Hunyo
Susundin Ko ang Plano ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Pagpapabinyag at Pagpapakumpirma
“Magsilapit sa akin, at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay tumanggap ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan, at mapuspos ng Espiritu Santo” (3 Nephi 30:2).
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Susundin ko si Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagpapakumpirma at pagtupad sa aking mga tipan sa binyag.
Bago magsimula ang Primary, gumupit ng dalawang malalaking bakat ng paa mula sa magkaibang kulay ng papel. Isulat sa isa ang “pagpapabinyag at pagpapakumpirma” at sa isa pa ang “at pagtupad sa aking mga tipan sa binyag.” Maghanda ng ilang mas maliliit na bakat ng paa sa ginamit na dalawang kulay ng papel. Isulat ang isa sa mga sumusunod sa bawat bakat ng paa sa unang kulay: 8 taong gulang, magsisi, magpainterbyu sa bishop, paglulubog sa tubig, awtoridad ng priesthood, tipan, puting kasuotan, Espiritu Santo. Sa bawat maliit na bakat ng paa sa pangalawang kulay, isulat ang isa sa mga pamantayan mula sa “Mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo.” Ilagay nang hindi sunud-sunod ang lahat ng maliliit na bakat ng paa sa paligid ng silid.
Tukuyin ang doktrina: Isulat sa pisara ang “Susundin ko si Jesucristo sa pamamagitan ng …” Ilagay sa pisara ang malalaking bakat ng paa, nang paisa-isa, at basahin ang mga ito nang sabay-sabay. Ipaliwanag na ang mga ito ay mahahalagang hakbang sa plano ng Ama sa Langit. Kung kailangan, ipaunawa sa mga bata kung ano ang tipan sa binyag.
Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (paglalaro ng pagtutugma): Magpahanap sa isang bata ng isa sa mga bakat ng paa sa unang kulay. Ipabasa sa kanya ang salita o pariralang nasa bakat ng paa at ipalagay ito sa pisara sa ilalim ng katugmang malaking bakat ng paa. Itanong sa mga bata kung ano ang kinalaman nito sa binyag at kumpirmasyon. Ulitin sa lahat ng bakat ng paa sa unang kulay.
Magpahanap sa isang bata ng isang bakat ng paa sa pangalawang kulay. Ipabasa sa kanya ang salita o pariralang nasa bakat ng paa at ipalagay ito sa pisara sa ilalim ng katugmang malaking bakat ng paa. Talakayin kung paano matutulungan ang mga bata na matupad ang kanilang mga tipan sa binyag sa pamamagitan ng pamumuhay ng pamantayan ng ebanghelyo na nakalista sa bakat ng paa. Ulitin sa iba pang mga bakat ng paa.
Linggo 2: Kung mamumuhay ako nang karapat-dapat, tutulungan ako ng Espiritu Santo na piliin ang tama.
Tukuyin ang doktrina (pagkanta ng isang awitin): Itanong sa mga bata kung anong kaloob ang ibinibigay sa atin matapos tayong binyagan. Kantahin ang ikalawang talata ng “Ang Espiritu Santo” (AAP, 56). Bago kayo kumanta, hilingin sa mga bata na pakinggan ang sagot sa sumusunod na tanong: Ano ang nagagawa natin sa tulong ng Espiritu Santo? Ipaunawa sa mga bata na ang marahan at banayad na tinig ay ang Espiritu Santo at na tinutulungan Niya tayong piliin ang tama.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtingin sa isang pakay-aralin): Ipaliwanag na kailangan tayong matutong makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pakikinig sa mga ideya sa ating isipan at sa nadarama natin sa ating puso (tingnan sa D at T 8:2). Magpalagay sa isang bata ng barya sa babasaging garapon at ipaalog ito. Hayaang obserbahan ng mga bata kung gaano kalinaw nila maririnig ang tunog. Padagdagan sa mga bata ng isang kutsarang lupa, bigas, buhangin, o mga cotton ball ang garapon. Matapos ilagay ang isang kutsara ng bawat isa nito, muling ipaalog sa bata ang garapon, at hayaang sabihin ng mga bata kung paano nito naapektuhan ang tunog. Patuloy na magdagdag ng isang kutsara ng mga ito hanggang sa hindi na marinig ng mga bata ang tunog ng barya. Ihalintulad ito sa hirap na makinig sa Espiritu Santo kapag puno ng mga gambala o kasalanan ang ating buhay. Alisan ng laman ang garapon at ipakita kung gaano kalinaw nila muling maririnig ang barya. Magpatotoo na ang pagsunod sa mga utos at pagsisisi sa ating mga kasalanan ay tumutulong sa atin na marinig ang Espiritu Santo.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng mga ideya): Hatiin ang mga bata sa mga grupo at ipapasa sa bawat grupo ang isang maliit na bagay habang kinakanta o sinasambit ninyo ang mga titik ng “Ang Espiritu Santo.” Tumigil maya’t maya at magpasabi sa bawat batang may hawak sa bagay na iyon ng isang bagay na magagawa nila para mas malinaw na marinig ang Espiritu Santo. Magtapos sa pagkanta nang sabay-sabay ng “Ang Espiritu Santo.”
Linggo 3: Kapag tumatanggap ako ng sakramento, pinaninibago ko ang aking mga tipan sa binyag.
Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa mga larawan): Magpakita ng larawan ng binyag at larawan ng sakramento at itanong kung paano nagkakaugnay ang dalawang larawan. Ipaalala sa mga bata na nakikipagtipan tayo sa Ama sa Langit kapag tayo ay nabinyagan, at ipaliwanag na kapag tumatanggap tayo ng sakramento ay pinaninibago natin ang ating mga tipan sa binyag.
Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig at pagtalakay): Anyayahan ang mga bata na ituro ang kanilang sarili o ang langit para tukuyin kung sino ang nangangako habang binabasa ninyo ang sumusunod na mga pahayag mula sa panalangin sa sakramento (tingnan sa D at T 20:77): “taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak”; “lagi siyang alalahanin”; “susundin ang kanyang mga kautusan”; “sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu.” Talakayin ang kahulugan ng bawat parirala.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pag-akto): Pag-isipin ang mga bata ng isang aksiyong magpapaalala sa kanila ng bawat bahagi ng tipan na naririnig natin sa panalangin sa sakramento, tulad ng paglalagay ng kanilang kamay sa tapat ng kanilang puso (taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak); pagturo sa noo (lagi siyang alalahanin); pagbubukas ng kanilang mga kamay na parang isang aklat (susundin ang kanyang mga kautusan); at pagyakap sa kanilang sarili (sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu). Ilang beses na uliting lahat ang apat na pangako nang may aksiyon. Hikayatin ang mga bata na isipin nila ang mga aktong ito kapag narinig nila ang mga panalangin sa sakramento.
Linggo 4: Kapag ako ay nagsisi, ako ay maaaring mapatawad.
Tukuyin ang doktrina (pag-aayos ng mga salita): Ipapaliwanag sa mga bata ang kahulugan ng mga salitang magsisi at magpatawad. Bigyan ang bawat klase ng isang sobreng may magkakahiwalay na papel na may nakasulat na: Kapag, ako, ay nagsisi, ako, ay, maaaring, mapatawad. Ipaayos sa bawat klase ang kanilang mga salita sa tamang pagkakasunud-sunod. Kapag tapos na sila, ipaulit sa lahat ng bata ang pangungusap nang sabay-sabay.
Maghikayat ng pag-unawa (pagsasadula ng isang kuwento sa banal na kasulatan): Ikuwento ang alibughang anak (tingnan sa Lucas 15:11–24) sa sarili ninyong mga salita, gamit ang mas maraming aksiyon hanggang maaari (halimbawa, itaas ang dalawang daliri para kumatawan sa dalawang anak na lalaki, at haplusin ang inyong tiyan para kumatawan sa gutom). Anyayahan ang mga bata na pakinggan ang kuwento at tahimik na gayahin ang inyong mga aksiyon. Magpakita ng isang larawang kumakatawan sa alibughang anak at itanong kung paano naging kagaya ng ating Ama sa Langit ang ama sa kuwento. Ipaliwanag na kagaya ng ama, mahal tayo ng ating Ama sa Langit at nais Niya tayong makabalik sa Kanya; patatawarin niya tayo sa lahat ng ginagawa nating mali kung magsisisi tayo.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabasa ng isang talata sa banal na kasulatan): Ipabasa sa isang bata ang Mosias 26:30. Hilingin sa mga bata na pakinggan kung gaano kadalas maaaring mapatawad ang isang tao. Ipaisip sa kanila nang tahimik kung ano ang gagawin nila sa susunod na gumawa sila ng mali.