“Pagkakaroon ng Traksyon sa pamamagitan ng Ebanghelyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2021, 16–19.
Pagkakaroon ng Traksyon sa pamamagitan ng Ebanghelyo
Habang nakikibaka sa buhay, kailanma’y hindi nalimutan ni Sophia ang pinakamahalaga.
Maraming sports ang may kasamang isang bagay na lumilipad sa ere patungo sa isang mithiin. Ang golf, American football, football [soccer], baseball, badminton, at cricket ay ilan lamang sa mga ito.
At pagkatapos ay may iba pang klaseng sport kung saan ikaw ang lumilipad sa ere. Hindi ito para sa mahihina ang loob. Gayunpaman, walang sinumang tatawag kay Sophia P., 18, ng Utah, USA, na mahina ang loob.
Isa siyang dalagitang mataas lumipad at mahilig magpatotoo, at komportable siya sa anumang bagay na may dalawang gulong. At samantalang nasisiyahan naman siya sa pakikilahok sa mountain bike team ng high school nila, mas matindi ang totoong hilig niya sa mga bagay na may dalawang gulong.
“Ang motocross ay ang sport na karerahan ng mga dirt bike sa isang daanang may mga balakid na gawa sa lupa,” paliwanag ni Sophia. “Nagkakarerahan kami sa lahat ng iba’t ibang uri ng mga lundagan, kaburulan, at iba pa. Inuuka pa nila nang malalim ang mga bahagi ng daanan para mas mahirapan kami.”
Ang mga dirt bike (mga motorsiklong pinatatakbo sa baku-bakong lupa) ay mabilis patakbuhin. Kayang umakyat ng mga ito sa matatarik na kaburulan at ihagis ka sa ere nang napakalayo. At sa motocross, tanggap nilang lahat iyan.
Sa pagiging bihasa niya sa sport ng motocross, nakagawa si Sophia ng ilang mabibisang koneksyon sa pagitan nito at ng ebanghelyo. Ang isa sa mga ito ay ang kahalagahan ng paghahayag. “Kung nakakausap ako ng Espiritu Santo habang nagmomotor ako sa mga track obstacle nang 50 mph, makakausap Niya ako habang naglalakad ako sa mga pasilyo sa paaralan,” wika niya.
Pagiging Mas Aktibo sa Pagtanggap ng Paghahayag
May ilang natatanging ideya si Sophia tungkol sa kahalagahan ng pakikinig sa mga bulong ng Espiritu Santo. Para sa kanya, ang pananatiling nakatuong mabuti sa paghahayag ay pinananatili siyang espirituwal at pisikal na ligtas. “Lubus-lubusan akong naniniwala sa kapangyarihan ng panalangin. Nagdarasal ako tuwing nagpapraktis ako,” wika niya. “Nakadarama ako ng munting mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo tuwing naroon ako sa motocross.”
Halimbawa, naaalala ni Sophia ang isang pagkakataon habang palapit siya sa isang lundagan at napakabilis ng kanyang pagpapatakbo. Nakadama siya ng malinaw na pahiwatig na kailangan niyang ayusin ang kanyang pag-upo. “Sa motocross, kailangan naming ipitin ang motorsiklo sa pagitan ng aming mga tuhod. Kailangan naming panatilihin sa mga apakan ang unahang bahagi ng aming mga paa na malapit sa mga daliri nito at iyuko ang aming ulo nang malapit sa ibabaw ng manibela.”
Ang pag-upo nang tuwid sa motorsiklo, sa kabilang dako, ay maaring magdulot ng kapahamakan.
Matapos niyang matanggap ang pahiwatig, hindi siya nag-atubili. Inayos niya ang kanyang pagkakaupo. Agad pagkatapos niyon, nagkaroon siya ng malaking problema sa paglapag pagkalundag niya. Kung nagkataon ay tiyak na matindi ang pagbagsak niya. Gayunman, dahil nakinig siya sa inspirasyon at inayos niya ang kanyang pag-upo, hindi naging kasintindi ang paglapag niya. “Sa halip na lumagapak ang bagsak ko, tumalbog lang ako kasabay ng bisikleta.”
Natuto si Sophia na huwag balewalain ang mga pahiwatig. Ang isang bagay na tumatanggap siya ng maraming pahiwatig ay sa gawaing misyonero.
Motocross Missionary
“Ikukumpara ko ang dami ng mga pagkakataon kong makausap ang mga tao sa dami ng mga pagkakataon ng isang missionary,” sabi ni Sophia.
Sa pagdalo niya sa iba-ibang kumpetisyon sa motocross, may nakikilala at nakakausap si Sophia na mga kabataan mula sa lahat ng antas ng buhay. At sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo, namumukod siya sa karamihan. Napapansin siya ng iba pang mga rider.
“Nagtatanong sila ng mga bagay na gaya ng, ‘Bakit hindi ka nagmumura?’ o ‘Bakit hindi ka nakikipagkarera tuwing Linggo?’” sabi ni Sophia. “Kung minsan ang mga tanong na ito ay nauuwi sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo. Malakas ang aking patotoo at nais kong madama ng iba ang kagalakan ko.”
Sa lahat ng talakayang ito, nadarama niya ang patnubay ng Espiritu Santo na tinutulutan siyang malaman kung ano ang sasabihin. Alam din niya kung gaano kahalagang mamuhay nang marapat upang makatanggap ng paghahayag nang malinaw.
“Inaanyayahan mo ang Espiritu Santo sa pagsunod sa mga kautusan,” sabi ni Sophia. “At mahalagang sundin ang mga pahiwatig na iyon! Habang mas sinusunod mo ang mga ito, mas ibinibigay ng Espiritu Santo ang mga ito.”
Pinag-uusapan ni Sophia at ng iba pang mga rider ang tungkol sa pagsisimba, batas ng kalinisang-puri, mga templo, at maraming iba pang mga paksa ng ebanghelyo. Bahagi ng dahilan kaya napakarami niyang talakayan sa ebanghelyo ay napakarami niyang kinakausap na tao, lalo na sa mga karerahan. “Sabi ni Jesus, mahalin ang lahat,” wika niya, “kaya kinakausap ko ang lahat.”
Pangangarera at Kabutihan
Siyempre pa, hindi komo mabait siya sa labas ng karerahan ay hahayaan ka na niyang manalo kapag nagsimula na ang karerahan! Inaamin ni Sophia na talagang gustung-gusto niyang makipagkumpetensya. Halimbawa, kapag nagkakarerahan sila ng tatay niya (na isa ring mahilig sa malaking dirt bike), iisa lang ang inaasam niya. “Ang mithiin ko ay unahan siya, at ang mithiin niya ay huwag akong hayaang maunahan siya!”
Ngunit kahit pagdating sa pagkapanalo at pagkatalo, maliwanag ang mga prayoridad ni Sophia. “Binibigyan ako ng ebanghelyo ng maraming patnubay,” paliwanag niya. “Kahit matalo ako sa isang karerahan ng motocross, maaari pa rin akong magtagumpay sa buhay. Sa buhay, hindi ka nakikipagkarera kahit kanino maliban sa sarili mo.”