Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Nobyembre: Pasalamatan Natin ang Diyos sa Lahat ng Bagay


Nobyembre

Pasalamatan Natin ang Diyos sa Lahat ng Bagay

“Sila ay inutusan niya na … bawat araw sila ay nararapat magbigay-pasalamat sa Panginoon nilang Diyos” (Mosias 18:23).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Nagpapasalamat ako para sa aking katawan, at alam ko na ito ay isang templo.

Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa mga larawan at pagbabasa ng isang talata sa banal na kasulatan): Magdispley ng larawan ng isang bata at ng larawan ng isang templo. Sabay-sabay na basahin nang malakas ang I Mga Taga Corinto 3:16. Itanong: “Ano ang natutuhan natin tungkol sa ating katawan mula sa talatang ito?” Isulat sa pisara ang “Ang aking katawan ay isang templo.”

Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Talakayin ang mga paraan na ipinapakita natin sa Ama sa Langit na nagpapasalamat tayo para sa ating katawan; halimbawa, pinangangalagaan at pinananatili natin itong malinis. Ipaliwanag na pinayuhan tayo ng mga propeta na pangalagaan ang ating katawan sa pamamagitan ng hindi paninigarilyo, pag-inom ng alak o paggamit ng ilegal na droga, o pagpapatato. Hatiin ang mga bata sa mga grupo, at ipabasa at ipatalakay sa bawat grupo ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan: Doktrina at mga Tipan 88:124; 89:7, 8, 9, 10–11, 12, 16–17. Ipabahagi sa bawat grupo ang natutuhan nila sa mga talatang ito kung paano nila mapangangalagaan ang kanilang katawan.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagtatakda ng isang mithiin): Pasulatin o pagdrowingin ang mga bata ng isang bagay na gagawin nila sa buong linggo para mapangalagaan ang kanilang katawan.

Linggo 2: Nagpapasalamat ako para sa temporal na mga pagpapala.

Tukuyin ang doktrina: Isulat sa pisara ang, “Nagpapasalamat ako para sa temporal na mga pagpapala.” Ipaulit sa mga bata ang pangungusap. Ipaliwanag na ang temporal na mga pagpapala ay mga pagpapalang ating nakikita, nahahawakan, naririnig, nalalasahan, o naaamoy.

Maghikayat ng pag-unawa (paglalaro ng hulaan): Magdispley ng mga bagay o larawang kumakatawan sa ilan sa ating temporal na mga pagpapala (halimbawa, mga katawan, tahanan, pagkain, tubig, damit, kalusugan, ang araw, ang buwan, mga bituin, ang daigdig, mga hayop, halaman, pamilya, kaibigan, laruan, aklat, at paaralan). Magbigay ng mga clue na naglalarawan ng isa sa mga pagpapala, at pahulaan sa mga bata kung aling pagpapala ang inilalarawan ninyo. Para sa nakatatandang mga bata, isulat ang bawat isa sa mga pagpapala sa magkakahiwalay na kapirasong papel at ilagay ang mga papel sa isang lalagyan. Papiliin ng isa ang isang bata at bigyan ng mga clue tungkol dito ang iba pang mga bata. Kapag nahulaan ng mga bata ang pagpapala, isulat ito sa pisara, at ipabahagi sa isang bata kung bakit siya nagpapasalamat para dito.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng mga ideya): Ipaisip sa mga bata kung ano ang magagawa nila upang magpakita ng pasasalamat para sa isa sa mga pagpapalang tinalakay ninyo. Ipabahagi sa ilang bata ang kanilang mga ideya.

mga batang naglalaro

Matututo nang mas mabisa ang mga bata kapag iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo ang ginagamit. Pumili ng mga aktibidad at pamamaraan sa pagtuturo na makasasali ang lahat ng bata.

Linggo 3: Nagpapasalamat ako para sa espirituwal na mga pagpapala.

Tukuyin ang doktrina at maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Maghanda ng isang regalo na nasa loob ang larawan ng Tagapagligtas at ang reperensyang ito sa banal na kasulatan: Moroni 10:8–17. Isulat sa pisara ang, “Nagpapasalamat ako para sa espirituwal na mga pagpapala.” Ipaliwanag na maraming espirituwal na pagpapalang maaaring ibigay sa atin ang Panginoon; ibinibigay Niya sa atin ang mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Pabuksan sa isang bata ang regalo at ipakita ang nilalaman nito. Ipahanap sa mga bata ang talata at ang espirituwal na mga pagpapalang maibibigay sa atin ng Panginoon, at isulat sa pisara ang mga ito. Talakayin ang ilan sa mga pagpapalang ito, at ipaliwanag na dapat nating gamitin ang mga ito para tulungan ang iba.

batang nagbubukas ng regalo

Linggo 4: Dapat nating pasalamatan ang Ama sa Langit para sa lahat ng pagpapala sa atin.

Tukuyin ang doktrina: Magpakita sa mga bata ng isa o dalawang bagay na naibigay sa inyo ng isang tao. Ipaliwanag na ang mga regalong ito ay mahalaga sa inyo at na nasabi ninyong “Salamat” para sa mga ito. Magpabahagi sa mga bata ng iba pang mga paraan na maipapakita natin ang ating pasasalamat para sa mga regalong ating natatanggap. Itanong sa mga bata kung sino ang dapat nating pasalamatan para sa lahat ng pagpapala sa atin. Talakayin ang mga dahilan kung bakit dapat nating pasalamatan ang Ama sa Langit para sa lahat ng pagpapala sa atin.

maliliit na grupo

Kapag pinagbahagi natin ang mga bata sa maliliit na grupo, mas maraming bata ang nabibigyan ng pagkakataong makilahok. Makatutulong ang mga guro na matiyak na nakikilahok ang lahat at nananatili silang mapitagan.

Maghikayat ng pag-unawa (paggawa ng mga listahan): Sa limang magkakahiwalay na sako, maglagay ng isang papel, bolpen, at isa sa mga sumusunod: larawan ng isang meetinghouse ng Simbahan, isang damit, mga banal na kasulatan, larawan ng isang pamilya, at larawan ng Tagapagligtas. Hatiin ang mga bata sa mga grupo, at bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga sako. Patingnan sa bawat grupo ang nasa loob ng kanilang sako at ipasulat sa papel ang isang paraan na maipapakita nila ang pasasalamat para dito. Pagkatapos ay ipabalik sa kanila ang bagay, papel, at bolpen sa sako at ipapasa ito sa ibang grupo. Hayaang magpalitan ng sako ang bawat grupo, at pagkatapos ay ipabahagi sa bawat grupo ang nakasulat sa listahang nasa kanilang sako.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng mga ideya): Ipabahagi sa ilang bata ang natutuhan nila sa aktibidad na ito at ang gagawin nila para maipamuhay ito.