Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Agosto: Pinakikinggan at Sinasagot ng Ama sa Langit ang Aking mga Panalangin


Agosto

Pinakikinggan at Sinasagot ng Ama sa Langit ang Aking mga Panalangin

“Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (D at T 112:10).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Itinuturo sa akin ng mga banal na kasulatan kung paano magdasal.

Tukuyin ang doktrina: Itaas ang mga banal na kasulatan at ipabanggit sa mga bata ang ilan sa mga bagay na natututuhan natin sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga bata na ang isa sa mga bagay na natututuhan natin sa mga banal na kasulatan ay kung paano magdasal.

mga batang nagdarasal

Ang mga bata mismo ay maaaring maging epektibo at kaakit-akit na mga visual. Sa aktibidad na ito, may pagkakataon ang mga bata na ipamalas ang tamang paraan ng pagdarasal.

Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (pakikinig sa isang kuwento sa banal na kasulatan): Ikuwento ang pagtuturo nina Alma at Amulek sa mga Zoramita (tingnan sa Alma 31; 33–34). Anyayahan ang mga bata na i-pantomime ang tamang paraan ng pagdarasal. Itanong sa mga bata kung anong kuwento ang nagtuturo tungkol sa panalangin. Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga bata. Ipatalakay sa mga bata kung paano naaangkop sa kanila ang kuwento.

Linggo 2: Nais ng Ama sa Langit na manalangin ako sa Kanya nang madalas—kahit kailan, kahit saan.

Tukuyin ang doktrina at maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Sabihin sa mga bata na makapagdarasal sila sa Ama sa Langit kahit kailan, kahit saan. Ipahanap sa kanila ang Alma 33:3–9. Basahin nang sabay-sabay ang mga talata at ipataas ang kamay ng mga bata tuwing maririnig nila ang lugar kung saan nanalangin si Zenos. Isulat sa pisara ang mga lugar na ito. Ipaunawa sa mga bata kung ano ang magiging kabuluhan ng mga lugar na ito sa kanila ngayon sa pamamagitan ng paggawa ng mga wordstrip para sa mga makabagong kahalintulad ng mga ito (halimbawa, isang lugar na nadama ninyong kayo ay naliligaw o nag-iisa para sa “ilang”; bakuran, palaruan, o parke para sa “parang”; at mga klase at pulong natin sa simbahan para sa “mga kongregasyon”). Ipatugma sa mga bata ang mga wordstrip sa kaukulang mga salita na nasa pisara.

mga batang sumasagot sa mga tanong

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagtalakay sa panalangin): Hatiin ang mga bata sa mga grupo at ipabahagi ang naranasan nila nang manalangin sila sa mga lugar na binanggit ni Zenos.

mga batang nakatingin sa pisara

Malinaw na ipaalam ang doktrinang matututuhan ng mga bata bawat linggo. Isiping pasabayin sila sa inyo sa pagsasabi nito sa simula ng oras ng pagbabahagi.

Mga linggo 3 at 4: Ang sagot sa mga panalangin ay nagmumula sa Ama sa Langit sa maraming paraan.

Tukuyin ang doktrina (paglalaro): Bago magsimula ang Primary, isulat sa pisara ang, “Ang sagot sa mga panalangin ay nagmumula sa Ama sa Langit sa maraming paraan,” at takpan ang bawat salita ng magkakahiwalay na kapirasong papel. Ipaalis sa isang bata ang isang kapirasong papel, at pahulaan sa mga bata kung ano ang pangungusap. Ulitin hanggang sa malaman ng mga bata ang pangungusap, at ipabasa ito sa kanila nang sabay-sabay.

Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Sabihin sa mga bata na nagdasal si Joseph Smith para malaman kung aling simbahan ang kanyang sasapian. Basahin nang sabay-sabay ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:17 para malaman kung paano sinagot ang kanyang panalangin (sa pagbisita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo). Sabihin sa mga bata na ipinagdasal ni Alma na malaman ng kanyang anak na si Nakababatang Alma ang katotohanan. Basahin nang sabay-sabay ang Mosias 27:11 para malaman kung paano sinagot ang panalangin ni Alma (nagpakita ang isang anghel kay Nakababatang Alma). Ipaliwanag na karamihan ng sagot sa mga panalangin ay dumarating sa ibang mga paraan. Sa magkakahiwalay na kapirasong papel isulat ang sumusunod na mga banal na kasulatan na naglalarawan ng mga paraan na maaaring masagot ang mga panalangin: D at T 6:22–23 (sa pamamagitan ng payapang damdamin); D at T 8:2 (sa mga ideya sa ating isipan at damdamin sa ating puso); Mosias 27:36 (sa pamamagitan ng mga kilos ng ibang mga tao); at 2 Nephi 32:3 (sa mga banal na kasulatan). Ilagay ang mga kapirasong papel sa isang lalagyan. Pabunutin ng isa ang isang bata at ipabasa ito sa kanya. Hanapin ang reperensya sa banal na kasulatan, basahin ito nang sabay-sabay, at itanong sa mga bata kung ano ang itinuturo ng bawat talata tungkol sa kung paano sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pakikinig sa mga kuwento): Magpakuwento sa apat na panauhin ng isang paraan na sinasagot ang mga panalangin. Ang mga halimbawa ay maaaring magmula sa mga personal na karanasan, mga magasin ng Simbahan, o mga banal na kasulatan. Anyayahan ang mga bata na magtanong sa kanilang pamilya sa bahay tungkol sa mga pagkakataon na nasagot ang kanilang mga panalangin.

Mga tulong para sa music leader

Para matulungan ang mga bata na matutuhan ang “Panalangin ng Isang Bata” (AAP, 6–7), isipin ang mga sumusunod:

  • Sabihin sa mga bata na kunwari ay matagal silang napalayo sa kanilang pamilya at ngayon ay pauwi na sila; bubuksan nila ang pintuan at madarama nila ang kapanatagan at pagmamahal. Ipaliwanag na ang pagdarasal ay parang pagbubukas ng pintuan patungo sa Ama sa Langit; talagang nariyan Siya para panatagin at mahalin tayo, at nais Niyang pakinggan at sagutin ang panalangin ng bawat bata.

  • Hilingin sa mga bata na pakinggan ang mga salitang “nar’yan” at “dalangin” kapag kinanta ninyo ang unang dalawang linya ng “Panalangin ng Isang Bata.” Pahawakan sa mga bata ang kanilang tainga kapag narinig nila ang mga salita. Anyayahan silang sabayan kayo sa pagkanta ng mga linyang iyon. Ituloy ang pagkanta, at sabihin sa mga bata na pakinggan ang magkakatunog na salita sa bawat linya.

  • Kantahin nang paisa-isang parirala ang pangalawang talata, at ipaulit sa mga bata ang bawat parirala kapag itinuro ninyo ito. Pagkatapos ay hatiin ang mga bata sa dalawang grupo at ipakanta sa isang grupo ang unang bahagi ng bawat parirala (halimbawa, “Manalangin”) at ipatapos sa isa pang grupo ang parirala (“naririnig N’ya”). Patayuin ang lahat ng bata para kumanta ng, “Sapagkat gayon ang kaharian N’ya.”

mga batang kumakanta