Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Paano Gamitin ang Musika sa Primary


Paano Gamitin ang Musika sa Primary

Ang layunin ng musika sa Primary ay ituro sa mga bata ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga awitin sa Primary ay higit na nagpapasaya sa pag-aaral ng ebanghelyo, nag-aanyaya sa Espiritu, at lumilikha ng mapitagang kapaligiran na napakainam sa pagkatuto (tingnan sa Handbook 2: Administering the Church [2010], 11.2.4).

Kapag naghahandang magturo ng isang awitin, itanong sa sarili: Paano ko maitutuon at mapananatili ang atensyon ng mga bata? Ano ang mga maitatanong ko para maipaunawa sa mga bata ang mensahe ng ebanghelyo sa awitin? Anong mga pamamaraan ang magagamit ko sa pagtuturo ng awiting ito? Ang mga sumusunod ay ilang pamamaraang maaari ninyong subukan. Ang mga halimbawa ay tutulong sa inyo na maituro ang mga awiting iminungkahi sa outline na ito. Para sa karagdagang mga ideya, tingnan sa bahaging Primary ng Serving in the Church sa LDS.org at sa mga bahaging “Paano Gamitin ang Musika sa Primary” sa 2015, 2016, at 2017 outline.

Bigyang-diin ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa awitin.

Isipin ang sumusunod na mga ideya habang itinuturo ninyo ang “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (AAP, 98). Hilingin sa mga bata na pakinggan ang isang bahagi ng plano ng Ama sa Langit kapag kinanta ninyo ang unang linya ng awitin at patayuin sila kapag alam nila kung ano ito (pamilya). Pasabayin ang mga bata sa pagkanta ninyo ng linyang iyon. Ituro na ang mga himig ng “may mag-anak” at “nagmamahalan” ay iisa ang sinusundan, at ipakanta sa mga bata ang mga salitang iyon. Hilingin sa kanila na pakinggan ang susunod na bahagi ng awitin upang malaman kung gaano katagal nila makakapiling ang kanilang pamilya. Kantahin ang pangalawang linya, na binibigyang-diin ang mga salitang “nang walang hanggan.” Pasabayin ang mga bata sa pagkanta ninyo ng linyang iyon, at pagkatapos sabay-sabay ninyong kantahin ang dalawang linya. Hilingin sa mga bata na pakinggan ang isa pang salita sa koro na nangangahulugang “nang walang hanggan.” Kantahin ang, “Mag-anak ay magsasama-sama,” at pasunurin silang kantahin ito sa inyo. Kantahin at pasunurin silang kantahin ang, “Sa plano ng Ama.” Itanong kung ano ang plano ng Ama sa Langit, na ipinaaalala sa mga bata na nais Niya silang makasal sa templo at magkaroon ng sarili nilang mga walang-hanggang pamilya. Tapusin ang pagtuturo ng koro sa pagkanta ng mga parirala at pasunurin sila sa pagkanta nito.

music leader na kumakanta

Para matulungan ang mga bata na matutuhan ang himig ng isang awitin, itaas ang inyong kamay sa pahalang na posisyon, at habang inaawit ang mga salita, itaas ang inyong kamay upang ipahiwatig ang matataas na tono, at ibaba ito upang ipahiwatig ang mabababang tono (PWHDT, 229).

Gumamit ng mga visual aid para matulungan ang mga bata na matutuhan at maalala ang mga salita.

musika

Makukuha ang mga visual sa sharingtime.lds.org

Isipin ang sumusunod na mga ideya habang itinuturo ninyo ang “Kung ang Katabi’y si Cristo” (pahina 28 sa outline na ito):

  • Gumawa ng wordstrip para sa bawat parirala ng awitin, at humanap ng isang larawang kakatawan sa bawat wordstrip. Ilagay ang mga larawan sa isang panig ng silid at ang mga wordstrip sa kabilang panig. Talakayin sa mga bata kung paano maaaring maiba ang kanilang pagkilos kung makita nilang nakatayo ang Tagapagligtas sa kanilang tabi. Kantahin ang awitin, at ipatugma sa mga bata ang mga larawan sa mga salita.

  • Pasabayin ang mga bata sa pagkanta ninyo ng awitin habang nakaturo kayo sa mga larawan.

  • Bigyan ang bawat klase ng isang pariralang kakantahin habang nakatayo, at pagkatapos ay baguhin ang mga parirala hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang bawat klase na kantahin ang bawat parirala.

Gumamit ng angkop na mga aksiyon para makasali ang mga bata at maalala nila ang awitin.

Isipin ang sumusunod na mga ideya habang itinuturo ninyo ang “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (AAP, 16–17). Itanong sa mga bata kung paano nila naipakita ang kanilang pagmamahal sa mga kapamilya. Itanong kung paano naipakita ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal sa kanila. Ipaliwanag na nilikha Niya ang magandang mundong ito para sa kanila dahil mahal Niya sila. Kantahin ang awitin sa mga bata nang paisa-isang parirala, at pasabayin sila sa pagkanta ninyo nito habang inaakto nila ang bawat bahagi: mga ibong humuhuni, nakatingin sa langit, ulan na pumapatak sa kanilang mukha, at kung anu-ano pa. Para sa pangalawang talata, anyayahan silang umakto tulad ng pagturo sa kanilang mga mata, pag-akto na parang paruparo, at pagsalikop ng kanilang mga kamay sa likod ng kanilang mga tainga. Anyayahan silang yakapin ang kanilang sarili kapag kinanta nila ang, “aking buhay,” at tapikin ang kanilang ulo (“isip”), ilagay ang kanilang kamay sa tapat ng kanilang puso (“puso”), at yumuko at humalukipkip (“nagpapasalamat ako”). Ipabalik ang kanilang mga kamay sa tapat ng kanilang puso kapag kinanta nila ang, “Ako ay mahal ng Ama sa Langit.”

mga batang kumakanta