2022
Matutulungan Ako ng Espiritu na Malaman Kung Paano Maglingkod
Marso 2022


“Matutulungan Ako ng Espiritu na Malaman Kung Paano Maglingkod,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2022.

Ang Tema at Ako

Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at Aaronic Priesthood Quorum

Matutulungan Ako ng Espiritu na Malaman Kung Paano Maglingkod

“Bilang disipulo ni Jesucristo, sinisikap ko na maging katulad Niya. Humihingi ako ng personal na paghahayag at kumikilos ako ayon dito at naglilingkod ako sa iba sa Kanyang banal na pangalan.”

dalagita

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, maraming tao ang nabawasan ang kinikita o nawalan pa ng trabaho. Gusto kong pagaanin nang kaunti ang kanilang pasanin. Sa suporta ng nanay at tatay ko, at gamit ang aking personal na pera, nagsimula akong mamigay ng pagkain sa mga nangangailangan. Karaniwan kong ginawa ito sa pamamagitan ng pag-order ng pagkain para sa iba sa pamamagitan ng isang bike taxi app. Kung minsan ay inihahatid ko ang pagkain sa mga lugar na itinakda para sa mga naghihirap.

Sa Indonesia ay may maraming drayber ng motorbike taxi. Gumagamit kami ng isang app sa aming phone para i-book ang serbisyo nila. Sa panahon ng pandemya, nahirapan ang mga drayber na makakuha ng mga order.

Isang araw, sinunod ko ang pahiwatig ng Espiritu na tulungan ang kahit sinong drayber. Umorder ako ng pagkain mula sa bike taxi app. Pero nang makarating siya sa restawran para kunin ang pagkain, pinadalhan ko siya ng chat, at sinabi ko sa kanya na para sa kanya talaga ang pagkaing iyon. Nagulat siya at hindi naniwala na para sa kanya iyon. Nang sinabi kong para sa kanya iyon, agad niya akong pinasalamatan at ipinagdasal. Sinabi niya na iuuwi niya ang pagkain at ibibigay iyon sa kanyang anak. Masayang-masaya siya. Masayang-masaya rin ako dahil dito!

Bagama’t nahaharap din kami ng pamilya ko sa ilang hamon, nakinig ako sa Espiritu at pinili kong maglingkod. Nakadama kami ng kagalakan at kaligayahan, na nakatulong sa amin para madaig ang mga hamon sa aming buhay.

Labis ding akong nagpapasalamat sa Espiritu Santo. Ipinapaalala sa akin ng karanasang ito ang isang talata mula sa Bagong Tipan, Juan 13:34: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa.” Alam ko na kapag sinusunod natin ang Espiritu, tatanggap tayo ng kagila-gilalas na mga pagpapala mula sa Ama sa Langit.

Ang awtor ay naninirahan sa West Java, Indonesia.