Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Marso: Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas


Marso

Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas

“Pakinggan ninyo ang mga salitang ito. Masdan, ako si Jesucristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan” (D at T 43:34).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Itinuro ni Jesucristo ang ebanghelyo at nagpakita Siya sa atin ng halimbawa.

Tukuyin ang doktrina (pagkanta ng isang awitin): Kantahin nang sabay-sabay ang “Masayang Gawin” (AAP, 129) nang ilang beses, na pinapipili ang iba’t ibang bata ng aksiyong gagawin. Ipaliwanag na kapag sinundan natin ang mga kilos ng ibang tao, sinusundan natin ang kanyang halimbawa. Itanong kung sino ang nagpakita sa atin ng perpektong halimbawang susundan (si Jesucristo). Ipasabi nang sabay-sabay sa mga bata ang, “Nagpakita ng halimbawa si Jesucristo sa atin.”

Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Maglagay sa pisara ng mga larawan ng sumusunod na mga pangyayari: Binibinyagan si Cristo, si Cristo na may kasamang mga bata, nagdarasal si Cristo, at nagtuturo si Cristo. Basahin nang sabay-sabay ang isa sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan, at hilingin sa mga bata na ipaliwanag ang itinuturo ni Cristo sa talatang iyon: Marcos 16:15; Juan 13:34–35; 3 Nephi 11:37; 3 Nephi 18:19. Dahan-dahang ituro ang bawat larawan at patayuin ang mga bata kapag itinuro ninyo ang pinakamagandang naglalarawan na ginagawa ni Cristo ang itinuro Niyang gawin natin sa talatang binasa ninyo. Ulitin sa nalalabing mga talata sa banal na kasulatan.

nakaturo ang guro sa mga larawan

Mas malamang na maging mapitagan ang mga bata kapag kasali sila sa pag-aaral. Sa aktibidad na ito, patuloy na makikinig ang mga bata kapag sila ay pinatayo at pinaupo nang mapitagan.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagdodrowing ng isang larawan): Bigyan ng papel ang bawat bata, at ipadrowing sa kanila ang kanilang sarili na sinusundan ang halimbawa ni Cristo. Halimbawa, maaaring idrowing ng isang bata na binibinyagan siya, itinuturo niya ang ebanghelyo sa isang kaibigan, o tinutulungan niya ang isang tao. Ipabahagi sa ilang bata ang kanilang mga larawan sa iba pang mga bata, at hikayatin silang ibahagi ang kanilang drowing sa kanilang pamilya.

Linggo 2: Dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, maaari akong magsisi at mamuhay na muli sa piling ng Diyos.

Tukuyin ang doktrina (punan ang mga patlang): Bago magsimula ang Primary, isulat sa pisara ang, “Dahil sa _________________ ni Cristo, maaari akong ______ at mamuhay na muli sa piling ng _____.” Isulat ang mga salitang Pagbabayad-sala, magsisi, at Diyos sa magkakahiwalay na wordstrip at idikit ang mga ito sa ilalim ng tatlong upuan sa silid. Ipahanap sa mga bata ang mga wordstrip at ipalagay ang mga ito sa pisara sa wastong lugar nito. Basahin nang sabay-sabay ang pangungusap.

Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagsagot sa mga tanong): Ilagay sa pisara ang mga larawan ni Cristo na nasa Getsemani at ang Pagpapako sa Krus. Takpan ng ilang mas maliliit pang piraso ng papel ang mga larawan. Sa bawat piraso ng papel isulat ang isang tanong tungkol sa pangyayaring nasa larawan at isang reperensya sa banal na kasulatan mula sa Mateo 26–27 o Lucas 22–23 kung saan makikita ang sagot. (Halimbawa: Ano ang pangalan ng lugar na pinuntahan ni Jesus para manalangin? Mateo 26:36.) Hatiin ang mga bata sa mga grupo, at ipahanap sa bawat grupo ang isa sa mga banal na kasulatan at ang sagot sa tanong. Ipabahagi sa mga grupo ang mga sagot sa kanilang mga tanong at alisin ang kaukulang mga piraso ng papel para malantad ang mga larawan.

mga batang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Para maiakma ang mga aktibidad sa pagbabasa ng banal na kasulatan para sa nakababatang mga bata, hilingin sa kanila na makinig sa pagbabasa ninyo at saka sila patayuin kapag narinig nila ang isang partikular na salita o parirala.

Maghikayat ng pag-unawa (pagtingin sa isang pakay-aralin): Talakayin sa mga bata ang kahulugan ng mga salitang Pagbabayad-sala at pagsisisi, at ipaliwanag kung paano tayo mapagpapala ng Pagbabayad-sala (tingnan sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 111–118, 153–157). Ipakita sa mga bata ang isang regalo. Sabihin sa isang bata na subukan niyang ibigay ang regalo sa ibang bata, at sabihin ninyo sa batang pinagbigyan na tanggihan ito. Ipaliwanag na kapag hindi natin tinanggap ang isang regalong ibinigay sa atin, hindi natin matatamasa ang mga pagpapalang dulot ng regalo. Sabihin sa mga bata na pakinggan kung ano ang kailangan nilang gawin para matanggap ang kaloob na Pagbabayad-sala habang binabasa ninyo nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 19:16.

Linggo 3: Dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, gayon din ako.

Tukuyin ang doktrina (pakikinig sa isang kuwento): Gamitin ang paglalarawan mula sa pahina 123 ng manwal ng nursery (tingnan ang mga tagubilin sa pahina 121) para maikuwento ang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Juan 19:41–42; 20:1, 11–18). Ipaliwanag na nang mabuhay na mag-uli si Jesucristo, ang Kanyang katawan at espiritu ay muling nagsama; ginawa nitong posible na mabuhay na mag-uli ang lahat. Ipasabi sa mga bata, “Dahil nabuhay na mag-uli si Jesucristo, gayon din ako.”

Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa nadarama): Ilista sa pisara ang mga salitang naglalarawan kung ano ang maaaring nadama ng mga disipulo noong araw na mamatay si Jesus (tulad ng dalamhati, pighati, kalungkutan, at kawalan ng pag-asa). Magpamungkahi sa mga bata ng kabaligtaran ng mga salitang ito (tulad ng ligaya, galak, pag-asa, at pananampalataya), at isulat ang mga ito sa pisara. Ipaliwanag na ito ang nadama ng mga disipulo nang mabuhay na mag-uli si Jesus. Talakayin ang ilan sa mga pagpapalang dumarating mula sa pagkaalam na tayo ay mabubuhay na mag-uli (tingnan sa Isaias 25:8; Alma 22:14).

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng damdamin): Isulat sa pisara ang, “Nagpapasalamat ako na nabuhay na mag-uli si Jesus dahil …” Anyayahan sa Primary ang isang miyembro ng ward na namatayan ng mahal sa buhay at ipabahagi nang maikli kung bakit siya nagpapasalamat para sa Pagkabuhay na Mag-uli. Itanong sa mga bata kung may kakilala sila na namatay, at papikitin sila at ipaisip sa kanila ang taong iyon. Patayuin ang ilang bata at ipakumpleto ang pangungusap sa pisara at ibahagi kung ano ang kahulugan sa kanila ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Linggo 4: Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas.

Tukuyin ang doktrina (pagtalakay sa salitang “Tagapagligtas”): Magpakita ng ilang bagay o larawan na kumakatawan sa mga taong maaaring magligtas sa ating buhay (tulad ng doktor, pulis, o lifeguard), at talakayin kung paano nila tayo maililigtas. Magpakita ng isang larawan ni Jesus, at ipaliwanag na Siya lamang ang may kapangyarihang magligtas sa atin mula sa mga walang-hanggang bunga ng kamatayan at kasalanan. Isulat sa pisara ang, “Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas,” at basahin ninyo ito kasabay ng mga bata, na binibigyang-diin ang salitang “Tagapagligtas.”

Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (pakikinig sa mga kuwento sa banal na kasulatan): Magsalaysay sa mga bata ng ilang kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa mga taong iniligtas ng Tagapagligtas mula sa kasalanan (halimbawa, Nakababatang Alma [tingnan sa Alma 36:6–24], Enos [tingnan sa Enos 1:1–8], Zisrom [tingnan sa Alma 15:3-12], ama ni Lamoni [tingnan sa Alma 22:1–26], o ang lalaking dinala kay Jesus [tingnan sa Lucas 5:17–26]). Ipaliwanag na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayong lahat ay maaaring maligtas mula sa kasalanan. Magpatotoo na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, at anyayahan ang ilang bata na magpatotoo tungkol sa Kanya.