Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Abril: Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa mga Huling Araw


Abril

Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa mga Huling Araw

“Aking ipinadala ang kabuuan ng aking ebanghelyo sa pamamagitan ng kamay ng aking tagapaglingkod na si Joseph” (D at T 35:17).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Nang mamatay si Jesucristo at ang Kanyang mga Apostol, ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay nangawala.

Tukuyin ang doktrina (pagtalakay): Magpabanggit sa mga bata ng ilang bagay na itinuro ni Jesucristo noong narito Siya sa mundo. Ipakita ang larawan na inoordenan ni Cristo ang mga Apostol. Ipaliwanag na nang si Cristo ay mamatay at mabuhay na mag-uli, itinuro ng Kanyang mga Apostol ang ebanghelyo, ngunit maraming taong ayaw makinig sa kanila; hindi nagtagal, namatay ang mga Apostol, at hindi na itinuro pa ang ilang mahahalagang katotohanan tungkol sa ebanghelyo. Isulat sa pisara ang “Nang mamatay si Jesucristo at ang Kanyang mga Apostol, ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay nangawala,” at pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagbigkas nito.

mga batang nagdodrowing

Sa pagdodrowing ay naipapahayag ng mga bata ang pagkaunawa nila sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Gustung-gustong makita ng mga bata na ginagamit ang kanilang larawan bilang mga visual aid.

Maghikayat ng pag-unawa (pagdodrowing ng mga larawan): Isulat sa pisara ang ilang alituntunin ng ebanghelyo na nangawala o binago noong panahon ng Apostasiya (halimbawa, binyag, priesthood, mga templo, mga buhay na propeta, at ang sacrament). Hatiin ang mga bata sa maliliit na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng kapirasong papel na may nakasulat na isang alituntunin ng ebanghelyo, at magpadrowing sa mga bata ng isang larawang kakatawan sa alituntuning iyon. Ipalagay sa isang bata mula sa bawat grupo ang kanilang larawan sa pisara. Ipaliwanag na noong nasa mundo si Cristo, itinuro Niya ang lahat ng mahahalagang katotohanang ito ng ebanghelyo. Papikitin ang mga bata. Alisin ang lahat ng larawan at itago ang mga ito. Pagkatapos ay pagmulatin ng mga mata ang mga bata. Ipaliwanag na ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay nangawala nang mamatay si Jesucristo at ang Kanyang mga Apostol. Sabihin sa mga bata na ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith. Palitan ang mga larawan, at magpatotoo na nasa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lahat ng katotohanang nangawala noon. (Itabi ang mga larawan para magamit sa ika-4 na linggo.)

Linggo 2: Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith.

Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa isang larawan): Takpan ang isang larawan ng Unang Pangitain gamit ang mas maliliit na piraso ng papel. Isa-isang ipaalis sa mga bata ang mga piraso ng papel. Ipataas nang tahimik sa mga bata ang kanilang kamay kapag alam nila kung anong larawan iyon. Pagkatapos maalis ang lahat ng piraso ng papel, hilingin sa mga bata na sabihin sa inyo ang nagaganap sa larawan.

Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Ipakita sa mga bata kung saan nila mababasa sa mga banal na kasulatan ang paglalarawan ni Joseph Smith ng kanyang naranasan sa Sagradong Kakahuyan (Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–19). Basahin o ipabasa sa ilang bata ang ilang talatang naglalarawan sa nangyari. Maaari ninyong pagawin ng mga simpleng aksiyon ang nakababatang mga bata, tulad ng pagtayo at pag-uunat ng mga kamay pataas na parang mga puno o paghalukipkip na para silang nagdarasal. Itanong sa mga bata kung ano ang madarama nila kung nakita nilang nagpakita at nakipag-usap ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith. Talakayin ang kahalagahan ng pangyayaring ito.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng mga patotoo): Ipakanta sa mga bata ang “Ang Sagradong Kakahuyan” (AAP, 145). Pagkatapos ay magpatotoo na nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith. Anyayahan ang ilang bata na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Unang Pangitain.

Linggo 3: Ang awtoridad ng priesthood ay ipinanumbalik ng mga sugo ng langit.

Tukuyin ang doktrina (pagkanta ng isang awitin): Itanong sa mga bata kung paano nila ibabalita ang isang bagay na napakahalaga. Ipaliwanag na noong araw ay hinihipan ang mga trumpeta kapag may mahalagang bagay na ibabalita. Papikitin ang mga bata at ipaisip sa kanila na kunwari ay mga trumpeta ang naririnig nila habang tumutugtog ang piyanista ng “Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik” (AAP, 60). Ipakanta sa mga bata ang awitin at ipatuklas ang mahalagang mensaheng ibinabalita ng awiting ito. Ipapaliwanag sa ilang bata ang ibig sabihin ng awitin.

Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa mga panauhing tagapagsalita): Ipakita sa mga bata ang mga larawan ng pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood at ng pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood. Anyayahan ang isang mayhawak ng Aaronic Priesthood na ibahagi nang maikli ang kuwento ng pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood (tingnan sa D at T 13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72). Pagkatapos ay ipakuwento sa isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood sa mga bata (tingnan sa D at T 27:12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:72). Muling ipakita ang mga larawan, at ipasabi sa mga bata ang pangalan ng mga taong nasa larawan.

Mga mayhawak ng Melchizedek at Aaronic Priesthood

Ang mga panauhing tagapagsalita ay makapagdaragdag ng kaibhan at saya sa Primary.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng mga patotoo): Pasulatin ang bawat klase sa isang papel ng isang bagay na mayroon tayo ngayon dahil naipanumbalik ang Aaronic Priesthood (halimbawa, binyag at sakramento) at isang bagay na mayroon tayo dahil naipanumbalik ang Melchizedek Priesthood (halimbawa, kumpirmasyon at mga pagbabasbas sa maysakit). Ipabahagi sa ilang mga bata ang kanilang isinulat. Ipahayag ang inyong pasasalamat sa mga pagpapalang nagmumula sa ating Ama sa Langit dahil sa panunumbalik ng priesthood.

Linggo 4: Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon at ipinanumbalik ang mga katotohanan ng ebanghelyo.

Tukuyin ang doktrina at maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay): Bago magsimula ang Primary, isulat sa isang papel ang “Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon at ipinanumbalik ang mga katotohanan ng ebanghelyo,” at gupitin ang papel sa pira-pirasong puzzle. Sa likod ng bawat piraso ng puzzle, isulat ang pangalan ng isang tao o bagay na may kaugnayan sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon (halimbawa, Joseph Smith, Urim at Tummim, anghel Moroni, mga laminang ginto, kapangyarihan ng Diyos, at Oliver Cowdery). Bigyan ang bawat klase ng isa sa mga piraso ng puzzle, at ipatalakay sa kanila kung paano nauugnay ang bagay o tao na nasa likod ng piraso sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Papuntahin ang bawat klase sa harapan ng silid, ipabahagi ang kanilang tinalakay, at ipalagay ang kanilang piraso ng puzzle sa pisara. Kapag kumpleto na ang puzzle, sabay-sabay ninyong basahin ang pangungusap.

puzzle

Ang puzzle ay makukuha sa sharingtime.lds.org

Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa panauhing tagapagsalita): Paganapin ang isang mayhawak ng priesthood bilang Joseph Smith at ipakuwento sa kanya kung paano niya isinalin ang Aklat ni Mormon. Ibigay sa kanya ang ilan sa mga larawang idinrowing ng mga bata noong linggo 1 at ipabahagi sa kanya kung paano ipinanumbalik ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith. Maaari siyang magsuot ng simpleng costume, tulad ng itim na bow tie. Ipahubad sa kanya ang costume at ipabigay ang kanyang patotoo tungkol kay Joseph Smith.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng mga ideya): Patayuin ang mga bata kung mababanggit nila ang isang katotohanan ng ebanghelyo na nawala at ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith. Ipabahagi sa ilang bata ang kanilang mga ideya. Magpatotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at sa Aklat ni Mormon.