“Paano ako matutulungan ng ebanghelyo sa aking depresyon?” Para sa Lakas ng mga Kabataan Ago. 2021, 30–31.
Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ako matutulungan ng ebanghelyo sa aking depresyon?”
Huwag Sumuko
“Kung ikaw ay may depresyon na hindi malubha, sikaping maghanap ng mga paraan para mapaglingkuran ang iba. Maaari mo ring subukang magbasa ng mga banal na kasulatan, magdasal, at isagawa ang iyong mga mithiin para sa bagong programa ng mga kabataan. Kung malubha ang iyong depresyon, maaari kang humingi ng tulong mula sa mga propesyonal. Higit sa lahat, huwag kalimutan kailanman na mahal ka ng iyong Ama sa Langit. Kung magdarasal ka sa Kanya para humingi ng tulong, tatanggap ka ng sagot.”
RyanB., 11, Arizona, USA
Hindi Ka Nag-iisa
“Makakahanap tayong lahat ng pag-asa sa pamamagitan ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, at ng ibang tao. Itinuturo sa atin ng Diyos na magkaroon tayo ng pananampalataya kapag nananalangin tayo at nagtatanong tungkol sa ating mga problema. Tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan na maunawaan pa ang tungkol kay Jesucristo at kung paano Niya dinaig ang napakaraming pagsubok. Mahalaga ring makipag-usap sa isang tao, tulad ng isang magulang o pinagkakatiwalaang kaibigan, na makatutulong sa atin na makita na hindi tayo nag-iisa.”
ChristianV., 18, Chihuahua, Mexico
Papanatagin Ka Niya
“Kapag nalulungkot ako, tinatandaan kong nariyan para sa akin si Jesucristo, na nadarama ang lahat ng nadarama ko. Mababasa sa Alma 7:11: “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.” Alam Niya ang eksaktong paraan kung paano ka matutulungan dahil nadama na rin Niya ang bagay na iyon. Kapag babaling ka kay Jesucristo, papanatagin ka Niya.”
MakaylaF., 17, California, USA
Maging Mapagpasensya sa Iyong Sarili
“Maging mapagpasensya at mabait sa iyong sarili. Magtakda ng mga simpleng mithiing isasakatuparan araw-araw, tulad ng pagdarasal, pagninilay, at paggawa ng isang bagay na ikinasisiyamo. Pagkatapos ay magtiyaga hanggang sa katapusan ng bawat araw. Alam ng Ama sa Langit ang iyong sitwasyon at naghihintay Siya sa iyo sa Kanyang kaharian. Manatiling matatag sa iyong pananampalataya, at gagaan ang pasanin. Totoo ito. Alam ko ito.”
IsabelleF., 21, Rio de Janeiro, Brazil
Isipin ang mga Pagpapala
“Tuwing nakadarama ako ng depresyon o kalungkutan, gusto kong pagnilayan ang araw o linggo at pag-isipan ang mga bagay na biniyayaan ako ng Diyos. Kapag ginagawa ko iyan, nagiging mas mapayapa at masaya ako dahil tinutulungan ako nitong malaman na alam ng Ama sa Langit ang lahat tungkol sa akin.”
TayleeL., 16, Utah, USA
Mga Hindi Inaasahang Sandali
“Ang 2020 ay isang mahirap na taon para sa lahat—ang mahiwalay nang mahabang panahon ay nagdudulot ng matinding kalungkutan. Ngunit alam ko na kung hahanapin natin ang presensya ng Panginoon kapag nanalangin tayo at nag-aral ng mga banal na kasulatan, nariyan Siya para sa atin. Maaaring hindi ito sa mga sandaling inaasahan natin, ngunit nariyan Siya para sa atin sa Kanyang takdang panahon, na siyang perpektong panahon. Sa di-inaasahang mga sandaling iyon, malalaman natin na ang Kanyang presensya at pag-ibig ay nasa atin.”
MartinN., 18, Chihuahua, Mexico
Alalahanin ang mga Salitang Nagbibigay-inspirasyon
“Kung minsan, pakiramdam natin ay parang wala tayong layunin. Patuloy na maniwala sa ebanghelyo. Kahit na pakiramdam natin ay hindi natin kayang magdasal, maaari pa rin tayong magdasal nang kahit ilang minuto lang. Maaari nating pakinggan ang mga banal na kasulatan o ang isang mensahe mula sa Simbahan. Maaari nating alalahanin ang mga salita ng isang himno o isaulo ang isang katagang nagpapaalala sa atin ng tapang na taglay natin. Isinaulo ko ang isang pariralang sinabi ni Elder JeffreyR. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na nagbibigay sa akin ng pag-asa: ‘Ang kahanga-hanga sa ebanghelyo ay napagpapala tayo sa ating mga pagsisikap, kahit hindi tayo laging nagtatagumpay’ (pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2016 [Ensign o Liahona, Mayo 2016, 125–26).”
GianiV., 22, Córdoba, Argentina
Alalahanin ang Kanyang Pagmamahal
“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagmamahal. Dinaig ni Jesucristo ang mundo dahil mahal Niya tayo. Dahil sa sakripisyong iyon, alam kong nauunawaan Niya ang lahat ng pinagdaraanan ko. Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas sa Mateo 11:28: ‘Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.’ Ang kanyang pagmamahal ay ang pinakakailangan nating alalahanin sa mga oras ng paghihirap.”
LyviaS., 17, Paraná, Brazil