Disyembre
Alam Ko na si Jesucristo ay Muling Paparito
“Nguni’t talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan” (Job 19:25).
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Ipinropesiya ng mga propeta na paparito si Jesucristo sa mundo.
Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Magdispley ng mga larawan nina Isaias, Nephi, Haring Benjamin, Abinadi, Alma, at Samuel ang Lamanita mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo at sa pakete ng mga larawan sa Primarya 4. Hatiin ang mga bata sa mga grupo at bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan na hahanapin: (1) Isaias 7:14; 9:6; (2) 1 Nephi 11:14–15, 20–21; (3) Mosias 3:5–8; (4) Mosias 15:1; (5) Alma 7:10–12; at (6) Helaman 14:1–3. Ipahanap sa mga bata kung sinong propeta ang nagsasalita at tungkol kanino ang kanyang ipinopropesiya. Hilingin sa bawat grupo na ipakita ang larawan ng propeta at sabihin sa ibang mga bata kung sino siya at ano ang kanyang sinabi. (Para sa nakababatang mga bata, tulungang magbihis ng simpleng costume ang anim na bata para gumanap sa anim na propeta. Magkuwento nang maikli tungkol sa bawat propeta at kung ano ang sinabi ng bawat isa tungkol sa pagsilang at misyon ni Jesucristo.) Ipaliwanag na ipinropesiya ng bawat isa sa mga propetang ito na paparito si Jesucristo sa mundo. Patotohanan na pumarito si Jesucristo sa mundo tulad ng ipinropesiya ng mga propeta.
Linggo 2: Si Jesucristo ay muling paparito sa mundo.
Tukuyin ang doktrina: Magdispley ng larawan ng Ikalawang Pagparito (ASE, blg. 66). Ipaalala sa mga bata na si Jesucristo ay unang pumarito sa mundo bilang isang sanggol sa Betlehem. Ipaliwanag na natututuhan natin sa mga banal na kasulatan na Siya ay muling paparito sa mundo.
Maghikayat ng pag-unawa (paglalaro ng pagtutugma): Gumawa ng dalawang magkatugmang set ng sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan, na nakasulat ang bawat reperensya sa hiwalay na kapirasong papel: Mateo 16:27; Mateo 24:30, 36, 42; Mga Gawa 1:9–11; D at T 36:8; D at T 45:57–59; D at T 88:95–98. Idikit sa pisara ang mga papel nang nakataob. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagpili ng dalawang pirasong papel. Itihaya ang mga papel para makita kung magkatugma ang mga ito. Kung hindi magkatugma, muling itaob ang mga ito. Kung magkatugma, iwanang nakatihaya ang talata at ipahanap sa mga bata ang reperensya para matuklasan ang itinuturo nito tungkol sa muling pagparito ni Cristo. Ulitin hanggang sa mapagtugma-tugma ang lahat.
Linggo 3: Maghahanda akong makapiling na muli ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Tukuyin ang doktrina (paglalaro ng hulaan): Anyayahan ang dalawa o tatlong bata na i-pantomime ang paghahanda sa pagtulog, pagsisimba, o malayong pagbibiyahe. Pahulaan sa ibang mga bata ang ginagawa nila. Talakayin sa mga bata kung ano ang mangyayari kung hindi tayo naghandang gawin ang mga bagay na ito. Ipaliwanag na ang isang bagay na dapat nating paghandaan ay ang makapiling na muli ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Maghikayat ng pag-unawa (pagkanta ng mga awitin): Kantahin ang ikatlong talata ng “Ako ay Anak ng Diyos” (AAP, 2), at anyayahan ang mga bata na pakinggan kung paano tayo makapaghahandang makapiling na muli ang Ama sa Langit. Patayuin ang mga bata at muling pakantahin ng “Kung ang nais N’ya’y susundin.” Ipaliwanag na ang ilang awitin sa Primary ay nagpapaalala ng mga bagay na magagawa natin para makapaghandang makapiling na muli ang Ama sa Langit at si Jesucristo (halimbawa, “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” [AAP, 86–87], “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” [AAP, 68–69], “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” [AAP, 83], at “Sa Aking Pagkabinyag” [AAP, 53]). Ipatugtog sa piyanista ang ilang nota mula sa isa sa mga awiting ito, at pahulaan sa mga bata kung anong awitin ito. Ipakanta sa mga bata ang awitin at patayuin sila kapag kumanta sila tungkol sa isang paraan na makapaghahanda silang makapiling ang Ama sa Langit. Ulitin sa iba pang mga awitin.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagdodrowing): Magpaisip sa mga bata ng mga paraan na makapaghahanda silang makapiling ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Bigyan ang bawat bata ng kapirasong papel, at ipabakat ang kanilang kamay. Pagkatapos sa bawat binakat na daliri ay ipasulat o ipadrowing sa kanila ang isang bagay na magagawa nila para makapaghanda. Papiliin ang mga bata ng isa sa mga bagay na iyon na gagawin sa loob ng linggong iyon. Sabihin sa kanila na ipababahagi ninyo sa kanila ang kanilang ginawa sa susunod na Linggo.
Linggo 4: Ako ay may patotoo na ako ay anak ng Diyos.
Tukuyin ang doktrina (paglalaro ng hulaan): Sa pisara isulat ang, “Ako ay may ___________.” Sabihin sa mga bata na pakinggan ang sumusunod na mga clue at pahalukipkipin sila at patayuin kapag inaakala nila na mapupunan nila ang puwang:
-
Pinagaganda, pinasasaya, o pinasisigla nito ang ating pakiramdam.
-
Ibinibigay ito sa atin ng Espiritu Santo.
-
Tinutulungan tayo nitong gumawa ng mga tamang pasiya.
-
Maibabahagi natin ito sa iba kapag nagbigay tayo ng mensahe sa Primary, sa family home evening, at sa fast and testimony meeting.
Itanong: “Ano ang magandang bagay na ito?” Punan ang patlang ng salitang patotoo, at sabihin sa mga bata na maaari silang magkaroon ng patotoo na sila ay mga anak ng Diyos.
Ang pagsulat ng isang alituntunin ng ebanghelyo ay tutulong sa mga bata na maalala ito.
Maghikayat ng pag-unawa (pagkanta ng isang awitin): Pakantahin ang mga bata ng “Ako ay Anak ng Diyos” (AAP, 2–3), at ipaisip sa kanila kung ano ang naramdaman nila habang kumakanta. Ipabahagi sa ilang bata kung ano ang nadama nila. Ipaliwanag na ang magandang pakiramdam na maaaring nadama nila ay nagmula sa Espiritu Santo, na nagsasabi sa kanila na talagang sila ay mga anak ng Diyos. Ipaliwanag na ang malaman na ito ay totoo ang siyang kahulugan ng pagkakaroon ng patotoo. Ipaliwanag na maraming paraan para malaman na tayo ay mga anak ng Diyos. Itanong: “Paano mo nalaman na ikaw ay anak ng Diyos?”
Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa mga patotoo): Itanong sa mga bata: “Bakit mahalagang magkaroon ng patotoo na tayo ay mga anak ng Diyos? Paano tayo natutulungan ng pagkakaroon ng patotoo na pumili ng tama?” Ibahagi ang inyong patotoo at ipabahagi sa ilang bata at matatanda ang kanilang patotoo na lahat tayo ay mga anak ng Diyos.