“Pakinggan Siya,” kabanata 2 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 2: “Pakinggan Siya”
Kabanata 2
Pakinggan Siya
Isang umaga noong tagsibol ng 1820 ay maagang gumising si Joseph at nagtungo sa kakahuyang malapit sa kanilang tahanan. Maaliwalas at maganda ang araw na iyon, at sumisilip ang sinag ng araw sa pagitan ng mga sanga ng mga nagtataasang punongkahoy. Nais niyang mapag-isa sa kanyang pagdarasal, at may alam siyang isang tahimik na lugar sa kakahuyan na kamakailan lamang ay hinawanan niya ng mga puno. Iniwan niya ang kanyang palakol doon, na nakataga sa isang tuod.1
Nang mahanap niya ang lugar, tumingin si Joseph sa paligid upang matiyak na mag-isa lamang siya. Nag-aagam-agam siyang magdasal nang malakas at ayaw niyang magambala.
Nasisiyahang nag-iisa siya, lumuhod si Joseph sa malamig na lupa at sinimulang sabihin sa Diyos ang mga naisin ng kanyang puso. Humingi siya ng awa at kapatawaran at karunungan upang mahanap ang mga sagot sa kanyang mga tanong. “O Panginoon ko,” dasal niya, “anong simbahan po ang dapat kong sapian?”2
Habang siya ay nagdarasal, tila namaga ang kanyang dila hanggang sa hindi na siya makapagsalita. Nakarinig siya ng mga yabag sa kanyang likuran ngunit wala siyang nakita sa kanyang paglingon. Sinubukan niyang magdasal muli, ngunit mas lumakas ang tunog ng mga yabag, na tila may papalapit sa kanya. Bigla siyang tumayo at pumihit, ngunit wala pa rin siyang nakita.3
Daglian, may hindi nakikitang kapangyarihan na sumunggab sa kanya. Sinubukan niyang muling magsalita, ngunit nakagapos pa rin ang kanyang dila. Nagtipon ang makapal na kadiliman sa kanyang paligid hanggang sa hindi na niya makita ang sikat ng araw. Mga alinlangan at kakila-kilabot na mga imahe ang sumagi sa kanyang isipan, nililito at ginugulo siya. Pakiramdam niya ay parang may isang kakila-kilabot na nilalang, tunay at napakalakas, na nagnanais na patayin siya.4
Gamit ang lahat ng kanyang lakas, muling tumawag sa Diyos si Joseph. Nawala ang pamamaga ng kanyang dila, at nagmakaawa siyang mailigtas. Ngunit nadama niya ang kanyang sarili na nawawalan ng pag-asa, nanghihina dahil sa hindi makayanang kadiliman at handa nang ipaubaya ang kanyang sarili sa pagkawasak.5
Sa sandaling iyon, lumitaw ang isang haligi ng liwanag sa kanyang ulunan. Unti-unti itong bumaba at tila masusunog nito ang kakahuyan. Nang tumuon sa kanya ang liwanag, naramdaman ni Joseph na pinakawalan siya ng hindi makitang kapangyarihan. Ang Espiritu ng Diyos ang humalili, pinupuno siya ng kapayapaan at galak na hindi niya mailarawan.
Nang tumingin siya sa liwanag, nakita ni Joseph ang Diyos Ama na nakatayo sa hangin sa kanyang itaas. Ang Kanyang mukha ay mas maliwanag at mas maluwalhati kaysa sa anumang bagay na nakita ni Joseph. Tinawag siya ng Diyos sa kanyang pangalan at itinuro ang isa pang nilalang na nasa Kanyang tabi. “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak,” wika Niya. “Pakinggan Siya!”6
Tiningnan ni Joseph ang mukha ni Jesucristo. Kasingliwanag at kasingluwalhati ito ng sa Ama.
“Joseph,” ang sabi ng Tagapagligtas, “ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.”7
Gumaan ang kanyang pasanin, inulit ni Joseph ang kanyang tanong: “Ano pong simbahan ang dapat kong sapian?”8
“Huwag sumapi sa alinman sa kanila,” sabi ng Tagapagligtas sa kanya. “Itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga kautusan ng tao, na may anyo ng kabanalan, datapwat tinatanggihan ang kapangyarihan nito.”
Sinabi ng Panginoon kay Joseph na ang mundo ay puno ng kasalanan. “Wala sa kanilang gumagawa ng mabuti,” paliwanag Niya. “Tinalikuran nila ang ebanghelyo at hindi sinunod ang aking mga kautusan.” Ang mga sagradong katotohanan ay nawala o nabago, ngunit ipinangako Niya na ihahayag ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo kay Joseph sa hinaharap.9
Habang nagsasalita ang Tagapagligtas, nakita ni Joseph ang mga hukbo ng mga anghel, at ang liwanag na bumabalot sa kanila ay mas maliwanag pa sa araw sa katanghaliang tapat. “Masdan, at narito, Ako ay kaagad na darating,” wika ng Panginoon, “nadaramitan ng kadakilaan ng Aking Ama.”10
Inakala ni Joseph na lalamunin ng apoy ang kakahuyan, ngunit ang mga puno ay nagliyab lamang tulad ng palumpong noong panahon ni Moises at hindi natupok.11
Nang naglaho ang liwanag, natagpuan ni Joseph ang kanyang sarili na nakatihaya, nakatingin sa kalangitan. Naglaho ang haligi ng liwanag, at ang kanyang kasalanan at pagkalito ay wala na. Napuno ng banal na pagmamahal ang kanyang puso.12 Nakipag-usap ang Diyos Ama at si Jesucristo sa kanya, at natutuhan niya sa kanyang sarili kung paano matatagpuan ang katotohanan at kapatawaran.
Hinang-hina mula sa pangitain kaya hindi makagalaw, nahiga si Joseph sa gubat hanggang sa nagbalik ang kaunti niyang lakas. Pagkatapos ay hirap siyang umuwi at sumandig sa dapugan para may masandalan. Nakita siya ng kanyang ina at tinanong siya kung ano ang nangyari.
“Mabuti naman po ang lahat,” pagtiyak niya sa ina. “Mabuti na po ang pakiramdam ko.”13
Ilang araw pagkatapos niyon, habang nakikipag-usap sa isang mangangaral, ikinuwento ni Joseph ang kanyang nakita sa kakahuyan. Aktibo ang mangangaral na ito sa kasalukuyang interes sa mga relihiyon, at inasahan ni Joseph na seryosong pakikinggan nito ang kanyang pangitain.
Noong una ay binalewala lamang ng mangangaral ang pangitain. May mga tao noon na nagsasabi na paminsan-minsan ay nakakakita sila ng mga pangitain mula sa langit.14 Ngunit pagkatapos ay nagalit siya at naging depensibo, at sinabi niya kay Joseph na ang kanyang kuwento ay mula sa diyablo. Ang mga araw ng mga pangitain at paghahayag ay matagal nang huminto, sabi niya, at hindi na babalik ang mga ito.15
Nagulat si Joseph, at hindi nagtagal ay nalaman niya na walang maniniwala sa kanyang pangitain.16 Bakit naman sila maniniwala sa kanya? Labing-apat na taong gulang lamang siya at halos walang pinag-aralan. Nagmula siya sa isang maralitang pamilya at inaasahang iuukol ang buong buhay niya sa pagsasaka at sa kung anu-ano pang pinagkakakitaan upang kumita nang kaunti.
Subalit, ang kanyang patotoo ay ikinabagabag ng ilang tao na humantong sa panlalait sa kanya. Lubos na nakapagtataka, naisip niya, na ang isang simpleng bata na di-kilala sa daigdig ay makakaakit ng pinakamapait na pang-uusig at panlalait. “Bakit ako inuusig sa pagsasabi ng katotohanan?” nais niyang itanong. “Bakit iniisip ng sanlibutan na ipagkakaila ko ang tunay kong nakita?”
Pinag-isipan ni Joseph ang mga tanong na ito sa buong buhay niya. “Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan ay kinausap nila ako,” ikinuwento niya kalaunan, “at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo.”
“Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito’y alam ng Diyos,” pagpapatotoo niya, “at ito’y hindi ko maipagkakaila.”17
Nang mapagtanto ni Joseph na ang pagbabahagi ng kanyang pangitain ay nagdulot lamang ng pagtuligsa sa kanya ng mga kapitbahay, itinago na lamang niya ito sa kanyang sarili, kuntento sa kaalamang ipinagkaloob ng Diyos sa kanya.18 Kalaunan, matapos siyang lumipat mula sa New York, sinubukan niyang itala ang mga sagradong karanasan niya sa gubat o kakahuyan. Inilarawan niya ang kanyang pananabik para sa kapatawaran at ang babala ng Tagapagligtas sa mundong nangangailangan ng pagsisisi. Siya mismo ang nagsulat nito, sa simple at hindi perpektong pananalita, masigasig na sinusubukang maisalaysay ang kadakilaan ng sandaling iyon.
Sa sumunod na mga taon, isinalaysay niya ang pangitain nang mas hayagan, na nakaganyak ng mga eskriba na makakatulong sa kanyang ipahayag nang mas mainam ang lahat ng hindi maipaliwanag. Isinalaysay niya ang kanyang pagnanais na matagpuan ang totoong simbahan at inilarawan na unang nagpakita ang Diyos Ama upang ipakilala ang Kanyang Anak. Hindi niya gaanong itinala ang kanyang paghahanap ng kapatawaran bagkus ay mas itinala niya ang pangkalahatang mensahe ng Tagapagligtas ukol sa katotohanan at ang pangangailangan na maipanumbalik ang ebanghelyo.19
Sa bawat pagsisikap na itala ang kanyang karanasan, nagpatotoo si Joseph na narinig at sinagot ng Panginoon ang kanyang panalangin. Bilang isang binata, nalaman niya na ang simbahan ng Tagapagligtas ay wala na sa mundo. Ngunit nangako ang Panginoon na magpapahayag ng marami pa tungkol sa Kanyang ebanghelyo sa takdang panahon. Kaya nagpasiya si Joseph na magtiwala sa Diyos, manatiling tapat sa kautusan na natanggap niya sa kakahuyan, at matiyagang maghintay para sa karagdagang tagubilin.20