“Ang Kapangyarihan ng Kabanalan sa Pamamagitan ng mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2021, 10–13.
Ang Kapangyarihan ng Kabanalan sa Pamamagitan ng mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood
Narito ang apat na ordenansa at pagpapala na nag-aanyaya sa kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay.
Sa mga paglalakbay ko bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, nakakasalamuha ko ang mga kabataan sa buong mundo. Marami sa kanila ang nahihirapan sa mga tunay na alalahanin: “Tutulungan ba ako ng Diyos? Gagabayan ba Niya ang buhay ko? Paano ko matatanggap ang tulong, patnubay, at kapayapaang kailangan ko?”
Mahal kong mga kabataan, tutulungan kayo ng Diyos, at handa Siyang pagpalain kayo. Bilang mapagmahal nating Ama, binigyan Niya tayo ng mga ordenansang nagpapadama sa atin ng Kanyang kapangyarihan sa ating buhay—ang kapangyarihan ng kabanalan.
Isipin ang talatang ito sa banal na kasulatan: “Sa mga ordenansa … , ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (Doktrina at mga Tipan 84:20).
Narito ang apat na ordenansa at pagpapala na nag-aanyaya sa kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay.
1. Kapangyarihan sa Sakramento
Una, madarama natin ang kapangyarihan ng kabanalan sa pamamagitan ng sakramento. Kapag itinuring natin ang sakramento bilang isang pangunahing bahagi ng ating buong linggo, pinaninibago tayo nito at tinutulungan tayong maghanda para sa darating na anim na araw.
Ang sakramento ay nagpapatibay sa ating mga pagsisikap na patuloy na magsisi. Habang namumuhay tayo nang matwid at sinisikap nating laging alalahanin ang Tagapagligtas, patuloy na nag-iibayo ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Nagkakaroon tayo ng lakas, sa pamamagitan Niya, na pagbutihin pa ang ating buhay.
Kapag tumatanggap tayo ng sakramento at nagsisikap na maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas, nagsisimulang lumago ang mabubuting katangian sa ating kalooban. Likas nating sinisimulang higit na mahalin ang mga tao at hindi na natin sila gaanong hinuhusgahan. Hindi na tayo mabilis magalit, at atubili tayong pumatol sa tukso.
Sa pag-alaala at pagtupad sa ating mga tipan sa Panginoon, tulad ng ginagawa natin kapag tumatanggap tayo ng sakramento, nangangako Siya sa atin na laging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79)—hindi lang sa araw na iyon, kundi palagi.
2. Kapangyarihan sa Templo
Pangalawa, maaari tayong makatanggap ng patnubay at kapangyarihan mula sa Diyos sa pagpunta sa templo. May kapangyarihan sa templo, kahit hindi pa kayo na-endow. Ito ay literal na bahay ng Panginoon.
Ang pinakamainam na paraan para makalapit sa templo ay maghanda nang maaga. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kayong patatagin ang inyong pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang anak. Hilingin sa kanya na tulungan kayong malaman na nariyan Siya.
Hindi ninyo mapipilit ang mga espirituwal na damdamin o karanasan. Kadalasan, darating ang mga ito nang hindi ninyo inaasahan. Isa sa pinakamadalas na mga impresyon na natatanggap ko sa templo ay, “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (Mga Awit 46:10; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:16).
Ang kapangyarihan ng kabanalan sa templo ay nag-iibayo kapag nagsasagawa kayo ng mga ordenansa para sa mga taong natagpuan ninyo ang pangalan nang gumawa kayo ng family history. Maraming beses kong nadama ang kapangyarihan at presensya ng mga taong nagawan ko ng mga ordenansa sa templo.
Habang tumutulong kayo sa sagradong gawaing ito, madaragdagan ang inyong kaalaman tungkol sa Tagapagligtas at pananampalataya sa Kanya. Tatanggap kayo ng mas tiyak na patotoo na nagpapatuloy ang buhay sa kabila ng tabing.
Hindi lahat ay malapit ang bahay sa isang templo para makapunta nang madalas. Kikilalanin ng Panginoon ang inyong pagmamahal sa templo kahit malayo kayo. Magsabit ng larawan ng templo sa inyong tahanan, at masigasig na hanapin ang mga nangangailangan ng mga ordenansa.
3. Kapangyarihan sa Inyong Patriarchal Blessing
Ang pangatlong bagay na mag-aanyaya sa kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay ay ang inyong patriarchal blessing. Dapat isipin ng lahat ng kabataan ang pagtanggap ng patriarchal blessing. Ito ay isang mabisang mapa para sa inyong buhay.
Hindi binabanggit sa mga patriarchal blessing ang lahat ng aspeto ng ating buhay. Pero binibigyang-diin nito ang iba’t ibang babala, pagpapala, at pangako para sa bawat tao at nagbibigay ng mahalagang tagubilin mula sa Ama sa Langit.
Ang kapangyarihan ay dumarating din sa pamamagitan ng paghahanda. Kamakailan ay ibinahagi sa akin ng isa sa mga apo kong lalaki na naghahanda siya para sa kanyang patriarchal blessing. Hindi ito isang bagay na ipinipilit sa kanya ng kanyang mga magulang—sariling kusa niya iyon. Gusto niya ang direksyong ihahatid nito. Humanga ako sa kanyang espirituwal na paghahanda.
Mahalaga ring magkaroon ng tamang espirituwal na damdamin sa pagtanggap ng inyong patriarchal blessing. Nais ninyong matanggap ang inyong pagpapala kapag kayo ay payapa. Ang patriarchal blessing ay isang dakilang kaloob at naghahatid ng kapangyarihan ng kabanalan sa inyong buhay.
4. Kapangyarihan sa mga Basbas ng Priesthood
Sa huli, gusto kong ipaalala sa ating lahat ang kapangyarihang maaaring dumaloy sa ating buhay sa pamamagitan ng mga basbas ng priesthood mula sa karapat-dapat na mga priesthood holder.
Alam ko na kung minsa’y maaari kayong mag-atubiling humingi ng basbas mula sa inyong ama, at kung minsa’y maaaring mag-atubili ang mga ama na magbigay ng basbas. Maaaring pakiramdam nila ay hindi sila handa, pero pagpapalain sila ng Panginoon sa kanilang mga pagsisikap.
Hinihikayat ko kayo, kung mayroon kayong ama na karapat-dapat na maytaglay ng priesthood, na lumapit sa kanya nang sarilinan, at sabihing, “Itay, gusto ko pong magpabasbas. Kung kailangan ninyo ng isang linggo o isang buwan para maihanda ang inyong isipan at espiritu, maaari po akong maghintay. Pero puwede po ba nating planuhin ito?”
Kung hindi kayo mabibigyan ng basbas ng priesthood ng inyong ama, kausapin ang inyong mga magulang tungkol sa paghiling sa ibang tao sa inyong ward na mahal ninyo at iginagalang. Magkakaroon kayo ng lakas at kapanatagan mula sa ating Ama sa Langit sa araw-araw na himala ng mga basbas ng priesthood.
Madarama Ninyo ang Kapangyarihan ng Diyos sa Inyong Buhay
Mga kaibigan kong kabataan, sa apat na ordenansang ito ng priesthood darating ang kapangyarihan ng kabanalan sa inyong buhay. Malalaman ninyo, tulad ko, na si Jesus ang Cristo, ang anak ng Diyos, at na lahat ng mabuting bagay ay nagmumula sa Kanya. Pinatototohanan ko na makakamtan natin ang kapangyarihang iyan sa pamamagitan ng matwid na paglahok sa Kanyang mga ordenansa ng priesthood.