“Kapangyarihan ng Priesthood sa Panahon ng Pandemya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2022.
Ang Tema at Ako
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at Aaronic Priesthood Quorum
Kapangyarihan ng Priesthood sa Panahon ng Pandemya
“Mamahalin ko ang Diyos … at gagamitin ang Kanyang priesthood upang maglingkod sa iba, simula sa aking sariling tahanan.”
Nang magsimula kaming magdaos ng simba sa bahay dahil sa pandemyang COVID-19, tumulong ako sa pagpapasa ng sakramento sa aking pamilya. Masayang gawin ito sa sarili kong tahanan, at natanto ko kung gaano kalaki ang pasasalamat ko para sa sakramento. Nagpapasalamat ako na nabuhay ako sa panahong ito na makapagsimba sa tahanan.
Kinailangan ng isa sa aming mga kapitbahay ang isang taong magdadala ng sakramento sa kanya. Walang sinuman sa kanyang tahanan ang maaaring maghanda o magbasbas ng sakramento dahil ilang taon nang pumanaw ang kanyang asawa. Nag-iingat din siya sa pagtanggap ng mga bisita dahil sa pandemya. Kami ni Itay ang kanyang ministering brothers, kaya nag-alok kaming bigyan siya ng sakramento habang nakasuot kami ng mask at nag-iingat para sa kanyang kaligtasan.
Napakalaki ng pasasalamat niya na maaari kaming magpunta. Medyo nalungkot ako na nalulungkot siya, dahil nag-iisa siya sa bahay niya sa panahon ng pandemya. Pero nagpapasalamat din ako na maaari ko siyang bigyan ng isang bagay na napakahalaga para maging masaya siya. Masaya akong makapaglingkod sa kanya. Masaya ako na nakapunta kami ng tatay ko at nakapaglingkod sa aming kapitbahay.
Nagpapasalamat ako na mayroon akong priesthood dahil hindi lamang ako ang nakikinabang dito kundi maging ang ibang mga tao. Tinutulungan ako nitong maging mas mabuting tao at tinutulungan akong makita kung paano ko mapaglilingkuran ang iba. Ang pagpapasa ng sakramento sa aming tahanan at sa aking kapitbahay ay nagmulat sa aking mga mata. Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong magpasa ng sakramento at paglingkuran ang mga taong hindi makagawa nito para sa kanilang sarili. Nagpapasalamat ako na maaari kong gamitin ang priesthood para pagpalain ang ibang mga tao at ang aking pamilya.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.