2022
Tatlong Tip para Mabawasan ang Pagtatalo sa Inyong Pamilya
Marso 2022


“Tatlong Tip para Mabawasan ang Pagtatalo sa Inyong Pamilya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2022.

Tulong sa Buhay

Tatlong Tip para Mabawasan ang Pagtatalo sa Inyong Pamilya

Nag-aaway-away ba ang inyong pamilya kung minsan? Hindi kayo nag-iisa.

dalagita
binatilyo

Mga larawang-guhit ni Alyssa M. Gonzalez

  • “Hindi tama ’yan! Ako naman!”

  • “Hoy, hindi ka nagpaalam!”

  • “Itay! Dinilaan ako ni Anita!”

Kung pamilyar ang alinman sa mga komentong iyon, maaaring bahagi ka ng isang pamilya. At walang pamilyang hindi nakakaranas ng pagtatalo. Minsan ay ikinuwento ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na nagreklamo ang kanyang mga anak, “Inay, sinisiksik niya ako!”1

Normal lang ang pagtatalo sa isang pamilya. Sa katunayan, mayroong nagsisikap na mangyari iyon. Malinaw na itinuro ng Tagapagligtas, “Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29).

Ngunit huwag matakot! Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na marami tayong magagawa para mabawasan ang pagtatalo sa ating mga pamilya—at maranasan ang malaking kagalakan!

Tip 1: Alisin ang Nagpapasiklab

batang babaeng may hawak na lata ng gasolina

Ang apoy ay nangangailangan ng pampasiklab. Gayon din ang pagtatalo. At walang ibang mas nagpapasiklab ng pag-aaway kaysa sa higit pang pakikipag-away. Kaya, ano ang magagawa ninyo kung may nagsimulang makipag-away sa inyo?

Tumanggi na lang kayong makipag-away. Ang Tagapagligtas ang ating perpektong halimbawa rito. Sa Kanyang buong ministeryo Siya ay kinamuhian, pinakitunguhan nang hindi maganda, ipinagkanulo, at sa huli ay ipinako sa krus. Gayunpaman, kahit matindi at tuwiran ang Kanyang mga sagot, hindi Niya kailanman naisip na makipagtalo. At sa huli ay hindi Siya lumaban, kahit kaya Niyang tumawag ng “mahigit sa labindalawang pangkat ng mga anghel” para tulungan Siya (Mateo 26:53). Sa halip, ipinagdasal Niya ang Kanyang mga kaaway, kahit habang nakapako Siya sa krus (tingnan sa Lucas 23:34).

Sa pagtangging makipag-away ikaw ay nagiging mas mabuting tagapakinig. At kapag nakikinig tayo nang mas mabuti, maaari tayong makipag-usap nang mas mabuti at maging tagapamayapa. Kasama rin sa pagtangging makipag-away ang pagtugon sa kalmadong boses at paggawa ng makakaya natin para mapigilan ang ating damdamin.

Kung walang dagdag na pampasiklab, unti-unting nababawasan ang karamihan sa mga pag-aaway at pagtatalo. Tulad ng itinuturo sa mga banal na kasulatan, “Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay” (Mga Kawikaan 15:1).

Tip 2: Magpakita ng Pagmamahal

pamilya

Ang pagpapakita ng pagmamahal sa inyong mga kapamilya ay isa sa pinakamainam na paraan para hindi magkaroon ng hidwaan o pagtatalo sa tahanan. Ang paggawa nito ay maaari pang magpatigil sa pagtatalo sa simula pa lang!

Subalit kahit nagagawa ng pagtatalo na hindi natin mapansin ang nangyayari, maaari pa ring baligtarin ng pagmamahal at kabaitan ang mga bagay-bagay.

Isipin ang kuwento sa Biblia tungkol sa babaeng nahuling nangangalunya. Ayon sa batas ni Moises, dapat ay pinagbabato na siya. Gusto ng galit na pulutong ng mga tao na hatulan siya ni Jesus.

Ngunit ano ang naging tugon ng Tagapagligtas? Una sa lahat, hindi Niya sinagot kaagad ang kanilang mga hiling. Lumuhod Siya at gumuhit sa lupa sandali bago nagsalita. (Hint: kung minsan ay pinakamainam na hindi kaagad tumugon kapag nag-iinit ang damdamin.)

Pagkatapos ay nagpakita Siya ng pagmamahal at habag sa babae nang sabihin Niya sa mga tao na, “Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang bumato sa kanya” (Juan 8:7).

Pinakitunguhan ni Jesus ang babae nang may pagmamahal, hindi paghatol. Ipinakita Niya ang Kanyang kahandaang patawarin ito nang anyayahan Niya itong “humayo ka na at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11).

Sabihin sa inyong mga kapamilya na mahal ninyo sila. Ipakita ang pagmamahal na iyan sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanila at pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na magbago—kahit galit sila sa inyo. Ang pagmamahal ay maaaring makagawa ng malaking kaibhan.

Tip 3: Manalangin

dalagitang nagdarasal

Ang panalangin ay naghahatid ng mga pagpapala ng Diyos sa ating buhay. Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Amulek, “Kailangan ninyong ibuhos ang inyong mga kaluluwa sa inyong mga silid, at sa inyong mga lihim na lugar, at sa inyong mga ilang.

“Oo, … hayaan na ang inyong mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya para sa inyong kapakanan, at para rin sa kapakanan nila na nasa paligid ninyo” (Alma 34:26–27).

Tiyak na kabilang sa “nasa paligid ninyo” ang inyong pamilya—maging ang mga taong maaaring hindi nakatira sa inyo ngayon. Kaya, manalangin kasama ang inyong pamilya. Manalangin para sa inyong pamilya. Ipagdasal na makapagtimpi kayo palagi kapag may nagpapagalit sa inyo. Ipagdasal na malaman ninyo kung paano tumugon sa mahihirap na sitwasyong dumarating sa inyong pamilya. Humingi ng tulong sa Diyos sa panalangin. Ipagdasal na mas magkaroon ng tawanan at pagmamahalan sa inyong tahanan. At pagkatapos ay gawin ang lahat ng makakaya mo para mangyari iyan.

Sa pagsisikap ninyong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo nang mas lubusan, makikita ninyo na mapagpapala rin ang inyong pamilya. Mababawasan ang pagtatalo, at madaragdagan ang inyong kagalakan.