“Paano Harapin ang Tatlong Uri ng mga Pagsubok,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paano Harapin ang Tatlong Uri ng mga Pagsubok
Maraming iba’t ibang hamon ang buhay, pero palaging paglapit sa Diyos ang sagot.
Marami sanang maaaring itanong si Jose ng Ehipto tungkol sa mga pangyayaring nagaganap sa kanyang buhay. Pag-aaralan ninyo ang kanyang buhay ngayong buwan, pero narito ang isang maikling buod ng mga nangyari sa kanya:
-
Ipinagbili siya ng kanyang mga kapatid para maging alipin.
-
Bilang alipin, pinaratangan siya nang mali na tinangka niyang akitin ang asawa ng kanyang panginoon.
-
Pagkatapos ay nabilanggo siya sa loob ng dalawang mahabang taon.
Isipin kung ano kaya ang madarama ninyo kung kayo si Jose. Kahit papaano, maaari kayong matuksong itanong: “Bakit ako?” “Ano ang ginawa ko para danasin ito?”
Tatlong Uri ng mga Pagsubok
Minsa’y nagturo si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa tatlong iba’t ibang uri ng mga pagsubok na maaari nating kaharapin sa buhay na ito:
-
Type 1: Mga pagsubok na nagmumula sa sarili nating mga kasalanan o pagkakamali.
-
Type 2: Mga pagsubok na nangyayari dahil ang mundong ito ay hindi perpekto, puno ng sakit, karamdaman, at mga taong hindi perpekto.
-
Type 3: Mga pagsubok na handang iparanas sa atin ng Diyos dahil nais Niya tayong lumago.
Sa gitna ng isang pagsubok, maaari tayong matuksong itanong, “Bakit ako?” Pero maaaring hindi makatulong ang tanong na iyan na tulad ng ating inaasahan. Isinulat ni Elder Maxwell na anuman ang dahilan kaya tayo may pagsubok, “malinaw na iisa ang kahihinatnan nito anuman ang paraan; handa ang Diyos na isailalim tayo sa hamong iyan. Subalit nangangako Siya sa atin na sapat ang Kanyang biyaya para sa atin.”1 Sa madaling salita, hindi tinutulutan ng Ama sa Langit na magdaan tayo sa mga pagsubok nang hindi tayo binibigyan ng tulong na kailangan natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Halimbawa ni Jose
Muli nating suriin sandali ang unang mabigat na pagsubok ni Jose: Ipinagbili siya ng kanyang mga kapatid para maging alipin.
Ito ba ay isang “Type 1” na pagsubok? Si Jose ba ang nagdulot nito sa kanyang sarili? Hindi naman. Walang malay nga niyang ibinahagi ang ilan sa kanyang mga panaginip bilang propeta tungkol sa kanyang mga kuya. Naipahayag sa mga panaginip na iyon na siya ang magiging pinuno nila balang-araw. Siyempre, hindi nagustuhan ng kanyang mga kuya na marinig iyon. Sa katunayan, “lalo pa silang napoot sa kanya dahil sa kanyang mga panaginip” (Genesis 37:8).
Kung kayo ang nasa lugar ni Jose, maaari ninyong isipin na, “Sana hindi ko na lang ikinuwento sa kanila ang mga panaginip ko!”
O kaya ay isa itong “Type 2” na pagsubok? Nagmula ba ang pagsubok ni Jose sa pamumuhay sa isang mundong hindi perpekto, kung saan may mga tao na ginagamit sa masama ang kanilang kalayaang pumili? Siguro nga. Muli, naging madali sana para kay Jose na umiling at isipin kung paano naging kasalanan ng kanyang mga kapatid ang lahat ng kanyang problema. O kung paano nagsinungaling ang asawa ni Potifar. O maging ang katiwala ng kopa na sa loob ng dalawang taon ay nakalimutang sabihin sa Faraon ang tungkol kay Jose, kahit matapos mangako na gagawin niya iyon (tingnan sa Genesis 40:23).
O kaya ay isang “Type 3” na pagsubok ang lahat ng ito? Sa madaling salita, pinayagan ba ng Diyos na maranasan ni Jose ang mga bagay na ito para tulungan siyang lumago? Sa tanong na ito, nadama mismo ni Jose na ang sagot ay medyo oo. Nang sa wakas ay muli silang nagkita ng kanyang mga kapatid, sinabi niya, “Ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili sapagkat ako’y ipinagbili ninyo rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay” (Genesis 45:5, idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ngayon, tandaan, ipinagbili si Jose para maging alipin sa edad na 17. Siya ay 30 taong gulang nang tumayo sa harapan ng Faraon upang bigyang-kahulugan ang mga panaginip na magpapalaya sa kanya sa huli. Bale 13 taon iyan, o halos kalahati ng kanyang buhay hanggang sa puntong iyon, kung saan nawalan ng kalayaan si Jose nang hindi niya kasalanan. Pero nanampalataya siya na “sinugo [siya] ng Diyos” upang magligtas ng buhay. Saanman nagmula ang pagsubok, nalaman ni Jose sa huli na may layunin ang Diyos.
Sapat na iyon para sa kanya. Maaaring maging sapat iyon para sa atin.
Ang Inyong mga Pagsubok
Maaari nating ubusin ang ating lakas sa patuloy na pag-iisip sa nakaraan. Maaaring isipin nating, “Bakit ko ginawa iyon?” o “Kung hindi sana ako niloko ni ganito at ganoon.”
Pero ang patuloy na pag-iisip tungkol sa mga paano-kung at posible-sana ay walang idinudulot na kabutihan kundi paghihirap ng kaisipan kung bakit o paano dumarating ang isang pagsubok sa inyong buhay. Sa huli, ang kapayapaan at lakas ay matatagpuan sa paglapit kay Cristo at pagtitiwala sa Kanya, tulad ng ginawa ni Jose ng Ehipto. Kung gagawin natin ito, lahat ng ating pagsubok ay maaaring maging uri ng mga pagsubok na tutulong sa atin na mas mapalapit sa Diyos at maging lalong katulad Niya.
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, “Maaaring makatwiran ninyong pag-isipan kung bakit pinahihintulutan ng mapagmahal at lubos na makapangyarihang Diyos na maging napakahirap ng ating mortal na pagsubok. Ito ay dahil nalalaman Niyang kailangan nating umunlad sa espirituwal na kalinisan at lakas upang magawa nating mamuhay sa Kanyang piling bilang mga pamilya magpakailanman.”2
Walang-Hanggang mga Gantimpala
Kung tayo ay nagkasala, dapat tayong magsisi. Kung kaya nating magpakabuti dahil sa isang pagsubok, maaari at nararapat nating gawin iyon. Pero marami sa ating mga pagsubok sa mortalidad ang nagtatagal kaysa sa nais natin—kung minsa’y habambuhay pa. Dito, ang sagot din ay lumapit sa Diyos.
Ang buhay na ito ay para subukan at patunayan tayo. At sasamahan tayo ng Diyos kung hahanapin natin Siya! Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay gagantimpalaan nang higit pa sa inaakala ninyo. Lahat ng kawalang-katarungan—lalo na ang nakagagalit na kawalang-katarungan—ay ilalaan para sa inyong kapakinabangan.”3
“Makatarungan” ba na pinagdaanan ni Jose ang nangyari sa kanya? Hindi. Pero dahil pinagdaanan niya ang nangyari sa kanya, nagawa niyang iligtas ang buhay ng mga bansa, pati na ang sarili niyang pamilya.
Maaaring nasa kalagitnaan kayo ng sarili ninyong mga pagsubok na katulad ng kay Jose. Maaaring hindi ninyo maunawaan ang dahilan. O kung kailan iyon matatapos.
Tandaan lamang, sapat na ang biyaya ng Diyos. Bumaling sa Kanya, at gagawa Siya ng mga kababalaghan sa inyong buhay.