Pangkalahatang Kumperensya
Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020


16:24

Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya

Magiging maluwalhati ang bukas para sa mga handa at patuloy na naghahandang maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.

Hindi malilimutan ang gabing ito. Mahal kong mga kapatid, karangalan kong makasama kayo. Palagi ko kayong iniisip nitong nakalipas na ilang buwan. Kayo ay mahigit sa walong milyon. Hindi lamang kayo marami kundi taglay ninyo ang espirituwal na kapangyarihang baguhin ang mundo. Nakita kong ginagawa ninyo iyan sa pandemyang ito.

Ilan sa inyo ang kinailangang maghanap ng mga limitadong suplay at bagong mapagkakakitaan. Marami ang nagturo ng mga bata at inaalam ang kalagayan ng iba. May ilang tinanggap ang pag-uwi ng mga missionary nang mas maaga sa inaasahan, samantalang ang iba ay ginawang missionary training center ang kanilang tahanan. Ginamit ninyo ang teknolohiya para makaugnayan ang pamilya at mga kaibigan, para maglingkod sa mga nawalay, at mag-aral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin kasama ang iba. Nakahanap kayo ng mga bagong paraan para gawing kalugud-lugod ang Sabbath. At gumawa kayo ng mga face mask—nang milyun-milyon!

Taglay ang taos-pusong pagkahabag at pagmamahal, nakikiramay ako sa maraming kababaihan sa buong mundo na namatayan ng mga mahal sa buhay. Kasama ninyo kaming nananangis. At ipinagdarasal namin kayo. Pinupuri at ipinagdarasal namin ang lahat ng mga taong walang kapagurang nangangalaga sa kalusugan ng iba.

Kayong mga kabataan ay kahanga-hanga rin. Kahit puno ng pagtatalo ang social media, marami sa inyo ang nakahanap ng paraan para mahikayat ang iba at maibahagi ang liwanag ng ating Tagapagligtas.

Mga kapatid, lahat kayo ay talagang mga bayani! Namamangha ako sa inyong lakas at pananampalataya. Naipakita ninyo iyan sa mahihirap na kalagayan, nananatili kayong matatag. Mahal ko kayo, at tinitiyak ko sa inyo na mahal kayo ng Panginoon at nakikita Niya ang inyong mabuting ginagawa. Salamat sa inyo! Muli, pinatunayan ninyong kayo ay literal na pag-asa ng Israel!

Kinakatawan ninyo ang inaasahan sa inyo ni Pangulong Gordon B. Hinckley nang ipabatid niya ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” 25 taon na ang nakalipas noong Setyembre 1995 sa pangkalahatang pulong ng Relief Society. 1 Makabuluhan na pinili niyang ipabatid ang mahalagang pagpapahayag na ito sa kababaihan ng Simbahan. Sa paggawa nito, binigyang-diin ni Pangulong Hinckley ang hindi mapapalitang impluwesya ng kababaihan sa plano ng Panginoon.

Ngayon, gusto kong malaman ang natutuhan ninyo sa taon na ito. Mas napalapit ba kayo sa Panginoon, o mas napalayo sa Kanya? At paano naaapektuhan ng mga nangyayari ngayon ang pananaw ninyo sa hinaharap?

Ang totoo, binanggit ng Panginoon ang ating panahon sa nakababahalang mga salita. Nagbabala Siya na sa ating panahon “ang puso ng mga tao ay magsisipanlupaypay,” 2 at maging ang mga hinirang ay maaaring malinlang. 3 Sinabi Niya kay Propetang Joseph Smith na “ang kapayapaan ay aalisin sa mundo,” 4 at dadanas ng mga kapahamakan ang mga tao. 5

Subalit ipinakita rin ng Panginoon kung gaano kagila-gilalas ang dispensasyong ito. Binigyang-inspirasyon Niya si Propetang Joseph Smith na ipahayag na “ang gawain … sa mga huling araw na ito, ay napakalawak. … Ang mga kaluwalhatian nito ay di sukat mailarawan, at ang karingalan ay di mapapantayan.” 6

Ngayon, maaaring ang karingalan ay hindi ang salitang pipiliin ninyo para ilarawan ang nakalipas na ilang buwan na ito! Paano natin haharapin ang malungkot na mga propesiya at ang maringal na pahayag tungkol sa ating panahon? Sinabi ng Panginoon ang paraan sa simple, ngunit nakakapanatag na mga salitang ito: “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.” 7

Napakagandang pangako! Literal na mababago nito ang pananaw natin sa hinaharap. Narinig ko kamakailan ang isang babae na may malakas na patotoo na umaming ang pandemya, pati ang lindol sa Salt lake Valley, ay nakatulong para mapagtanto niya na hindi pa siya handa tulad ng inakala niya. Nang itanong ko kung imbak na pagkain ba ang tinutukoy niya o ang kanyang patotoo, ngumiti siya at sinabing, “Opo!”

Kung paghahanda ang susi sa pagyakap sa dispensasyong ito at sa ating hinaharap nang may pananampalataya, paano tayo lubos na makapaghahanda?

Matagal na tayong hinihikayat ng mga propeta ng Panginoon na mag-imbak ng pagkain, tubig, at mag-ipon ng pera para sa oras ng pangangailangan. Napagtibay ng pandemyang ito ang kahalagahan ng payong iyan. Hinihikayat ko kayong gumawa ng mga hakbang para maging temporal na handa. Ngunit mas inaalala ko ang inyong espirituwal at emosyonal na paghahanda.

Hinggil diyan, marami tayong matututuhan kay Kapitan Moroni. Bilang pinuno ng mga hukbo ng Nephita, hinarap niya ang mas malakas, mas marami, at mas malulupit na kaaway. Kaya, inihanda ni Moroni ang kanyang mga tao sa tatlong mahalagang paraan.

Una, tinulungan niya silang gumawa ng ligtas na lugar—“mga lugar ng dulugan” ang tawag niya sa mga ito. 8 Pangalawa, inihanda niya “ang mga pag-iisip ng mga tao na maging matapat sa Panginoon.” 9 At pangatlo, hindi siya huminto sa paghahanda sa kanyang mga tao—sa pisikal o espirituwal. 10 Alamin natin ang tatlong alituntuning ito.

Unang Alituntunin: Gumawa ng mga Lugar ng Dulugan o mga Ligtas na Lugar

Pinatibay ni Moroni ang bawat lunsod ng mga Nephita sa pamamagitan ng pagtataas ng mga pampang ng lupa sa paligid, pagtatayo ng mga muog at mga pader. 11 Nang lusubin sila ng mga Lamanita, ang mga ito “ay labis na nanggilalas … dahil sa karunungan ng mga Nephita sa paghahanda ng kanilang mga lugar ng dulugan. 12

Gayundin, sa ligalig na nakapalibot sa atin, kailangan nating gumawa ng mga lugar na magiging ligtas tayo, kapwa pisikal at espirituwal. Kapag ang inyong tahanan ay naging personal na santuwaryo ng pananampalataya—kung saan nananahan ang Espiritu—ang tahanan ninyo ay nagiging pangunahing tanggulan.

Gayundin, ang mga stake ng Sion ay “isang kanlungan mula sa bagyo” 13 sapagkat pinamumunuan ang mga ito ng mga taong may hawak ng mga susi ng priesthood at gumagamit ng awtoridad ng priesthood. Sa patuloy ninyong pagsunod sa payo ng mga taong binigyan ng awtoridad ng Panginoon na gabayan kayo, madarama ninyong mas ligtas kayo.

Ang templo—ang bahay ng Panginoon—ay ligtas na lugar na di-mapapantayan. Doon, kayong mga kababaihan ay pinagkalooban ng kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood na ginawa ninyo. 14 Doon, ang inyong pamilya ay ibinubuklod para sa kawalang-hanggan. Maging sa taon na ito, limitado mang nagagamit ang templo, patuloy ninyong natatanggap ang kapangyarihan ng Diyos dahil sa inyong endowment habang tinutupad ninyo ang mga tipang ginawa ninyo sa Kanya.

Sa madaling salita, ang inyong ligtas na lugar ay kung saan man ninyo nadarama ang presensya ng Espiritu Santo at ang Kanyang paggabay. 15 Kapag nasa inyo ang Espiritu Santo, maituturo ninyo ang katotohanan, kahit pa salungat ito sa opinyon ng nakararami. At mapagninilay ninyo ang matatapat na tanong tungkol sa ebanghelyo sa sitwasyong mas madali kayong makatanggap ng paghahayag.

Inaanyayahan ko kayo, mahal kong mga kapatid, na gawing ligtas na lugar ang inyong mga tahanan. At muli ko kayong inaanyayahan na higit pa ninyong unawain ang kapangyarihan ng priesthood at ang mga tipan at pagpapala ng templo. Ang pagkakaroon ng mga ligtas na lugar na mapagkakanlungan ninyo ay tutulong sa inyong yakapin ang bukas nang may pananampalataya.

Pangalawang Alituntunin: Ihanda ang Inyong Isipan na Maging Matapat sa Diyos

May proyekto kaming ginagawa para magamit nang mas matagal at mapalaki ang kapasidad ng Salt Lake Temple.

Pagtatayo ng Salt Lake Temple

Tinatanong ng iba kung bakit kailangang gawin ang gayong kalaking proyekto. Gayunman, nang maranasan ng Salt Lake Valley ang 5.7-magnitude na lindol sa unang bahagi ng taong ito, nayanig ang kapita-pitagang templong ito nang napakalakas na ikinabagsak ng estatwa ng anghel na si Moroni! 16

Si Anghel Moroni kasama ang bumagsak na trumpeta

Tulad ng pangangailangang patibayin ang pisikal na pundasyon ng Salt Lake Temple upang makayanan ang mga kalamidad, ang ating espirituwal na mga pundasyon ay dapat ding matibay. Sa gayon, sa sandaling yanigin ng maihahalintulad sa lindol ang ating buhay, kaya nating manatiling “matatag at di natitinag” dahil sa ating pananampalataya. 17

Tinuruan tayo ng Panginoon kung paano palakasin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng paghahangad na “matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.” 18 Pinalalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo kapag sinisikap nating sundin ang Kanyang mga kautusan at “lagi siyang [inaalala].” 19 Bukod pa rito, lumalakas din ang ating pananampalataya sa tuwing ginagamit natin ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya.

Halimbawa, kapag nanampalataya tayo at sumunod sa mga batas ng Diyos—maliitin man tayo ng maraming tao—o sa bawat pagkakataon na tinatanggihan natin ang mga kasiyahan o ideolohiya na tahasang lumalabag sa ating mga tipan, ginagamit natin ang ating pananampalataya, at lalo itong lumalakas.

Maliban diyan, kaunti lamang ang mga bagay na nakapagpapalakas ng pananampalataya tulad ng regular na pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Wala nang iba pang aklat ang makapagpapatotoo kay Jesucristo nang may kapangyarihan at kalinawan. Binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga propeta rito upang makita nila ang ating panahon at pumili sila ng mga doktrina at katotohanan na lubos na makatutulong sa atin. Ang Aklat ni Mormon ay ang ating gabay sa mga huling araw para manatiling ligtas.

Mangyari pa, nakasalalay ang kaligtasan natin sa pagiging isa natin sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo! Ang buhay na walang Diyos ay buhay na puno ng pagkatakot. Ang buhay na may Diyos ay buhay na puno ng kapayapaan. Ito ay sa dahilang ang espirituwal na mga pagpapala ay mula sa pagiging matapat. Ang pagtanggap ng personal na paghahayag ay isa sa mga pinakadakila sa mga pagpapalang iyon.

Ipinangako ng Panginoon na kung hihingi tayo, tayo ay makatatanggap ng “paghahayag sa paghahayag.” 20 Ipinapangako ko na habang lumalakas ang kakayahan ninyo sa pagtanggap ng paghahayag, bibiyayaan kayo ng Panginoon ng karagdagang direksyon sa inyong buhay at ng walang katapusang mga kaloob ng Espiritu.

Pangatlong Alituntunin: Huwag Tumigil sa Paghahanda

Bagama’t naging maayos ang mga pangyayari, patuloy pa rin si Kapitan Moroni sa paghahanda sa kanyang mga tao. Hindi siya kailanman tumigil. Hindi siya kailanman naging kampante.

Hindi tumitigil sa pag-atake ang kaaway. Kaya, hindi tayo dapat tumigil kailanman sa paghahanda! Kapag mas nakakaasa tayo sa ating sarili—sa temporal, emosyonal, at espirituwal—mas handa tayo na mapaglabanan ang walang tigil na pag-atake ni Satanas.

Mga kapatid, sanay kayong gumawa ng ligtas na lugar para sa inyong sarili at para sa mga mahal ninyo. Bukod pa riyan, pinagkalooban kayo mula sa langit ng kakayahan na tulungan ang iba na magkaroon ng pananampalataya. 21 At hindi kayo tumigil kailanman. Muli ninyo itong naipakita ngayong taon.

Pakiusap, magpatuloy kayo! Ang pagbabantay ninyo para mapanatiling ligtas ang inyong tahanan at pagtatanim ng pananampalataya sa puso ng mga mahal ninyo ay magbubunga ng gantimpala sa mga henerasyong darating.

Mga kapatid, marami tayong aasahan! Nabuhay kayo ngayon sa panahong ito dahil alam ng Panginoon na kaya ninyong mamuhay sa kumplikadong huling bahagi ng mga huling araw na ito. Batid Niyang mauunawaan ninyo ang kadakilaan ng Kanyang gawain at sabik kayong tutulong para maisakatuparan ito.

Hindi ko sinasabing magiging madali ang mga araw na darating, ngunit ipinapangako ko na magiging maluwalhati ang bukas para sa mga handa at patuloy na naghahandang maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.

Mga kapatid, huwag lamang nating tiisin ang mga nangyayari ngayon. Ating yakapin ang bukas nang may pananampalataya! Ang maligalig na mga panahon ay oportunidad para mapalakas ang ating espirituwalidad. Ito ang mga panahon kung saan maaaring maging mas malakas ang impluwensya natin kaysa sa mga panahong mas payapa.

Ipinapangako ko na habang tayo ay gumagawa ng mga ligtas na lugar, naghahanda ng ating isipan na maging matapat sa Diyos, at hindi tumitigil sa paghahanda, pagpapalain tayo ng Diyos. “Ililigtas niya [tayo]; oo, hanggang sa siya ay bumulong ng kapayapaan sa [ating] mga kaluluwa, at [magbibigay] sa [atin] ng malaking pananampalataya, at [papangyarihing tayo] ay umasa ng [ating] kaligtasan sa kanya.” 22

Sa paghahanda ninyo na yakapin ang bukas nang may pananampalataya, ang mga pangakong ito ay mapapasainyo! Pinatototohanan ko ito, lakip ang aking pagmamahal para sa inyo at ang aking tiwala sa inyo, sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.