2021
Karamdaman sa Pag-iisip: Makatutulong Ka
Agosto 2021


“Karamdaman sa Pag-iisip: Makatutulong Ka,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2021, 2–5.

Karamdaman sa Pag-iisip: Makatutulong Ka

Marahil ay may kilala ka na may karamdaman sa pag-iisip. Dito, tatlong tao ang nagbahagi ng ginawa ng iba para tulungan silang mapaglabanan ito.

mga taong nakakaramdam ng depresyon

Mga paglalarawan ni Yukai Du

Lahat tayo ay nagkaroon na ng masamang araw—at ang ilan ay talagang masama. Isipin kunwari na paulit-ulit ang masasamang araw mo at kahit anong gawin mo, hindi mo maalis ang “madilim na ulap” na bumabalot sa iyo.

Parang ganyan ang pakikibaka sa karamdaman sa pag-iisip. At ayon sa isang pag-aaral, isa sa apat na tao sa mundo ang inaasahang makararanas ng karamdaman sa pag-iisip nang kahit isang beses sa kanilang buhay.1

Ang ibig sabihin niyan ay ikaw o ang isang taong kilala mo ay maaaring nakararanas din nito.

Ang pagkakaroon ng karamdaman sa pag-iisip ay hindi nangangahulugang wala ka nang silbi. Sa halip, ang mga karamdaman sa pag-iisip ay dapat ituring na gaya ng iba pang mga kondisyon sa kalusugan. At kapag nararanasan ito ng isang tao, maaaring napakahirap nito. Sa katunayan, ang karamdaman sa pag-iisip ay nakapagpapadama ng pagnanais na mapag-isa, na maaaring makahadlang sa mga tao na humingi ng tulong. Ito ay maaaring humantong sa kawalan ng komunikasyon at ugnayan, at sa huli tuluyang pagkawala ng pakikipag-ugnayan. At ang lahat ng iyan ay mas nagpapahirap sa mga dumaranas nito at sa mga kaibigan at pamilya na gustong tumulong.

Narito ang mga personal na karanasan sa karamdaman sa pag-iisip ng tatlong magkakaibang tao. Ibinahagi nila ang ginawa nila at ang ginawa ng iba pa para tulungan sila na mapaglabanan ito. Bagama’t walang dalawang tao ang magkapareho ng karanasan, ang mga kuwentong ito ay maaaring magbigay ng ilang inspirasyon at gabay.

Mga Mood Disorder (Depresyon/Bipolar)

Ano ang nararamdaman mo kapag nararanasan mo ito?

“Paiba-iba ang lebel ng depresyon ko, at kapag talagang sobra ang depresyong nararamdaman ko, ayaw kong gumawa ng anumang bagay. Kung minsan nakaupo lang ako sa sopa at nanonood ng TV, pero hindi talaga ako nanonood—nakatitig lang ako. Sa huli, pakiramdam ko ay ayaw akong kausapin ng mga tao, at talagang naniniwala ako na hindi ako dapat pansinin ninuman kapag gayon na ang kondisyon ko. Talagang wala akong gana. Hindi ko inisip na may depresyon ako o na nakaapekto na ito sa akin hanggang sa may tumulong sa akin.”

Ano ang nakatulong sa iyo?

“Ang palagiang pakikipag-ugnayan. Nalaman ko na nakatutulong na may isang taong handang makinig sa iyo. Hindi nila kinakailangang maunawaan ang sinasabi, pero nakatutulong na may isang taong nakikinig sa mga hinanakit o iniisip ko.

“Ang pagsisikap na alisin ang aking sarili sa isa sa aking mga ‘malungkot’ na kondisyon ay halos nakasalalay sa desisyong gawin ito. Kailangan kong magdesisyon kung gusto kong tulungan ang sarili ko o manatili sa depresyon. Nakatulong ang gamot sa akin, pero nakatulong din ang lumabas sa bahay at makisalamuha sa mga tao—pati ang pagpunta sa gym ay nakatulong sa pagbabago ng mood ko. Ang pinakamahirap na bahagi ay tanggapin na may ganito akong karamdaman at aminin ito sa ibang tao.”

Sobrang Pagkabalisa (Anxiety)

Ano ang nararamdaman mo kapag nararanasan mo ito?

“Kapag sobra ang pagkabalisa ko, pakiramdam ko ay tumatakbo ang utak ko nang 100 milya kada oras at hindi ko makakayanan ang anumang bagay. Gulung-gulo ako at parang hindi ko makontrol ang aking buhay at hindi ko magawa ang mga gawain para sa araw na iyon. Dama kong nag-iisa ako at parang walang nakakaalam sa pinagdaraanan ko. Ang pinakamahirap na bahagi para sa akin ay kailangan kong palaging ikumpara ang aking sarili sa iba. Itinanggi ko noon pa man na nakadarama ako ng sobrang pagkabalisa hanggang sa kumuha ako ng anxiety test sa opisina ng doktor.”

Ano ang nakatulong sa iyo?

“Ang tapat na pakikipag-ugnayan ay nakatulong sa akin na mapaglabanan ang aking pagkabalisa. Nang magsimula akong magsabi sa mga tao, nakinig sila at tinulungan nila ako na maunawaan ang aking walang hanggang potensyal. Inalis nila ang pagtutuon ko sa mga bagay na iniisip ko nang husto na hindi naman pala mahalaga.

“Palagay ko magkakaiba ang lahat, pero para matulungan ko ang aking sarili, kailangan kong maging organisado. Ang simpleng pagpaplano ng mga gagawin ko sa araw-araw ay nakatulong sa akin na madamang magagawa ko ang mga iyon. Palagi rin akong nagdarasal. Tinulungan ako ng Ama sa Langit na maunawaan na kailangan munang i-delete ko ang aking social media dahil ikinukumpara ko ang buhay ko sa buhay ng lahat ng tao, na nagpapabalisa sa akin. Nakatulong ito nang malaki sa akin.”

Mga Eating Disorder

Ano ang nararamdaman mo kapag nararanasan mo ito?

“Para sa akin, ang eating disorder ay nakakaapekto rin sa pisikal gaya ng sa isipan. Kapag nasa kalagitnaan ako ng aking eating disorder, parang nawawalan ng lasa ang pagkain. Hindi dahil sa ayaw kong kumain, pero hindi ko talaga pisikal na mapilit ang aking sarili. Laging may bumabara sa lalamunan ko na pumipigil sa akin na kumain.

“Pakiramdam ko ay nag-iisa ako at nakakulong, na tila walang sinuman ang nakauunawa kung bakit hindi ako makakain ng sapat na dami ng pagkain—ako lang at ang aking eating disorder. Kalaunan, natanto ko na ganito ko hinaharap ang maraming bagay sa aking buhay. Nadama ko na ang tanging nakokontrol ko sa aking buhay ay ang kinakain ko (o sa sitwasyong ito ang hindi ko kinakain).”

Ano ang nakatulong sa iyo?

“May kaibigan ako na binigyang-inspirasyon ng Espiritu na kausapin ako. Isang araw habang nag-uusap kami, sinabi niya sa akin na napansin niya ang kakaibang gawi ko sa pagkain—pakunti-konting pagkain, hindi pagkain, atbp. Bagama’t sa pag-uusap na iyon ay hindi ko nakuha ang tulong na kailangan ko, naging mas madali na matanggap ko sa wakas ang katotohanan na may eating disorder ako at kailangan ko ng tulong.

“Nagsimula akong mag-ehersisyo nang regular at magdasal nang mas taimtim, at sinabi ko sa pinakamalapit na kapamilya ko ang tungkol sa aking eating disorder. Ang ehersisyo ay nakatulong sa akin para maliwanagan ang aking pag-iisip, at ang tapatang pag-uusap ay nakatulong sa akin na lutasin ang sanhi ng problema. Ito ay isang proseso, pero masasabi ko sa wakas na ang paborito kong pagkain ay pizza pa rin!”

isang babae na tinutulungan ang isang lalaki na makaakyat

Mga Tala

  1. Tingnan sa “The World Health Report 2001: Mental Disorders affect one in four people,” World Health Organization news release, Sept. 28, 2001, who.int.