“Ang Priesthood ng Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2021, 20–21.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Priesthood ng Diyos
Ang dapat malaman ng bawat kabataan tungkol sa priesthood at ang kaugnayan nila rito.
Napansin na ba ninyo kung gaano nakalilito kapag ginagamit ang isang salita sa dalawang paraan? Halimbawa, sa Ingles, ang salitang earth ay tumutukoy sa planeta kung saan tayo nakatira at sa lupang nasa ilalim ng ating mga paa. Parehong tama ang dalawang ito, pero kung ano ang gusto mong ipakahulugan kapag ginagamit mo ang mga termino ay depende kung ano ang pinatutungkulan mo sa bawat pagkakataon. Upang gawin itong mas nakakalito, kapag ang ibig sabihin ng earth ay ang ating planeta, kasama rin dito ang ideya ng lupa, dahil ang lupa ay nasa planeta.
Pagbibigay-kahulugan sa Katagang Priesthood
Ang isang katagang ginagamit natin sa Simbahan sa dalawang paraan ay ang priesthood. Ang katagang ito ay tumutukoy sa kabuuang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Gayunman, ginagamit din natin ang priesthood sa mas limitadong paraan—upang tukuyin “ang kapangyarihan at awtoridad na ibinibigay ng Diyos sa mga inorden na mayhawak ng priesthood para kumilos sa lahat ng bagay na kinakailangan para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos.”1
Ang priesthood na iginawad sa tao ay hindi ang kabuuan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang sumusunod na tsart ay nagpapakita ng puntong ito.
Sa tsart na ito, nakikita ninyo ang ilang halimbawa ng kapangyarihan ng Diyos, na walang katapusan at walang hangganan. Sa loob nito, nakikita rin ninyo ang mga halimbawa ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood ng Diyos na Kanyang iginagawad, o ibinibigay, sa karapat-dapat na kalalakihan para gumanap sa Simbahan ni Cristo.
Mga Halimbawa ng Awtoridad ng Priesthood sa Inyong Buhay
Lahat ng pagpapala ng priesthood ay maaaring makuha ng lahat ng minamahal na anak na lalaki at babae ng Ama sa Langit. Ang pangalawang listahan ay kumakatawan lamang sa mga pagpapalang iyon na dumarating sa inyo sa pamamagitan ng isang mayhawak ng mga susi ng priesthood o may awtoridad ng priesthood na iginawad sa kanya.
Ito ang utos na itinatag ng Diyos para sa organisasyon at pangangasiwa ng Kanyang Simbahan sa mundo. Kabilang sa iba pang mga halimbawa ng awtoridad ng priesthood ng Diyos ang isang deacon o teachers quorum president na may mga susi upang pamahalaan ang gawain ng kanyang korum, basbas ng ama na ibinibigay sa isang tahanan, at mga ordenansa at tipan sa templo.
Kalalakihan, Kababaihan, at ang Priesthood
Bagaman ang ordenasyon sa katungkulan sa priesthood ay ibinibigay lamang sa kalalakihan, ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan ang isang mahalagang alituntunin: “Ang priesthood ay banal na kapangyarihan at awtoridad na ipinagkatiwala para magamit sa gawain ng Diyos para sa kapakinabangan ng lahat ng Kanyang anak. Ang Priesthood ay hindi ang mga taong inorden sa katungkulan sa priesthood o mga taong gumagamit ng awtoridad nito. Ang mga kalalakihang mayhawak ng priesthood ay hindi ang priesthood. … Hindi natin dapat tawagin ang mga inorden na kalalakihan bilang ang priesthood.”2
Bagama’t hindi inoorden ang kababaihan sa priesthood, ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson, “Noong italaga kayo na maglingkod sa isang tungkulin sa ilalim ng pamamahala ng taong may hawak ng mga susi ng priesthood … kayo ay binigyan ng awtoridad ng priesthood na gumawa sa tungkuling iyan.”3 Kabilang sa ilang halimbawa nito ang mga Young Women class presidency, mga sister missionary na nangangaral ng ebanghelyo, mga lider sa mga ward at stake na itinalagang magturo at mamuno, at mga ordinance worker sa templo.
Ang Kapangyarihan ng Priesthood ay Nagpapala sa Lahat
Ang mga pagpapalang natatanggap ninyong mga kabataang lalaki at babae ay sa inyo sa pamamagitan ng mga tipan na ginawa ninyo sa binyag at mga tipang gagawin ninyo sa templo. Kahit na walang mayhawak ng priesthood sa inyong tahanan, maaari pa rin kayong mapagpala ng kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay habang tinutupad ninyo ang mga tipang ginawa ninyo sa Kanya (tingnan sa 1 Nephi 14:14).
Kapag namuhay tayo ayon sa ating mga tipan, tumatanggap tayo ng mga pagpapalang nagpapalakas at nagpapala sa atin. Inaanyayahan namin kayong pagnilayan ang mga pagpapala ng priesthood sa inyong buhay—ang mga pagpapalang dumarating dahil sa walang hanggang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos at ang mga dumarating sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood na iginawad at itinalaga sa Simbahan ng Diyos.