Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Pebrero: Ang Mundo ay Nilikha para sa mga Anak ng Ama sa Langit


Pebrero

Ang Mundo ay Nilikha para sa mga Anak ng Ama sa Langit

“Tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan; at susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:24–25).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Nilikha ni Jesucristo ang mundo sa ilalim ng patnubay ng Ama sa Langit.

Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa mga larawan): Ipakita ang isang larawan ng mundo at itanong sa mga bata kung sino ang lumikha ng mundo. Ipaliwanag na nilikha ni Jesucristo ang mundo sa ilalim ng patnubay ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay ipakita ang isang larawan ni Jesucristo at ipasabi sa mga bata ang, “Nilikha ni Jesucristo ang mundo.”

Maghikayat ng pag-unawa (pagdodrowing ng mga larawan): Sabihin sa mga bata na bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit na malikha ang isang mundo kung saan magkakaroon tayo ng katawan para umunlad tayo at matuto. Magdrowing sa pisara ng anim na bilog na may bilang. Hatiin ang mga bata sa anim na grupo, at ipabasa sa bawat grupo ang isa sa sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan tungkol sa anim na araw ng Paglikha: Genesis 1:1–5 (araw 1); Genesis 1:6–8 (araw 2); Genesis 1:9–13 (araw 3); Genesis 1:14–19 (araw 4); Genesis 1:20–23 (araw 5); Genesis 1:24–31 (araw 6). Papuntahin ang bawat grupo nang paisa-isa sa harapan ng silid, sabihin sa iba pang mga bata kung ano ang nangyari sa araw na nabasa nila, at magdrowing ng isang larawan na kumakatawan sa araw na iyon sa kaukulang bilog. Basahin ang Genesis 2:1–3 nang sabay-sabay. Repasuhin sa mga bata ang nangyari sa bawat araw ng Paglikha.

mga araw ng Paglikha

Linggo 2: Ang Pagkahulog ay bahagi ng plano ng Diyos.

Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa isang larawan): Ipakita ang isang larawan nina Adan at Eva. Sabihin sa mga bata na sina Adan at Eva ang unang mga tao na naparito sa mundo at tumanggap ng katawan; inilagay sila sa isang halamanan na tinawag na Eden. Ipaliwanag na nang lisanin nila ang halamanan, naging posible nang maparito tayo sa mundo; ang paglisan nila sa halamanan ay tinatawag na Pagkahulog. Isulat ang “Ang Pagkahulog ay bahagi ng plano ng Diyos” sa pisara, at pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagbigkas nito.

Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa doktrina): Magdrowing ng dalawang bilog sa pisara, at isulat sa isa ang daigdig ng mga espiritu at sa isa naman ang mundo. Ipaliwanag na noong sina Eva at Adan ay nasa Halamanan ng Eden, tayo ay nasa daigdig ng mga espiritu. Ipakita ang larawan ng ilang bata, at idikit ito sa pisara sa bilog na may nakasulat na “daigdig ng mga espiritu.” Ipaliwanag na matapos lisanin nina Eva at Adan ang halamanan, makapaparito na tayo sa mundo. Ipausog sa isang bata ang larawan ng mga bata papunta sa bilog na may nakasulat na “mundo.” Ipaturo pataas ang hinlalaki ng mga bata kung inaakala nilang mabuti ang Pagkahulog, at ipapaliwanag sa isang bata kung bakit mabuti ito.

Maghikayat ng pagsasabuhay (paglalaro ng pagtutugma): Maghanda ng ilang pares ng magkakatugmang parirala na kumakatawan sa mga pagpapalang nararanasan natin sa mortalidad (halimbawa, katawan, mga pamilya, pagpili sa mabuti o masama, mga pagkakataong matuto, kalusugan at karamdaman, kaligayahan at kalungkutan, kagalakan at pasakit). Idikit nang pataob sa pisara ang mga papel. Anyayahang maghalinhinan ang mga bata sa pagpili ng dalawang papel para tingnan kung magkatugma ang mga parirala. Kapag may nagkatugma, talakayin kung bakit isang pagpapala ito.

Linggo 3: Ipinadala ako sa mundo para magkaroon ng katawan at subukin.

binabakat ng guro ang hugis ng isang bata sa pisara

Maaaring ang mga bata ang pinakamainam ninyong mga visual aid.

Ipinadala ako sa mundo para magkaroon ng __________ at subukin.

Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa isang visual): Isulat sa pisara ang, “Ipinadala ako sa mundo para magkaroon ng __________ at subukin.” Papuntahin ang isang bata sa harapan ng silid at ipadrowing sa kanya ang kanyang katawan sa pisara o sa isang malaking papel. Hilingin sa mga bata na sabihin sa inyo kung ano ang nakadrowing (isang katawan). Punan ang patlang at ipabigkas nang sabay-sabay sa mga bata ang pangungusap.

Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (pagsali sa isang pisikal na aktibidad): Gumawa ng spinner na may nakadispley na mga larawan ng ilang bahagi ng katawan (tingnan ang halimbawa sa ibaba). Talakayin ang ilang bagay na magagawa ng ating katawan, at pasabayin sa inyo ang mga bata sa paggawa nito (halimbawa, iwagwag ang inyong mga daliri, ipadyak ang inyong mga paa, at umikot). Ipaliwanag na ang isang dahilan kaya tayo naparito sa mundo ay para subukin at makita kung gagamitin natin ang ating katawan sa pagsunod sa mga turo ng Ama sa Langit. Anyayahang maghalinhinan ang mga bata sa pagpapaikot ng pointer at pagsasabi kung paano nila magagamit ang bahaging iyon ng katawan para sundin ang Ama sa Langit. (Kung hindi kayo makagawa ng spinner, ituro ang iba’t ibang bahagi ng inyong katawan at hilingin sa mga bata na sabihin sa inyo kung paano nila magagamit ang bahaging iyon ng kanilang katawan para sundin ang Ama sa Langit.) Ipakanta sa mga bata ang “Ulo, Balikat, Tuhod at Paa” (AAP, 129).

spinner

Makukuha ang spinner sa sharingtime.lds.org

Linggo 4: Kung susundin ko ang mga kautusan, muli kong makakapiling ang Ama sa Langit.

Tukuyin ang doktrina (pagkanta ng isang awitin): Isulat sa pisara ang, “Kung susundin ko ang mga ______________, muli kong makakapiling ang Ama sa Langit.” Ihuni ang “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (AAP, 68). Patayuin ang mga bata kapag nakilala nila ang awitin at pasabayin sila sa paghuni. Itanong: “Ano ang kailangan nating gawin para makapiling na muli ang Ama sa Langit?” Isulat ang “mga kautusan” sa puwang na nasa pisara. Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagkanta ng awitin.

Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa mga kautusan): Magpabahagi sa ilang bata ng ilang patakarang ginawa ng kanilang mga magulang na nagpapanatiling ligtas sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Itanong: “Ano ang nangyayari kapag sinusunod ninyo ang mga patakaran?” Isulat sa pisara ang kanilang mga ideya. Ipaliwanag na nagpapakita ng pagmamahal ang mga magulang kapag nagtatakda sila ng mga patakaran. Itanong: “Ano ang nangyayari kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Ama sa Langit?” Isulat sa pisara ang ilan sa mga puna ng mga bata. Ipaliwanag na kung mananatili silang ligtas sa pagsunod sa mga patakaran ng kanilang mga magulang, tutulungan din sila ng pagsunod sa mga utos ng Ama sa Langit na manatiling ligtas. Magpatotoo na kung susundin natin ang mga kautusan, makababalik tayo para makapiling Siyang muli.

chart

Makukuha sa sharingtime.lds.org

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Bigyan ang bawat bata ng lapis at papel na hinati sa apat na bahagi, at may nakasulat na isa sa sumusunod na mga reperensya ng banal na kasulatan sa bawat bahagi: D at T 1:37, D at T 10:5, D at T 59:9–10, at D at T 119:4. Ipabasa sa mga bata ang bawat banal na kasulatan nang sabay-sabay, talakayin ang kautusang inilalarawan nito, at ipadrowing sa kanilang papel ang paglalarawan ng kautusang iyon. Kapag tapos na sila, ipabahagi sa mga bata kung paano sila tutulungan ng pagsunod sa mga utos na maghandang makapiling muli ang Ama sa Langit.