Mayo
Tinuturuan Tayo ng mga Propeta na Ipamuhay ang Ipinanumbalik na Ebanghelyo
“Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7).
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Mga Linggo 1 at 2: Ang buhay na propeta ang namumuno sa Simbahan sa ilalim ng patnubay ni Jesucristo.
Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa mga larawan at paglalaro): Magpakita ng retrato ng buhay na propeta. Hilingin sa ilang bata na pamunuan ang Primary sa isang simpleng aksiyong tulad ng paglundag o pagpalakpak. Ituro ang retrato ng propeta at ipaliwanag na siya ang Pangulo ng Simbahan at dapat nating sundin ang ipinagagawa niya sa atin. Itanong: “Sino ang sinusunod ng propeta?” Magpakita ng larawan ni Jesucristo, at ipaliwanag na ang propeta ay kumikilos sa ilalim ng Kanyang patnubay.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa mga turo ng propeta): Ipakita sa mga bata ang pinakahuling isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona. Ipaliwanag na sa pangkalahatang kumperensya, itinuturo sa atin ng propeta ang nais ipagawa sa atin ni Jesucristo. Pumili ng mga pangungusap mula sa mga mensahe ng propeta, at ipabasa ito nang malakas sa mga bata. Sama-samang gumawa ng listahan ng mga bagay na magagawa ng mga bata para masunod ang propeta.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagdodrowing ng isang larawan): Bigyan ng papel ang bawat bata. Ipatupi ito sa kanila sa gitna. Ipadrowing sa kanila ang larawan ng propeta sa isang panig ng papel at ipasulat o ipadrowing sa kabilang panig ang isang paraan na masusunod nila ang propeta. Patayuin ang mga bata at pahawakan sa kanila ang kanilang mga larawan kapag kinanta nila ang koro ng “Propeta’y Sundin” (AAP, 58–59).
Para sa linggo 2, ituro sa mga bata ang isang bagay na itinuro ng propeta sa huling pangkalahatang kumperensya. Habang nagpaplano kayo ng mga aktibidad na gagamitin ninyo, pag-isipan kung paano ninyo matutukoy ang turo ng propeta at matutulungan ang mga bata na maunawaan at maipamuhay ito.
Linggo 3: Itinuturo sa akin ng mga propeta na magbayad ng ikapu.
Tukuyin ang doktrina (pagbabasa ng isang talata sa banal na kasulatan at pakikinig sa isang kuwento): Ipaliwanag na si Malakias ay isang propeta sa Lumang Tipan na nagturo sa mga tao na magbayad ng kanilang ikapu. Ipabasa sa isang bata ang Malakias 3:10 habang pinakikinggan ng iba pang mga bata ang pangako sa atin ng Panginoon kung magbabayad tayo ng ikapu. Ipaliwanag na ang “bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit” ay tumutukoy sa mga pagpapalang tinatanggap natin kapag nagbabayad tayo ng ikapu.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtingin sa isang pakay-aralin): Papuntahin ang 10 bata sa harapan ng silid. Bigyan sila ng tig-iisang mansanas (o iba pang prutas) at ipataas sa kanila ang kanilang mansanas at pagkunwariin silang mga puno ng mansanas. “Papitasin” ng mga mansanas ang isa pang bata at ipalagay ang mga ito sa isang basket. Ipaliwanag na ang ikapu ay ikasampung porsiyento ng ating kinikita at karaniwan ay pera ang ibinabayad dito, pero may mga pagkakataon na ibinayad ng mga tao ang anumang mayroon sila. Itanong kung ilang mansanas ang ibibigay ng bata sa bishop para sa ikapu.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagtalakay sa ikapu): Magpakita ng isang resibo at sobre ng ikapu. Talakayin ang proseso ng pagbabayad ng ikapu. Ipabahagi sa mga bata kung paano napagpala ang kanilang pamilya sa pagbabayad ng ikapu. Magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang dumarating sa pagsunod sa payo ng propeta na magbayad ng ikapu.
Linggo 4: Tinuturuan ako ng mga propeta na ipamuhay ang Word of Wisdom.
Tukuyin ang doktrina (pagbabasa ng isang talata sa banal na kasulatan): Magpakuwento sa mga bata tungkol sa isang pagkakataon na binalaan sila ng kanilang mga magulang tungkol sa panganib. Itanong kung bakit sila babalaan ng kanilang mga magulang. Ipaliwanag na mahal tayo ng Ama sa Langit at binabalaan tayo tungkol sa panganib sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ipabasa sa isang bata ang Doktrina at mga Tipan 89:4, at sabihan silang pakinggan kung ano ang tawag sa babalang ito. Ipaliwanag na tinanggap ni Propetang Joseph Smith ang babalang ito, ang Word of Wisdom, bilang isang paghahayag mula sa Diyos.
Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Bago magsimula ang Primary, idikit ang sumusunod na mga reperensya sa mga banal na kasulatan sa ilalim ng iba’t ibang silya: D at T 89:7, D at T 89:8, D at T 89:9, D at T 89:10, D at T 89:12, D at T 89:16. Ipaliwanag na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang ating pisikal na katawan at nais Niyang pangalagaan natin ito; binigyan Niya tayo ng Word of Wisdom para tulungan tayong malaman kung anong mga bagay ang makatutulong sa ating katawan at ano ang makapipinsala rito. Ipahanap sa mga bata ang mga reperensya sa mga banal na kasulatan sa ilalim ng kanilang silya. Anyayahan ang bawat batang nakakita ng reperensya na basahin nang malakas ang talata. Talakayin ang kahulugan ng bawat talata. Linawin na ang “matatapang na inumin” ay alak at ang “maiinit na inumin” ay kape at tsaa.
Maghikayat ng pag-unawa (paglalaro): Maglagay sa isang bag ng ilang larawan ng iba’t ibang pagkain, inumin, at iba pang mga bagay na makabubuti o makasasama sa katawan. Papiliin ang isang bata ng isang larawan mula sa bag at ipakita ito sa iba pang mga bata. Ipabuka sa mga bata ang kanilang bibig kung ang bagay ay makabubuti o patakpan ang kanilang bibig kung ang bagay ay makasasama. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 89:18–21 at talakayin ang mga pagpapalang tinatanggap natin kapag sinusunod natin ang payo ng propeta na ipamuhay ang Word of Wisdom.
Mga tulong para sa music leader
Maaaring gamitin sa buwang ito ang awiting “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta” (Mga Himno, blg. 15). Ang sumusunod ay ilang ideyang magagamit sa pagtuturo ng anumang awitin. Bagama’t gumamit ng mga wordstrip sa halimbawang ito, maaaring gumamit ng mga larawan sa pagtuturo ng ilang awitin sa maliliit na bata.
Isulat ang bawat parirala ng awitin sa wordstrip na iba ang kulay (o gumamit ng ibang kulay sa pagsulat ng bawat parirala). Hatiin ang bawat parirala sa dalawang bahagi. Gamitin ang anuman sa sumusunod na mga pamamaraan sa pagtuturo ng awitin:
-
Ilagay nang hindi sunud-sunod ang lahat ng wordstrip sa paligid ng silid. Hayaang pagsunud-sunurin ng ilang bata ang mga parirala habang paulit-ulit ninyong kinakanta ng mga bata ang awitin. Kantahin at talakayin ang bawat parirala, at kantahin pagkatapos ang buong awitin.
-
Magsimula sa mga wordstrip na nakaayos na sa pisara. Kantahin ninyo ng mga bata ang awitin. Ipaalis sa isang bata ang isang wordstrip, at muling kantahin ang awitin. Ulitin hanggang sa maalis ang lahat ng wordstrip.
-
Ilagay sa pisara ang unang bahagi ng bawat parirala sa tamang ayos at ilagay sa pisara ang mga pangalawang bahagi nang hindi sunud-sunod. Kantahin ang unang bahagi ng isang parirala at ipahanap sa mga bata ang pangalawang bahagi ng parirala at ipaliwanag kung ano ang kahulugan ng parirala.
-
Hatiin ang mga bata sa dalawang grupo. Ipakanta sa isang grupo ang unang bahagi ng bawat parirala at sa kabilang grupo ang pangalawang bahagi. Pagpalitin ang mga grupo at ulitin.