“Mga Banal na Kasulatan para sa mga Espirituwal na Emergency,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2021, 25.
Mga Banal na Kasulatan para sa mga Espirituwal na Emergency
Habang lumalaki, ginusto kong magkaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Pero nahirapan akong maniwala na ang mga tao, kaganapan, at himalang inilalarawan nito ay totoo. Matagal kong ipinagdasal sa Ama sa Langit na tulungan akong malaman sa sarili ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo.
Isang araw ng Linggo, dalawa sa mga kaibigan ko ang nagturo ng isang lesson tungkol sa mga banal na kasulatan at kung paano makatutulong ang mga ito na masagot ang aming mga tanong na kailangan ng agarang sagot. Inabutan nila ang bawat isa sa amin ng isang papel na may pamagat na “Emergency Contact Numbers.” May dalawampu’t limang iba’t ibang sitwasyon doon, at katabi ng bawat sitwasyon ang isang talata sa banal na kasulatan. Isa sa mga linya ang napansin ko:
“Para sa isang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, tingnan sa Moroni 10:3–5.”
Binuklat ko ang banal na kasulatan sa talatang iyon. Sinasabi rito na malalaman ninyo na ang Aklat ni Mormon ay totoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo kung babasahin at ipagdarasal ninyo ito at na “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”
Bigla kong naisip ang isang malakas at simpleng sagot. Hindi ko pa talaga nabasa ang Aklat ni Mormon sa sarili ko! Iyon ang dahilan kaya wala akong patotoo rito.
Pagkauwing-pagkauwi ko naupo ako at sinimulan kong basahin ang aking kopya ng Aklat ni Mormon. Nang mabasa ko ang tungkol sa mga tao noong unang panahon, nadama kong lumalago ang aking patotoo na totoo ang mga ito at na talagang nangyari ang mga himala sa kanila.
Makalipas ang ilang buwan, nang matapos ko ang Aklat ni Mormon, napuspos ako ng Espiritu. Alam ko na ipinadala sa akin ng Ama sa Langit ang mga “Emergency Contact Numbers” na iyon para tulungan ako kapag kailangan ko ng sagot. Pinasasalamatan ko Siya araw-araw para sa aking mas malakas na patotoo, at alam ko na napapalapit ako sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin at pagbabasa ng mga banal na kasulatan.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.