanghelyo araw-araw ngunit hindi ito nakagagawa ng anumang kaibhan? Hinihikayat tayong lahat na mag-ukol ng oras sa mga banal na kasulatan araw-araw at manalangin nang madalas. Ngunit kung minsan ay maaaring mahirap mapansin ang mga pakinabang ng maliliit at pang-araw-araw na gawing ito.
Bagama’t ang mga simpleng gawi tulad ng personal na panalangin at araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan ay tila maliit, may kapangyarihan ang mga itong impluwensyahan ang direksyon ng araw ninyo—at ng inyong buhay.
Maghanap ng isang plastik na suklay, isang gripo, at isang boluntaryong may tuyong buhok— oras na para sa object lesson!
Ano ang Gagawin
-
Bahagyang buksan ang gripo para magkaroon ng mahinang patak ng tubig. Sa puntong ito, ang gravity ang tanging bagay na nakaiimpluwensya sa direksyon ng tubig. Ipaliwanag sa inyong pamilya na ang gravity ay katulad ng ating pang-araw-araw na gawain. Ngunit ang pang-araw-araw na pag-iipon ng espirituwal na lakas ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa direksyon ng ating buhay, tulad ng magiging epekto ng suklay na may naipong kuryente sa mahinang tulo ng tubig.
-
Sampung beses na suklayin ang buhok ninyo (o ang buhok ng inyong kapamilya). Ngayon ay dalhin ang suklay malapit sa mahinang patak ng tubig (nang hindi ito idinidikit sa tubig). Panoorin kung paano nangyayari ang magic. Kung maayos ang lahat, dapat ay mabaliko ang patak ng tubig papunta sa suklay!
OK, ang totoo ay agham ito, hindi magic. Kapag paulit-ulit ninyong sinuklay ang buhok ninyo, naiipon ang static na kuryente sa suklay para makabuo ng maliliit at mikroskopikong mga elektron. Kapag dinala ninyo ang suklay malapit sa tubig, ang naipon na maliliit na elektron ay umaakit sa tubig, at literal na nagpapabaluktot nito!
-
Muling subukan ang eksperimento, pero sa pagkakataong ito, suklayin lamang ang inyong buhok nang isa o dalawang beses. Ito ay hindi makatitipon ng sapat na mga elektron para mapagalaw ang tubig. Ngunit ang paggawa nito ng 10, o 20 o 30 beses ay maaaring makaipon ng isang kagulat-gulat na lakas ng static na kuryente!
Itanong sa inyong pamilya kung ano ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang eksperimento, at kung paano ito maiuugnay sa sarili nating espirituwal na mga gawi sa buong maghapon (o sa buong linggo, o sa buong buhay natin). Pagkatapos ay gawin ulit ang eksperimento sa tamang paraan nang isa pang beses, siyempre, dahil masaya ito!
Ang Bisa ng Araw-araw na Pag-iipon ng Lakas
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang espirituwal na huwaran ng maliliit at mga karaniwang bagay na nagsasakatuparan ng mga dakilang bagay ay nagbubunga ng katatagan at hindi pagkatinag, lumalalim na katapatan, at mas lubos na pagbabalik-loob sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.”1
Tulad ng mga mikroskopikong elektron na naiipon sa suklay, may maliliit at pang-araw-araw na espirituwal na mga aktibidad na magagawa natin para makaipon ng lakas sa ating mga patotoo. Iba-iba ang paraan para makaipon ng espirituwal na lakas: pag-aaral ng banal na kasulatan, personal na panalangin, pagtanggap ng sacrament, pagpunta sa seminary. Ipaliwanag na ang mga pang-araw-araw na bagay ay tila maliit, ngunit ang mga naipon na espirituwal na lakas na iyon ay makagagawa ng malaking pagkakaiba, kahit na ito ay pagbabaling lamang nang kaunti ng inyong buhay sa tamang direksyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:33).
Hilingin sa pamilya ninyo na maglista ng mga paraan para makaipon kayo ng paunti-unting espirituwal na lakas sa buong araw at linggo. Ang tuluy-tuloy na espirituwal na mga impluwensya sa inyong buhay ay maaaring sapat na ang lakas para maisakatuparan ang higit pa sa inaasahan!