“Matutulungan Tayo ng Diyos sa Mahihirap na Panahon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2022.
Matutulungan Tayo ng Diyos sa Mahihirap na Panahon
Alam ni Jesucristo kung paano tutulungan ang bawat isa sa atin, anuman ang ating mga pagsubok.
Naaalala ko kung ano ang pakiramdam noong tinedyer ako, na mamuhay sa tila mahihirap na panahon. Mayroon noong isang digmaang pandaigdig. Ang mga kabataang lalaki na mas matanda lang nang kaunti sa akin ay napapatay sa labanan. May mga awayan ng mga barkada sa malalapit na lugar. Hindi pa tapos ang isang pagbagsak ng ekonomiya sa buong daigdig, at maraming tao ang dukha. Kami lang ng pamilya ko ang mga Banal sa mga Huling Araw sa aming bayan.
Gayunpaman, masaya ako at malaki ang pag-asa ko sa hinaharap. Naturuan ako, tulad ninyo noon, na ang ating mga pagsubok ay isang potensyal na pagpapala kung hihingi tayo ng tulong sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.
Bakit May mga Pagsubok?
Ang mga pagsubok ay nagbibigay sa atin ng mahalagang pagkakataon na piliing manampalataya. Maaari tayong humingi ng tulong sa panalangin kay Jesucristo, na nakakaalam kung paano tayo tutulungan. Naranasan Niya ang bawat pagsubok na kakaharapin natin. Alam na alam Niya kung paano tutulungan ang bawat isa sa atin. At mahal Niya tayo.
Ang layunin ng mga hamon sa buhay ay ang makita kung ano ang pipiliin nating gawin. Mananampalataya ba tayong sundin ang mga kautusang ibinigay Niya sa atin sa anumang mga pagsubok na kinakaharap natin? Laging ginagawa ng mapagmahal na Diyos ang pinakamainam para sa atin. Maaari Niyang alisin o bawasan ang ating pagsubok kung palalakasin nito ang ating pananampalataya. Sa ibang mga pagkakataon, maaaring hindi Niya iyon gawin.
Dahil napag-aralan ninyo ang buhay ng naunang mga propeta sa Lumang Tipan, nakita na ninyo ang paraan ng pagtulong sa atin ng Panginoon sa paisa-isang hakbang para makayanan ang mahihirap na pagsubok. Halimbawa, ang paraan ng pagtulong ng Panginoon kina Jose at Moises ay nagturo sa akin kung paano humingi at tumanggap ng tulong sa mahihirap na panahon.
Mga Pagsubok kay Jose
Si Jose, ang pinakamamahal na anak ni Jacob, ay itinapon ng kanyang mga kapatid sa hukay at pagkatapos ay ipinagbili para maging alipin sa Ehipto. Sinabi ng kanyang mga kapatid sa kanyang ama na napatay siya. Noong si Jose ay isang alipin, binigyan siya ng Panginoon ng kapangyarihang bigyang-kahulugan ang mga panaginip ng Faraon. Ipinakita Niya kay Jose kung paano maaaring harapin ng Ehipto ang isang taggutom sa hinaharap. Binigyan Niya si Jose ng moral na lakas na labanan ang tukso, mapalaya mula sa bilangguan, at sa edad na 32 ay mabigyan ng Faraon ng mataas na katungkulan. Sinabi ng Faraon tungkol kay Jose, “Makakakita kaya tayo ng isang taong kagaya nito, na kinakasihan ng espiritu ng Diyos?”1
Ang isang aral para sa akin mula sa paraan ng pagtulong ng Panginoon kay Jose ay kung paano Niya tayo matutulungan sa mahihirap na panahon. Habang patuloy si Jose sa paggawa ng mga tamang pagpili, pinalakas ng Panginoon si Jose, binigyan siya ng mga espirituwal na kapangyarihan, at pinalambot ang puso ng mga tao sa kanyang paligid.
Mga Pagsubok kay Moises
Gayundin, ang tulong ng Panginoon kay Moises sa kanyang mga pagsubok ay katulad ng tulong Niya kay Jose. Nagsimula rin ang mga pagsubok kay Moises noong kabataan niya. Nahiwalay si Moises sa kanyang mga magulang. Ang kanyang naunang pagsubok ay ang palakihin siya ng anak na babae ng Faraon. Sa pagtatanggol sa isang Israelita, pinatay niya ang isang taga-Ehipto at kinailangang tumakas patungo sa disyerto.
Nagpakita ang Panginoon kay Moises at inutusan siyang palayain ang mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ang tila imposibleng gawaing iyon ay isang pagsubok na pakiramdam ni Moises ay hindi niya kayang gawin. Ang pinakamahihirap na pagsubok at patunay sa buhay ninyo ay maaaring dumating kapag binigyan kayo ng gawain ng Panginoon na tila napakahirap at pakiramdam ninyo ay kailangan ninyo ang tulong ng Diyos.
Nagsimula ang Panginoon sa pagbibigay kay Moises ng tulong na kakailanganin ninyo. Sinabi Niya kay Moises na palalakasin Niya siya sa pamamagitan ng mga pagsubok na darating.
“Ako ay ang Ako nga [: at] … [g]anito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni Ako nga.”2 Taglay ang katiyakang iyon, nagkaroon ng pananampalataya at lakas si Moises para sa sunud-sunod na mga pagsubok na nasa kanyang harapan sa gawaing itinalaga sa kanya. Hindi lamang siya tinawag ng Panginoon kundi magpapauna ang Panginoon sa kanyang harapan sa tila mahimalang mga paraan.
Ang Inyong mga Pagsubok
Ang mahihirap na panahong kinakaharap natin ay magiging kakaiba. Walang dalawang buhay ang magkaparehong-magkapareho. Ang mga pagsubok ay iniakma sa bawat isa sa atin ng mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Ang paraan ng Kanilang pagsagot sa ating mga panalangin para sa tulong ay magiging pinakamainam para sa atin. Para sa ilan, maaaring iyon ay ang palakasin tayo, at para sa iba naman maaaring iyon ay ang bigyan tayo ng kagalakan kapag nahihirapan tayong manampalataya.
Para sa ating lahat, ang tulong na kailangang-kailangan natin kapag sinusubukan tayo, sa anumang mga paraan at gaano man katagal, ay isang masiglang pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalatayang iyon ang naging daan para mabigyang-kahulugan ni Jose ang mga panaginip sa Ehipto. Ang tiyak na pananampalataya kay Jesucristo ang nagpatapang at nagpalakas kay Moises sa kanyang mahirap na tungkuling tulungan ang Panginoon na mapalaya ang Kanyang mga tao.
Noong kabataan ninyo, nasubukan na kayo ng mahihirap na panahon, tulad ko. Pero tulad ko, naturuan na kayong magtiwala kay Jesucristo. Nauunawaan ko na ngayon kung bakit ko nadama ang gayon kalaking pag-asa sa hinaharap at nakadama ng kagalakan noong bata pa ako. Hindi naman dahil sa inasahan ko na magiging mas mabuti o mas madali ang mga panahon. Nakadama lamang ako ng kumpiyansa na kung magtitiwala ako at maglilingkod sa Kanya, kahit paano ay magiging maayos ang lahat.
Hiniling ng lola ko sa tatay ko na kumanta silang dalawa habang pauwi kami matapos siyang sabihan na malapit na siyang mamatay sa sakit na kanser: “At masawi man sa ‘ting paglakbay, … Kay-inam ng buhay!”3 Pinatototohanan ko sa inyo na alam ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo kung paano tutulungan ang bawat isa sa atin, anuman ang ating mga pagsubok. Kailangan lang nating humiling sa Kanya nang may pananampalataya.
Minamahal at tutulungan kayo ni Jesucristo, sa lahat ng pagkakataon, at ayon sa kung ano ang pinakamainam para sa inyo. Pinatototohanan ko ito, nang may pagmamahal sa inyo, at sa Kanya, sa pangalan ni Jesucristo, amen.