Oktubre
Ibabahagi Ko ang Ebanghelyo sa Lahat ng Anak ng Diyos
“Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16).
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Ang pamumuhay sa ebanghelyo ay tumutulong sa akin na maging misyonero ngayon.
Tukuyin ang doktrina at maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa isang kuwento): Magdispley ng isang larawan ng mga misyonero. Itanong sa mga bata kung ano ang ginagawa ng mga misyonero. Ibahagi ang sumusunod na kuwento o isang kuwento mula sa Friend o Liahona: “Isang araw ay kumatok ang dalawang misyonero sa pintuan ng isang tahanan. Isang babaeng nagngangalang [Mrs]. James ang nagbukas ng pinto. Sinabi ng mga misyonero sa kanya na sila ay mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinapasok ni [Mrs.] James ang mga misyonero at sinabi sa kanilang nais niyang malaman ang higit pa tungkol sa Simbahan. … Sinabi ni [Mrs.] James [sa mga misyonero] na dati ay may kapitbahay siyang isang mag-anak na kasapi ng Simbahan. Sinabi niya na ang mga bata sa mag-anak na iyon ay palaging magagalang at mababait. Sila ay nakikipaglaro nang patas sa lahat at iginalang ang ari-arian ng ibang mga tao. Sinabi ni [Mrs.] James na nais niyang malaman ang tungkol sa isang simbahan na nagturo sa mga batang iyon na maging gayon kabuting mga kapitbahay” (Primarya 2, 60). Itanong: “Paano naging mga misyonero ang mga batang kapitbahay ni Mrs. James?” Ipaliwanag na tuwing ipinamumuhay natin ang ebanghelyo tayo ay nagiging mga misyonero. Pasabayin ang mga bata sa inyo sa pagsasabi ng “Ang pamumuhay sa ebanghelyo ay tumutulong sa akin na maging misyonero ngayon,” na binibigyang-diin ang salitang ngayon.
Linggo 2: Ang pamumuhay sa ebanghelyo ay tumutulong sa akin na maging misyonero ngayon.
Maghikayat ng pag-unawa (pagkanta ng isang awitin at pagtalakay sa mga pamantayan ng ebanghelyo): Gumawa ng 13 card, na bawat isa ay may nakasulat na “Mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo” (tingnan sa “Oras ng Pagbabahagi: Sundin ang mga Utos,” Liahona, Hunyo 2006, K4). Ipamigay ang mga card sa mga bata, at ipapasa sa kanila ang mga card sa isa’t isa habang kumakanta ang lahat ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (AAP, 90). Kapag natapos ang awitin, ipabasa nang malakas ang pamantayan sa bawat batang may hawak ng isang card pagkatapos ay ipasabi kung paano siya matutulungan ng pamumuhay ng pamantayang iyon na maging misyonero ngayon. Ulitin, gamit ang iba’t ibang card sa tuwina.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagtatakda ng mga mithiin): Papiliin ang bawat bata ng isang pamantayan sa ebanghelyo na sisikapin nilang ipamuhay nang mas mabuti sa darating na linggo. Pasulatin o pagdrowingin sila ng isang larawan ng pamantayan sa kapirasong papel at patingnan ito sa kanila bawat araw bilang paalala. Ipaulat sa kanila ang kanilang mga naranasan sa susunod na linggo sa Primary.
Linggo 3: Maibabahagi ko ang ebanghelyo sa aking pamilya at mga kaibigan.
Tukuyin ang doktrina (pakikinig sa isang kuwento): Bago magsimula ang Primary, basahin ang mensahe ni Elder Robert C. Oaks sa kumperensya noong Oktubre 2000 na, “Pagbabahagi ng Ebanghelyo” (tingnan sa Liahona, Ene. 2001, 95–97). Isalaysay sa mga bata ang kuwento tungkol sa orange juice. Ipaliwanag na mas kasiya-siya ang ebanghelyo kaysa orange juice at dapat natin itong ibahagi sa iba. Ipasabi sa mga bata ang, “Maibabahagi ko ang ebanghelyo sa aking pamilya at mga kaibigan.”
Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa isang panauhing tagapagsalita): Anyayahan ang isang misyonero o returned missionary na magsalita tungkol sa mga paraan na maibabahagi ng mga bata ang ebanghelyo sa iba (tulad ng pagiging mabubuting halimbawa, pag-anyaya sa mga kaibigan sa Primary, at pagbabahagi ng kanilang patotoo) at kung paano natutulungan ang Ama sa Langit at ang mga misyonero sa mga pagsisikap nilang ibahagi ang ebanghelyo.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pakikinig sa isang kuwento at pagbabahagi ng mga ideya): Ipaalala sa mga bata na maaari silang maging mga misyonero ngayon. Magbahagi ng isang pagkakataon na naibahagi ninyo o ng isang taong kakilala ninyo ang ebanghelyo. Patayuin nang paisa-isa ang mga bata at ipasabi sa bawat isa ang isang salita sa pangungusap na “Maibabahagi ko ang ebanghelyo.” Pag-isipin ang batang nagsabi ng “ebanghelyo” ng isang paraan na maibabahagi niya ang ebanghelyo sa kanyang pamilya o mga kaibigan. Ulitin kung may oras pa.
Linggo 4: Lumalakas ang aking patotoo kapag ibinabahagi ko ang ebanghelyo.
Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa isang pakay-aralin): Punuin ng tubig ang isang malinaw na lalagyan. Ipaliwanag na tuwing ibabahagi natin ang ebanghelyo, lalong lumalakas ang ating patotoo. Lagyan ng isang patak ng food coloring ang lalagyan. Magbigay ng ilang halimbawa kung paano natin maibabahagi ang ebanghelyo, na nagdaragdag ng isa pang patak ng food coloring na iyon para sa bawat halimbawa. Ituro na tulad ng pagtindi ng kulay nito sa bawat patak ng food coloring, lalong lumalakas ang ating patotoo tuwing ibabahagi natin ang ebanghelyo.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa mga patotoo): Ilagay sa isang bag ang mga sumusunod: isang larawan ni Jesucristo, isang larawan ni Joseph Smith, isang larawan ng kasalukuyang propeta, isang Aklat ni Mormon, at ang mga salitang “totoong Simbahan.” Isulat sa pisara ang salitang patotoo, at itanong sa mga bata kung ano ang patotoo. Talakayin ang kanilang mga sagot. Ikuwento ang sumusunod: “May isang batang babaeng takot magpatotoo dahil hindi siya sigurado sa kanyang nadarama. Pero alam niyang mahalaga iyon, kaya isang araw ay buong tapang siyang tumayo at nagpatotoo, at inisa-isa ang limang bagay na pinaniniwalaan niya. Nang matapos siya, gumanda ang pakiramdam niya at nalaman niyang lumakas pa ang kanyang patotoo.” Ipatuklas sa mga bata ang limang bagay na pinatotohanan niya sa pamamagitan ng pagkuha sa mga bagay mula sa bag na inihanda ninyo. Talakayin ang bawat bagay, at idispley ang mga ito sa harapan ng silid.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng mga halimbawa): Tulutang magbahagi ang bawat bata ng isang halimbawa kung paano niya maibabahagi ang ebanghelyo. Tuwing may babanggitin ang isang bata, magdagdag ng isang patak ng food coloring sa lalagyan ng tubig para ipakita na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay magpapalakas sa mga patotoo. (Kung malaki ang bilang ng inyong Primary, magagawa ninyo ito sa mga grupo para magkaroon ang bawat bata ng pagkakataong magbahagi ng mga ideya.)