Enero
Ako ay Anak ng Diyos, at may Plano Siya para sa Akin
“Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios” (Mga Taga Roma 8:16).
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Ang Diyos ang aking Ama sa Langit. Kilala at mahal Niya ako.
Tukuyin ang doktrina (paglalaro ng hulaan): Sabihin sa mga bata na iniisip ninyo ang isang taong nagmamahal sa atin, nakakikilala sa bawat isa sa atin, tumutulong sa atin, at nakatira sa malayo. Ipahula sa kanila kung sino ang iniisip ninyo (Ama sa Langit). Talakayin ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit. Ipaulit nang sabay-sabay sa mga bata ang “Ang Diyos ang aking Ama sa Langit. Kilala at mahal Niya ako.”
Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Hatiin ang mga bata sa mga grupo. Ipabasa sa bawat grupo ang Enos 1:5, Moises 1:6, at Joseph Smith—Kasaysayan 1:17 at talakayin kung paano tinatawag ng Panginoon ang bawat propeta. Itanong sa mga bata: “Kung bibisitahin kayo ng Ama sa Langit, ano ang itatawag Niya sa inyo?” Magpatotoo na alam ng Diyos ang pangalan ng bawat isa sa atin.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagkanta ng mga awitin): Patayuin ang mga bata nang pabilog at magpasa ng ilang bagay na kumakatawan sa pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak kapag kinanta nila ang “Ako ay Anak ng Diyos” (AAP, 2–3) o “Aking Ama’y Buhay” (AAP, 8). Maaaring kabilang sa mga bagay ang mga banal na kasulatan, isang larawan ng sakramento, isang prutas, o retrato ng isang pamilya. Biglang itigil ang pagkanta at ipabahagi sa mga batang may hawak ng bagay na ipinapasa-pasa ang isang paraan na alam nilang mahal sila ng Diyos. Ulitin kung may oras pa.
Mga Linggo 2 at 3: Ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng kaligayahan.
Tukuyin ang doktrina: Isulat sa kapirasong papel ang, “Ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng kaligayahan.” Ilagay ang papel sa isang lalagyan at balutin ito para magmukhang isang regalo. Itaas ang regalo at sabihin sa mga bata na may isang bagay sa loob na magdudulot sa kanila ng kaligayahan. Hayaang hulaan nila kung ano ito. Pagkatapos ay buksan ang regalo at ipabasa sa isang bata ang pangungusap sa klase. Ipaliwanag na ang Ama sa Langit ay may isang plano para lumigaya tayo at mabuhay na muli sa Kanyang piling.
Maghikayat ng pag-unawa (pagkanta ng isang awitin at pagsagot sa mga tanong): Bigyan ang bawat klase ng isang wordstrip na nasusulatan ng isa sa sumusunod na mga tanong:
-
Ano ang mayroon sa buhay ko, at saan ito nagsimula?
-
Ano ang pinili ko noon, at ano ang dapat kong hangarin?
-
Ano ang dapat kong sundin, at ano ang maaari kong hawakan nang mahigpit?
-
Ano ang madarama ko kung susundin ko ang plano ng Diyos?
Kantahin ang unang dalawang linya ng “Susundin ko ang Plano ng Diyos” (AAP, 86–87), at talakayin ang sagot sa unang tanong. Ulitin ang nalalabing bahagi ng awitin at ang iba pang mga tanong.
Maghikayat ng pag-unawa (pagkumpleto ng isang pangungusap): Maglagay ng mga larawan na nagpapakita ng buhay bago tayo isinilang, buhay na mortal, at kabilang-buhay sa tatlong magkakahiwalay na panig ng silid. Magdrowing ng masayang mukha sa papel. Sabihin sa mga bata na tuwing itataas ninyo ang masayang mukha, dapat nilang sabihing, “Masaya.” Tumayo malapit sa larawan ng buhay bago tayo isinilang at ilarawan ang Kapulungan sa Langit. Kapag maaari, hayaang tapusin ng mga bata ang inyong mga pangungusap sa pagsasabi ng “masaya” habang hawak at itinataas ninyo ang masayang mukha. Halimbawa: “Nais ng Ama sa Langit na tayo ay maging masaya. Sinabi Niya sa atin ang tungkol sa Kanyang plano na ipadala tayo sa mundo at tumanggap ng katawan. Sinabi Niya na maaari tayong maging masaya kung susundin natin ang Kanyang mga kautusan. Alam Niyang kakailanganin natin ang isang Tagapagligtas na tutulong sa atin na maging masaya, dahil walang sinuman sa atin ang perpekto. Nang marinig natin ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit, tayo ay talagang masaya kaya’t nagsigawan tayo sa galak at tuwa!” Ipagpatuloy ang aktibidad na ito habang tinatalakay ninyo ang iba pang aspeto at inilalarawan ang plano ng kaligayahan: “Dumating kayo sa inyong pamilya, at talagang sila ay masaya noong isilang kayo.” “Tayo ay masaya kapag tama ang ating mga pagpili.” “Tayo ay magiging masaya na makapiling ang ating mga pamilya at ang Ama sa Langit at si Jesucristo magpakailanman sa kahariang selestiyal.” Idagdag ang mga detalye ng plano kung angkop sa mga edad at pang-unawa ng mga bata.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagdodrowing ng mga larawan): Bigyan ang bawat bata ng isang papel na may masayang mukha at may nakasulat na “Ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng kaligayahan.” Pagdrowingin sila ng larawan ng isang bagay sa plano ng ating Ama sa Langit na nagpapasaya sa kanila. Magpatotoo na ang plano ng Ama ay para sa ating walang-hanggang kaligayahan.
Linggo 4: Ako ay may kalayaang pumili, at ako ang mananagot sa aking mga pagpili.
Tukuyin ang doktrina: Maghanda ng dalawang wordstrip, isa na nagsasabing “Ako ay may kalayaang pumili” at isa pa na nagsasabing “Ako ang mananagot sa aking mga pagpili.” Hatiin ang mga bata sa dalawang grupo. Papuntahin ang dalawang bata sa harapan ng silid. Pahawakan at ipataas sa isa sa kanila ang unang wordstrip, at patayuin ang isa sa mga grupo at sabihing, “Ako ay may kalayaang pumili.” Pahawakan at ipataas sa isa pang bata ang ikalawang wordstrip, at patayuin ang kabilang grupo at sabihing, “Ako ang mananagot sa aking mga pagpili.” Ulitin nang ilang beses, na ipinapabigkas sa bawat grupo ang bawat parirala.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa mga ibubunga): Itanong sa mga bata kung ano ang magiging bunga kung piliin nilang huwag kumain, hawakan ang mainit na kalan, magsimba, o maging mabait sa iba. Ipaliwanag na mahal tayo ng Ama sa Langit at nais Niyang gumawa tayo ng mabubuting pagpili at tanggapin natin ang mga pagpapala ng mga pagpiling iyon.
Maghikayat ng pagsasabuhay (paglalaro): Isulat sa mga kapirasong papel ang ilang mabubuting pagpili at ilang masasamang pagpili na maaaring magawa ng isang bata. Ilagay ang mga kapirasong papel sa isang lalagyan. Pahanayin ang mga bata sa dalawang linya, isang linya ng “pagpili” at isang linya ng “mga bunga.” Palakarin ang unang bata sa bawat linya papunta sa harap ng silid habang kinakanta ng lahat ang unang linya ng “Piliin ang Tama” (Mga Himno, blg. 145). Pabunutin ang batang nasa linya ng “pagpili” at ipabasa ito sa kanya. Sabihin sa isa pang bata na magbigay ng posibleng bunga ng pagpiling iyon. Ipaturo sa itaas ang hinlalaki ng ibang mga bata kung ito ay mabuting pagpili at ipaturo ito sa ibaba kung hindi maganda ang pagpili. Magpatuloy habang may oras pa.
Mga tulong para sa music leader
Ipakanta sa mga bata ang koro ng “Ako ay Anak ng Diyos” (AAP, 2–3) na kasabay ninyo at pakinggan ang mga titik na naglalarawan ng gusto nilang gawin ng isang tao para sa kanila. Ilista sa pisara ang kanilang mga sagot (akayin, gabayan, sabayan sa paglakad, tulungan, turuan). Magtanong tungkol sa bawat salita. Halimbawa, “Sino ang umaakay sa atin?” o “Bakit gusto ninyong may kasama kayo sa paglalakad?” Patotohanan ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng mga magulang, guro, lider, propeta, mga banal na kasulatan, at Espiritu Santo para tulungan tayong tumahak sa landas pabalik sa Ama sa Langit.