“Tinig ni Linahei,” Para sa Lakas ng mga Kabataan Mar. 2022.
Tinig ni Linahei
Mula sa musika hanggang sa family history, ginagamit ni Linahei ang kanyang tinig para sa kabutihan.
Alam ni Linahei D. mula sa Tahiti kung paano gamitin ang kanyang tinig para pagpalain ang iba—hindi lamang sa iisang paraan. Halimbawa, nag-aaral siya para maging isang speech therapist balang-araw. “Gusto kong tulungan ang mga bata sa kanilang pagbabaybay o sa paraan ng kanilang pagsasalita,” sabi niya.
Pero simula pa lang iyon. Isinilang sa isang pamilya ng mga bihasang musikero, ang 14-na-taong-gulang na si Linahei ay nagkakaroon ng maraming pagkakataong magamit ang kanyang tinig sa pagkanta. “Kami ng kapatid kong lalaki ay mahilig na magsabay sa pagkanta. Karaniwan ay siya ang kumakanta sa mas mataas na nota, at ako sa mas mababa!”
At mayroon ding buong family orchestra. “Tumutugtog ng piyano ang nanay ko para maituro sa amin ang mga awitin, at tumutugtog ng gitara at ukulele ang tatay ko.” At ano ang isang family orchestra kung walang tambol? “Mahilig kaming tumugtog ni Itay ng to‘ere, na isang tradisyonal na tambol na Polynesian.”
May isang buong ensemble na sumusuporta sa kanya, tinutulungan siya ng kanyang pamilya hindi lamang sa musika. “Lagi akong hinihikayat ng mga magulang ko sa aking pag-aaral, at binibigyan ako ng aking ama ng mga priesthood blessing.” Kapag dumarating ang mahihirap na panahon, alam niya na maaari din siyang bumaling sa kanyang Ama sa Langit. “Alam ko kung gaano ako kamahal ng Panginoon at lagi Siyang nariyan para sa Kanyang mga anak.”
Hindi lamang ginagamit ni Linahei ang kanyang tinig para sa musika at panalangin, kundi nagsasalita rin siya tungkol sa pagtulong sa mga miyembro ng pamilya sa kabilang panig ng tabing.
Isang Tinig ng Pagmamahal para sa Pamilya sa Kabila ng Tabing
“Nanaginip ako isang gabi kung saan nakakita ako ng daan-daang tao, ngunit hindi nila makausap ang isa’t isa,” sabi niya. “Inisip ko na kilala ko sila, pero hindi ako sigurado.”
Noong una ay hindi alam ni Linahei kung ano ang ibig sabihin ng panaginip na iyon. Pagkatapos ay may naisip siyang nakakatuwa: “Bago nag-lockdown dahil sa COVID-19, nakapagsagawa ako ng mahigit 100 binyag para sa aking mga ninuno—maaaring kumatawan ang mga taong ito sa panaginip ko sa mga kapamilyang iyon!”
Mas natutuwa pa sa family history kaysa rati, ginawa ni Linahei ang lahat ng kaya niya para makatulong na ipadala ang mga pangalang iyon sa templo para matanggap ang kanilang karagdagang mga ordenansa. Hindi nagtagal, tinawag si Linahei at ang kanyang ina bilang mga family history consultant sa kanilang ward.
“Tinulungan namin ang isang babae sa aming ward na ma-access ang kanyang FamilySearch account. Nang makita niya ang kanyang family tree, napakasaya niya—noon pa lang niya nakita ang lahat ng ninuno niya!”
“Dati-rati ay kinakabahan akong lumapit sa mga tao sa aming ward,” pag-amin ni Linahei. “Pero ngayong kasama ko na ang nanay ko, mas tiwala akong turuan ang mga tao tungkol sa family history.”
Magsalita Kayo
Ngayo’y inaasam ni Linahei na tulungan ang mga tao na malaman ang tungkol sa kanilang mga ninuno. “Gustung-gusto kong makita kung gaano kasaya ang mga tao kapag ginagawa nila ang kanilang family history. At palagay ko ay masaya ang ating mga ninuno na interesado tayo sa kanila at sa pagsasagawa ng kanilang mga ordenansa.”
Sa kanyang tungkulin bilang family history consultant, kamakailan ay nag-organisa siya ng isang aktibidad para sa mga dalagita sa kanyang ward. Hindi lamang niya sila tinulungang maghanap ng mga pangalan ng mga kapamilya na dadalhin sa templo, kundi tinulungan din niya ang mga batang Primary na mag-set up ng mga account para makasali sila.
“Malapit na kaming magpunta sa templo,” sabi niya.
Gusto mo bang maging kasinggaling ni Linahei? Huwag kang mag-alala, talagang posible iyan. “Maaaring isulong ng mga kabataan ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya,” sabi ni Linahei. “Anumang bagay na tumutulong sa atin na isipin ang ating mga ninuno ay kamangha-mangha. Alam ko na ang paggawa ng family history ay maghahatid ng higit na kagalakan sa buhay ng lahat ng tao. Dahil sa family history mas naging malapit ako sa aking mga ninuno at kay Cristo.”
Sa lahat ng ginagawa niya para sa kanyang mga ninuno, isang bagay ang tiyak: si Linahei ay hindi lamang nakatuon sa kanyang mga ninuno na pumanaw na kundi maging sa kanyang nabubuhay pa na mga kapamilya!