Hayaang Manaig ang Diyos
Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang gawin ang Diyos na pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo?
Mahal kong mga kapatid, lubos ang pasasalamat ko sa napakagandang mga mensahe ng kumperensyang ito at sa pagkakataong makapagsalita sa inyo ngayon.
Sa mahigit 36 na taon ko bilang Apostol, naging interesado ako sa doktrina ng pagtitipon ng Israel.1 Lahat ng tungkol dito ay gusto kong alamin, pati na ang mga ministeryo at pangalan2 nina Abraham, Isaac, at Jacob; ang kanilang buhay at mga asawa; ang tipan na ginawa ng Diyos sa kanila at sa kanilang mga inapo;3 ang pagkalat ng labindalawang lipi; at ang napakaraming propesiya tungkol sa pagtitipon sa ating panahon.
Pinag-aralan ko ang tungkol sa pagtitipon, ipinagdasal ito, nagpakabusog sa bawat nauugnay na mga banal na kasulatan, at hiniling sa Panginoon na dagdagan ang aking pang-unawa.
Kaya isipin ninyo kung gaano kalaki ang aking tuwa nang may bago akong nalaman kamakailan. Sa tulong ng dalawang iskolar na mga Hebreo, nalaman ko na ang isang ibig sabihin sa Hebreo ng salitang Israel ay “hayaang manaig ang Diyos.”4 Kaya ang pangalang Israel ay tumutukoy sa tao na handang hayaan ang Diyos na manaig sa kanyang buhay. Ang ideyang ito ay inspirasyon sa aking kaluluwa!
Ang salitang handa ay mahalaga sa interpretasyong ito ng pangalang Israel.5 May kalayaan tayong lahat. Maaari nating piliing mapabilang sa Israel, o hindi. Puwede nating piliing hayaan ang Diyos na manaig sa ating buhay, o hindi. Maaari nating piliin ang Diyos na maging pinakamalakas na impluwensya sa ating buhay, o hindi.
Saglit nating gunitain ang mahalagang pagbabago sa buhay ni Jacob, na apo ni Abraham. Sa lugar na tinawag ni Jacob na Peniel (na ibig sabihin ay “ang mukha ng Diyos”),6 naranasan ni Jacob na makipagtunggali. Sinubukan ang kanyang kalayaang pumili. Sa pagtutunggaling ito, ipinakita ni Jacob kung ano ang pinakamahalaga sa kanya. Ipinakita niya na handa siya na hayaang manaig ang Diyos sa kanyang buhay. Bilang tugon, binago ng Diyos ang pangalan ni Jacob at naging Israel,7 na ibig sabihin ay “hayaang manaig ang Diyos.” At nangako ang Diyos kay Israel na lahat ng pagpapalang ipinagkaloob kay Abraham ay makakamit niya rin.8
Ang nakalulungkot, sinira ng Israel ang kanilang mga tipan sa Diyos. Pinagpapatay nila ang mga propeta at hindi nila ninais na ang Diyos ang manaig sa kanilang buhay. Bunga nito, ikinalat sila ng Diyos sa apat na sulok ng mundo.9 Nahahabag, nangako Siya kalaunan na titipunin sila, gaya ng itinala ni Isaias: “Sa ilang sandali ay kinalimutan kita [Israel]; ngunit titipunin kita sa pamamagitan ng malaking pagkahabag.”10
Iniisip ang depinisyon sa Hebreo ng Israel, makikita natin na ang pagtitipon ng Israel ay naging mas makahulugan. Tinitipon ng Panginoon ang mga tao na hahayaang manaig ang Diyos sa kanilang buhay. Tinitipon ng Panginoon ang mga taong pipiliin ang Diyos na maging pinakamahalagang impluwensya sa kanilang buhay.
Sa loob ng maraming siglo, ipinropesiya ng mga propeta ang pagtitipong ito,11 at nagaganap na ito ngayon! Dahil kailangan itong mangyari bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon, ito ang pinakamahalagang gawain sa mundo!
Itong pagtitipon bago ang milenyo ay mga kuwento ng lumalaking pananampalataya at espirituwal na tapang ng milyun-milyong tao. At bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, o “pinagtipang Israel sa mga huling araw,”12 inatasan tayong tulungan ang Panginoon sa mahalagang gawaing ito.13
Kapag sinasabi nating pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, ibig sabihin ay gawaing misyonero, gawain sa templo at family history. Ito rin ang pagpapatatag ng pananampalataya at patotoo sa puso ng mga taong kasama natin sa buhay, katrabaho, at pinaglilingkuran natin. Sa tuwing gumagawa tayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong tayo na tipunin ang Israel.
Kamakailan lamang, ang asawa ng isa sa aming mga apong lalaki ay nagkaroon ng espirituwal na hamon. Tatawagin ko siyang “Jill.” Sa kabila ng pag-aayuno, panalangin, at mga basbas ng priesthood, ang ama ni Jill ay nag-agaw-buhay. Takot na takot siya na baka mawala kapwa ang kanyang ama at kanyang patotoo.
Isang gabing malalim, sinabi ng asawa kong si Sister Wendy Nelson, ang tungkol sa sitwasyon ni Jill. Kinabukasan nadama ni Wendy na sabihin kay Jill na ang sagot ko sa kanyang espirituwal na hamon ay isang salita lang! Ang salita ay myopic.
Kalaunan ay inamin ni Jill kay Wendy na nanlumo siya noong una sa sagot ko. Sabi niya, “Umasa ako na mangangako si Lolo ng isang himala para kay Itay. Nagtataka ako kung bakit ang salitang myopic ang kailangan niyang sabihin.”
Matapos pumanaw ang ama ni Jill, ang salitang myopic ay palagi niyang naiisip. Binuksan niya ang kanyang puso para mas maunawaan pa na ang ibig sabihin ng myopic ay “nearsighted.” At nagsimulang magbago ang paraan ng kanyang pag-iisip. At sinabi ni Jill, “tinulungan ako ng salitang myopic na tumigil, mag-isip, at gumaling. Ang salitang iyan ngayon ay nagdudulot sa akin ng kapayapaan. Ipinapaalala nito sa akin na palawakin ang aking pananaw at hangarin ang walang-hanggan. Ipinapaalala nito sa akin na may banal na plano at buhay pa rin ang aking ama at mahal at binabantayan niya ako. Inakay ako ng salitang myopic tungo sa Diyos.”
Ipinagmamalaki ko ang mahal naming manugang sa apo. Sa mahirap na panahong ito sa kanyang buhay, si Jill ay natututong tanggapin ang kalooban ng Diyos para sa kanyang ama, nang may walang-hanggang pananaw para sa kanyang sariling buhay. Sa pagpiling hayaang manaig ang Diyos, nakahanap siya ng kapayapaan.
Kung hahayaan natin ito, maraming paraan para makatulong sa atin ang interpretasyong ito ng salitang Israel sa Hebreo. Isipin kung paanong ang mga dasal para sa ating mga missionary—at sa sarili nating pagsisikap na tipunin ang Israel—ay mababago sa pagsasaisip sa konseptong ito. Madalas tayong nagdarasal na maakay tayo at ang mga missionary sa mga taong handang tanggapin ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Iniisip ko, kanino kaya tayo aakayin kapag nagsumamo tayong mahanap ang mga taong handang hayaan ang Diyos na manaig sa kanilang buhay?
Maaari tayong akayin sa mga taong hindi kailanman naniwala sa Diyos o kay Jesucristo ngunit ngayon ay nais nang malaman ang tungkol sa Kanila at sa Kanilang plano ng kaligayahan. Ang iba naman ay maaaring “isinilang sa tipan”14 ngunit nalihis at lumayo na sa landas ng tipan. Maaaring handa na sila ngayong magsisi, magbalik, at hayaang manaig ang Diyos. Maaari natin silang tulungan sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanila nang may bukas na mga bisig at puso. At para sa ilan kung kanino tayo maaakay, maaaring dama nilang may kulang sa buhay nila. Hangad din nila ang kabuuan at kagalakan na dumarating sa mga taong handang hayaan ang Diyos na manaig sa kanilang buhay.
Ang lambat ng ebanghelyo sa pagtipon ng nakalat na Israel ay napakalaki. May puwang para sa bawat taong lubusang yayakap sa ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat nagbalik-loob ay nagiging anak ng tipan ng Diyos,15 isinilang man sila sa tipan o naging miyembro kalaunan. Bawat isa ay nagiging lubos na tagapagmana ng lahat ng ipinangako ng Diyos sa matatapat na anak ni Israel!16
Bawat isa sa atin ay may banal na potensiyal dahil bawat isa ay anak ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Malawak ang implikasyon ng katotohanang ito. Mga kapatid, sana’y makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. Pantay-pantay ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng lahi. Malinaw ang Kanyang doktrina ukol sa bagay na ito. Inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae.”17
Tinitiyak ko sa inyo na ang katayuan sa harap ng Diyos ay hindi batay sa kulay ng inyong balat. Ang pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon ng Diyos ay batay sa inyong katapatan sa Kanya at sa Kanyang mga utos at hindi sa kulay ng inyong balat.
Nalulungkot ako na nararanasan ng mga kapatid nating Itim sa buong mundo ang pait na dulot ng rasismo at diskriminasyon. Nananawagan ako ngayon sa ating mga miyembro sa lahat ng dako na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain ng di-pantay na pakikitungo. Nakikiusap ako sa inyo na itaguyod ang respeto para sa lahat ng anak ng Diyos.
Ang tanong para sa bawat isa sa atin, anuman ang lahi, ay iyon pa rin. Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?18
Isipin kung gaano kayo mapagpapala ng gayong kahandaan. Kung kayo ay walang asawa at nais may makasama sa walang-hanggan, ang hangarin ninyong “mapabilang sa Israel” ay tutulong sa inyo na magpasiya kung sino ang inyong idedeyt at kung paano makikipagdeyt.
Kung kayo ay kasal sa asawa na sumira sa kanyang mga tipan, ang kahandaan ninyong hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay ay magpapanatili sa inyong mga tipan sa Diyos. Pagagalingin ng Tagapagligtas ang inyong pusong nasaktan. Ang kalangitan ay mabubuksan sa paghahangad ninyong malaman kung paano susulong. Hindi kayo kailangang magpagala-gala o magtaka.
Kung tapat ang mga tanong ninyo tungkol sa ebanghelyo o sa Simbahan, kapag pinili ninyong manaig ang Diyos, kayo ay aakayin para mahanap at maunawaan ang tiyak at walang-hanggang mga katotohanan na gagabay sa inyong buhay at tutulong sa inyo na manatiling matatag sa landas ng tipan.
Kapag nahaharap kayo sa tukso—dumating man ang tukso sa oras na kayo ay pagod o sa mga panahong dama ninyo na kayo ay nalulungkot o di-nauunawaan—isipin ang maiipon ninyong lakas ng loob sa pagpiling hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay at sa pagsamo ninyo sa Kanya na palakasin kayo.
Kapag ang pinakahangarin ninyo ay hayaang manaig ang Diyos, maging bahagi ng Israel, maraming desisyon ang nagiging mas madali. Maraming isyu ang nagiging hindi na mahalaga! Alam ninyo kung paano magiging kaiga-igaya. Alam ninyo ang dapat panoorin at basahin, kung saan dapat mag-ukol ng oras, at sino ang dapat makasama. Alam ninyo kung ano ang gusto ninyong maisakatuparan. Alam ninyo ang uri ng taong talagang nais ninyong kahinatnan.
Ngayon, mahal kong mga kapatid, kailangan ang pananampalataya at tapang para hayaang manaig ang Diyos. Kailangan dito ang palagian, at masigasig na espirituwal na paggawa para magsisi at hubarin ang likas na tao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.19 Kailangan dito ang palagian, at araw-araw na pagsisikap para makagawian ang pag-aaral ng ebanghelyo, malaman pa ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at maghangad ng personal na paghahayag at kumilos ayon dito.
Sa mapanganib na panahong ito na ipinropesiya ni Apostol Pablo,20 hindi na tinatangka ni Satanas na itago ang kanyang mga pag-atake sa plano ng Diyos. Maraming masasamang ideya ang popular sa mundo. Kaya, ang tanging paraan para espirituwal na maligtas ay magpasiya na hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay, matutuhang pakinggan ang Kanyang tinig, at gamitin ang ating lakas para tumulong sa pagtipon ng israel.
Ngayon, ano ang nadarama ng Panginoon sa mga taong hahayaang manaig ang Diyos? Mahusay itong ibinuod ni Nephi: “Minamahal [ng Panginoon] ang mga tatanggap sa Kanya bilang kanilang Diyos. Masdan, minahal niya ang ating mga ama, at siya ay nakipagtipan sa kanila, oo, maging kina Abraham, Isaac, at Jacob; at [naaalaala] niya ang mga tipang kanyang ginawa.”21
At ano ang handang gawin ng Panginoon para sa Israel? Nangako ang Panginoon na Siya ang “lalaban sa [ating] mga digmaan, at ng digmaan ng [ating] mga anak, at [mga digmaan ng] anak ng [ating] mga anak … hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi”!22
Habang pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan sa susunod na anim na buwan, hinihikayat ko kayong gumawa ng listahan ng lahat ng ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya para sa pinagtipanang Israel. Sa palagay ko ay magugulat kayo! Pagnilayan ang mga pangakong ito. Banggitin ang mga ito sa inyong pamilya at mga kaibigan. At pagkatapos ay mamuhay at abangan ang katuparan ng mga pangakong ito sa inyong buhay.
Mahal kong mga kapatid, kapag pinili ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay, mararanasan ninyo para sa inyong sarili na ang ating Diyos ay “isang Diyos ng mga himala.”23 Bilang mga tao, tayo ang Kanyang mga anak ng tipan, at tatawagin tayo sa Kanyang pangalan. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.