Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 3: ‘Tuparin ang mga Tipan’: Paglalakbay, Pandarayuhan, at Paninirahan


Kabanata 3

“Tuparin ang mga Tipan”

Paglalakbay, Pandarayuhan, at Paninirahan

Noong Hunyo 27, 1844, isang grupo ng armadong mandurumog ang nagpunta sa maliit na bilangguan sa Carthage, Illinois, kung saan di-makatarungang ikinulong si Joseph Smith kasama ang kanyang kapatid na si Hyrum at sina Elder John Taylor at Elder Willard Richards. Nang umalis ang mga mandurumog, naiwang patay sina Joseph at Hyrum at sugatan naman si Elder Taylor.

Ang pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith bilang martir ay hindi nagpatigil sa pananampalataya at katapatan ng mga Banal. Hindi rin ito hudyat ng pagtatapos ng pang-uusig sa mga miyembro ng Simbahan. Dahil sa patuloy na pang-uusig, ang bagong lider ng Simbahan na si Pangulong Brigham Young ay nagpayo sa mga Banal na lisanin na ang Nauvoo, Illinois, para pumunta sa isang bagong tirahan, kung saan umaasa silang mamumuhay at sasamba nang payapa. Marami ang sumunod kay Pangulong Young, at sinimulan ang kanilang paglalakbay noong Pebrero 1846.

Humantong sa mahirap na panahong ito, ang pormal na organisasyon ng Female Relief Society ay hindi naipagpatuloy. Gayunman, ang hangarin ng kababaihan na ibsan ang pagdurusa, patatagin ang mga pamilya, at maging tapat at banal ay patuloy na tumindi. Sinunod nila ang utos na ibinigay ng Panginoon sa unang pangulo ng Relief Society: “Tuparin ang mga tipan na iyong ginawa.”1

Paglalakbay: Pinalakas ng mga Tipan

Ang unang kababaihan ng Relief Society ay tulad ng mga tao ni Ammon noon na “nakilala … sa kanilang pagiging masigasig sa Diyos” at “matatag sa pananampalataya kay Cristo.”2 Tinuruan sila ni Propetang Joseph Smith, at pinagpala sila sa pamamagitan ng kanilang organisasyon sa ilalim ng awtoridad ng priesthood. Ngayon ay kailangan nila ang mga pagpapala ng templo.

Dumagsa ang mahigit 5,000 mga Banal sa Nauvoo Temple pagkatapos itong mailaan upang matanggap nila ang endowment at ang ordenansa ng pagbubuklod bago simulan ang kanilang paglalakbay tungo sa hindi tiyak na hinaharap. Nagpunta sila sa templo buong maghapon at buong magdamag. Isinulat ni Pangulong Brigham Young na gayon na lamang ang pananabik nilang matanggap ang kanilang mga ordenansa kaya’t “inilaan ko na ang aking sarili sa gawain ng Panginoon sa Templo sa gabi at araw. Karaniwan ay hindi natutulog nang higit pa sa apat na oras sa bawat araw, at umuuwi ako minsan lamang sa isang linggo.”3

Ang lakas, kapangyarihan, at mga pagpapala ng tipan sa templo ang magpapalakas sa mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang paglalakbay, kapag daranas na sila ng lamig, init, gutom, kahirapan, karamdaman, sakuna, at kamatayan. Sila ay pinalakas at binigyang-kapangyarihan—handa sa espirituwal sa paglisan sa Nauvoo patungo sa napakahirap nilang paglalakbay sa ilang.

Gaya ng maraming kababaihan sa Relief Society, si Sarah Rich ay napalakas ng mga pagpapala ng templo nang maharap siya sa mga hamon ng paglalakbay. Bago umalis ng Nauvoo, nakatanggap siya ng tawag mula kay Brigham Young na gumawa sa templo. Sinabi niya kalaunan:

Sarah Rich

Sarah Rich

“Marami kaming natanggap na pagpapala sa bahay ng Panginoon, na nagdulot ng galak at kapanatagan sa amin sa gitna ng lahat ng aming pagdurusa at naging dahilan upang sumampalataya kami sa Diyos, batid na gagabayan at palalakasin Niya kami sa walang katiyakang paglalakbay na aming haharapin. Kung hindi sa pananampalataya at kaalamang ipinagkaloob sa amin ng inspirasyon at tulong ng Espiritu ng Panginoon sa templong iyon, ang paglalakbay namin marahil ay parang paghakbang ng isang tao sa kadiliman. Kung maglalakbay kami sa taglamig sa kalagayan at kahirapan namin noon, para kaming nagpapakamatay. Ngunit sumampalataya kami sa ating Ama sa Langit, at nagtiwala sa Kanya na nadaramang kami ay Kanyang piling mga tao at natanggap na namin ang Kanyang ebanghelyo, at sa halip na malungkot, nagalak kami sa pagdating ng araw ng aming kaligtasan.”4

Gaya ng sinabi ni Sister Rich, ang paglalakbay ay hindi isang “paghakbang sa kadiliman” para sa matatapat na babaeng Banal sa mga Huling Araw. Pinalakas sila ng kanilang mga tipan. Gaya ng mga anak ni Israel noon, sumunod sila sa isang propeta papunta sa ilang sa pag-asang maliligtas. Bilang paghahanda sa paglalakbay, ganito ang sinabi ni Pangulong Brigham Young sa mga Banal: “Ito ang ating magiging tipan—na tayo ay lalakad sa lahat ng ordenansa ng Panginoon.”5 Naglakad ang mga Banal sa mga Huling Araw patungo sa ilang na bigkis ng tipang ginawa sa Diyos, sa kanilang mga pamilya, at sa kapwa nila mga manlalakbay.

Pandarayuhan: Pananampalataya, Pag-ibig sa Kapwa, at Pagtutulungan

Bago lisanin ang Nauvoo, isinulat ng isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mensaheng ito sa dingding ng assembly hall ng iniwan nilang templo: “Nakita ng Panginoon ang aming sakripisyo: sundan ninyo ang aming halimbawa.”6 Ibinuod ng mga salitang ito ang kanilang katapatan at pinagsama-samang pagsisikap. Naglakbay ang mga Banal nang may pagsasakripisyo, paglalaan, at pananampalataya sa Diyos. Hindi sila naglakbay nang magkakahiwalay kundi bilang “Kampo ng Israel,” isang komunidad na inorganisa sa mas maliliit na grupo, na tinawag na mga samahan, para magtulung-tulong.

Sa isang paghahayag na ibinigay kay Brigham Young “hinggil sa Kampo ng Israel sa kanilang paglalakbay patungong Kanluran,” inutusan ng Panginoon ang mga pioneer na “bawat samahan ay magdala ng magkasukat na panustos, alinsunod sa pakinabang ng kanilang ari-arian, sa pagsasama sa mga maralita, balo, ulila sa ama, at sa mag-anak ng mga yaong umanib sa hukbo.”7

Kadalasan sa pandarayuhan, mas kakaunti ang kalalakihan kaysa kababaihan at mga bata. Noong tagsibol ng 1847, matapos gugulin ng maraming Banal ang taglamig sa lugar na tinawag nilang Winter Quarters, mga 520 kalalakihan, na may kasamang 35 kababaihan at 42 mga bata, ang umanib sa Mormon Battalion upang tumugon sa panawagan na maglingkod sa hukbong sandatahan ng Estados Unidos. Isa pang grupo ng 143 kalalakihan, 3 kababaihan, at 2 bata ang sumama sa unang pioneer company, at inihanda ang daraanan para sa iba pa. Naalala ng isang babaeng nagngangalang Presendia Kimball: “Iilan lamang ang naiwang kalalakihan para magtanim ng butil at mga gulay, at protektahan ang kababaihan at mga bata. … At naiwan ang matatanda, mahihina, ang kababaihan at mga bata.”8

Binasbasan ang mga Banal ng kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng kalalakihang mayhawak ng priesthood. Natulungan din sila ng pananampalataya sa Diyos, pagkakawanggawa, lakas, at mga panalangin ng kababaihan.

Dahil laganap ang sakit, ang kababaihan ang nagsilbing mga doktor at nars sa kani-kanilang pamilya at sa isa’t isa, gaya ng ginawa nila noon sa Nauvoo. Naalala ni Drusilla Dorris Hendricks na, “Bawat bagon sa buong kampo ay may lulang maysakit, [ngunit] tiniis namin ito gaya ng pagtitiis ni Job.”9 Marami ang namatay, lalo na sa mga sanggol.10

Si Eliza Partridge Lyman ay nagsilang ng anak na lalaki noong Hulyo 14, 1846, sa loob ng isang bagon. Gaya ng maraming sanggol ng mga pioneer, hindi nabuhay ang bata. Sa isang journal, inilarawan ni Eliza ang kanyang mga naranasan:

Hulyo 14, 1846: “Hindi komportable ang kalagayan ko lalo pa nga na maysakit ako. Ang napakainit na sikat ng araw sa bagon sa buong maghapon at ang malamig na hangin sa gabi, ay hindi nakabubuti sa kalusugan.”

Oktubre 15, 1846: “Nakalipat na kami ngayon sa bahay naming yari sa troso. Ang unang bahay na natirhan ng aking sanggol. Labis ang pasasalamat ko sa pribilehiyong makaupo sa tabi ng siga kung saan hindi ito mahihipan ng hangin sa kabi-kabilang direksiyon, at mapapainitan ko na ang isang bahagi ng katawan ko nang hindi nilalamig ang kabila. Ang bahay namin ay walang sahig at marami pang bagay ang wala rito ngunit napoprotektahan kami ng mga dingding laban sa hangin kahit na hindi kami maprotektahan ng bubong na yari sa dayami mula sa ulan.”

Disyembre 6, 1846: “Ang aking sanggol ay may sakit at lumalala ang kanyang kalagayan. Maghapon siyang umiiyak ngunit hindi ko makita kung ano ang masakit sa kanya.”

Eliza Partridge Lyman

Eliza Partridge Lyman

Disyembre 12, 1846: “Namatay ang sanggol at labis ang kalungkutan ko sa kanyang pagpanaw. Ginawa na namin ang alam naming makapagpapagaling sa kanya, ngunit walang buting idinulot ito; patuloy siyang nanghina mula nang magkasakit siya. Gabi-gabi kaming nagpupuyat ng kapatid kong si Caroline at sinikap naming iligtas siya sa kamatayan, dahil hindi namin kayang mawalay sa kanya, ngunit wala kaming magawa. …

“Nariyan pa rin ang mahal kong mga kaibigan. Kung wala sila malamang na gugustuhin ko na ring mamaalam sa mundong ito, dahil puno ito ng pagkasiphayo at kalungkutan. Ngunit naniniwala akong may isang kapangyarihang nagbabantay sa atin at ginagawa ang lahat ng makabubuti.”11

Gaya ng sinabi ni Eliza, nakatulong sa kanya ang pakikipagkaibigan ng mapagmalasakit na kababaihan. Kalaunan ay ipinakita niya ang gayong pakikipagkaibigan at pagkahabag sa pagtulong sa iba pang kababaihan na may gayon ding kapighatian. Noong Hunyo 1, 1847, isinulat niya: “Namatay ang sanggol ni Sister Elvira Holmes. Tumanggap ako ng paanyaya … na magpunta at samahan siya sa maghapon at tinanggap ko naman. Sinamahan ko siya sa pagdalaw sa puntod ng kanyang anak.”12

Sa gayong mga panahon ng pagsubok, ang kababaihan ay umasa sa kapangyarihan ng kanilang mga tipan. Nagunita kalaunan ni Bathsheba W. Smith, ang ikaapat na Relief Society general president, ang mga karanasang iyon:

“Hindi ko na susubukang ilarawan pa kung paano kami naglakbay habang humahampas ang niyebe, hangin, at ulan; kung paano kinailangang gumawa ng mga daanan, magtayo ng mga tulay, at gumawa ng mga balsa; kung paano kinailangang hilahin ang kawawa naming mga hayop na may kakaunting pagkain sa araw-araw; o kung paano dumanas ang aming mga kampo ng kahirapan, karamdaman, at kamatayan. Napanatag kami … sa pagkakaroon ng payapang pagpupulong nang magkakasama at nang pribado, nagdarasal at kinakanta ang mga awitin ng Sion, at nagagalak na iiwanan na namin ang mga nagpapahirap sa amin. Lalo pa kaming napanatag nang makita namin ang kapangyarihan ng Diyos na ipinamalas sa pamamagitan ng mga pagpapatong ng mga kamay ng mga elder, na nagpagaling sa mga maysakit, at nagpalakad sa mga lumpo. Kasama namin ang Panginoon at ang kanyang kapangyarihan ay ipinamalas sa araw-araw.”13

Lumakas din ang espirituwalidad ng kababaihan dahil sa pagmamahal at habag sa isa’t isa. Sa buong paglalakbay, habang dumaranas sila ng karamdaman at kamatayan, nanalangin sila nang may pananampalataya para sa isa’t isa at inalo ang bawat isa. “Dumaloy ang pag-ibig ng Diyos sa bawat puso,” pagsulat ni Helen Mar Whitney, “hanggang sa tila wala nang magawa ang masama (Satanas) sa pagpupumilit niyang pumagitan sa amin at sa Panginoon, at ang kanyang malupit na mga palaso, sa ilang pagkakataon, ay hindi na nakapanakit pa.”14

Sa pag-alaala sa nakaaantig na tagubilin ni Propetang Joseph Smith, nagkaroon ng ideya ang matatapat na kababaihang pioneer na ito tungkol sa kanilang kakayahan at potensiyal na maglingkod. Tumulong sila sa pagtatayo ng mga tahanan at komunidad. Sa pamamagitan ng paggawa nang may pananampalataya at pag-ibig sa kapwa, nakapagligtas sila ng mga kaluluwa. Ang kanilang mga sakripisyo ay nagpabanal sa kanilang sarili at sa mga taong tinulungan nila.

Kahit walang pormal na mga miting ng Relief Society, sinunod ng kababaihang pioneer ang mga itinuturo ng propeta at tinupad ang kanilang mga tipan sa templo, at dahil dito ay nakapag-ambag sila sa isang natatanging kabanata sa kasaysayan ng Simbahan at ng Kanlurang Amerika. Isinulat ng isang bantog na manunulat ng kasaysayan na hindi–Latter-day Saint: “Ang hindi ko paniniwala sa relihiyon nila ay hindi nangangahulugan na nagdududa ako sa katapatan at kabayanihan nila sa paglilingkod dito. Lalo na ang kanilang kababaihan. Kahanga-hanga ang kanilang kababaihan.”15

Paninirahan: “Laging Handang … Gumawa nang may Pagmamahal at Pag-ibig sa Kapwa”

Nang dumating ang mga unang pioneer company sa Salt Lake Valley, nagtanim sila at nagtayo ng mga tirahan para mabuhay. Tinugunan din nila ang mga pangangailangan ng iba. Pinayuhan ni Pangulong Brigham Young ang mga Banal na tulungan ang mga nangangailangan, kapwa sa espirituwal at temporal. Ang kanyang payo ay tulad ng panghihikayat ni Amulek sa Aklat ni Mormon sa mga maralitang Zoramita: “Kung inyong tatalikuran ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi ninyo dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at ibahagi ang inyong kabuhayan, kung kayo ay mayroon, sa mga yaong nangangailangan—sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo gagawin ang alinman sa mga bagay na ito, masdan, ang inyong mga panalangin ay walang kabuluhan, at wala kayong pakikinabangan, at kayo ay kagaya ng mga mapagkunwari na itinatatwa ang relihiyon.”16

Inilarawan ni Sister Emmeline B. Wells, na naglingkod kalaunan bilang ikalimang Relief Society general president, ang kabutihan at paglilingkod ng kababaihan: “Nang lisanin ng mga Banal ang Nauvoo at sa kanilang paglalakbay, kinailangang itigil ang mga pulong ng Relief Society, gayunpaman, hindi kailanman nalimutan ng kababaihan ang samahan, ni ang mga ipinangako sa kanila ni Pangulong Joseph Smith, bagkus ay ipinagpatuloy pa rin nila ang pagkakawanggawa sa lahat ng dako at sa lahat ng oras kapag hinihingi ng pagkakataon; lagi silang handang gumawa at dumamay upang maipakita ang pagmamahal at pag-ibig sa kapwa, at marami noon ang nangangailangan ng gayong kabaitan sapagkat iyon ay panahon ng paggawa, at pagdurusa, at pagdarahop, at kahirapan.”17

Noong 1854, nadama ni Matilda Dudley ang maraming pangangailangan ng mga American Indian sa lugar na iyon. Siya muna ang tumulong at kalaunan sa tagubilin ni Pangulong Brigham Young, inorganisa niya ang kababaihan sa patnubay ng kanyang bishop upang gumawa ng kasuotan para sa katutubong kababaihan at mga bata. Nabuo rin ang gayong mga grupo sa iba pang lugar habang sinusunod ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ang pagkakawanggawa sa kanilang puso at naglilingkod upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga tao sa kanilang paligid.

Nagpatuloy ang ganitong gawain sa pagdating ng mas marami pang mga Banal sa mga Huling Araw sa Salt Lake Valley. Nanawagan ang mga lider ng Simbahan na manirahan ang mga tao sa malalayong lugar ng teritoryo, na umaabot hanggang sa hilaga at timog ng Salt Lake City. Naalala ng kababaihan ang pamana at saligang alituntunin ng Female Relief Society of Nauvoo, at maraming grupo ang nanirahan doon upang maglingkod at bigyang-ginhawa ang mga dukha.

Si Lucy Meserve Smith, halimbawa, ang namuno sa grupo ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw sa Provo, Utah. Siya at ang iba pang kababaihan ay tumugon sa mga panawagan na tulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw na dumating sa Utah. Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1856, ibinalita ni Pangulong Brigham Young na napadpad ang mga handcart pioneer sa layong daan-daang milya. Sabi niya: “Ang inyong pananampalataya, relihiyon, at pangangaral ng relihiyon, ay hindi makapagliligtas ng kahit isang kaluluwa sa inyo sa kahariang selestiyal ng ating Diyos, kung hindi ninyo susundin ang mga alituntuning itinuturo ko sa inyo ngayon. Humayo kayo at dalhin dito ang mga taong nasa kapatagan ngayon, at [isagawang] mabuti ang mga bagay na tinatawag nating temporal, o temporal na tungkulin, dahil kung hindi mawawalang-saysay ang inyong pananampalataya.”18

Isinulat ni Sister Smith sa kanyang talambuhay na pagkatapos ng panghihikayat ni Pangulong Young, ang mga dumalo ay kumilos upang tulungan at bigyang-ginhawa ang kanilang mga kapatid. Ang kababaihan ay “naghubad ng kanilang mga petticoat [mga pang-ilalim sa palda na bahagi ng usong kasuotan noon at nagbibigay ng init], stocking, at bawat bagay na maibibigay nila, doon mismo sa Tabernacle, at ikinarga [ang mga ito] sa mga bagon upang maipadala sa mga Banal na nasa kabundukan.”

Patuloy silang nagtipon ng mga kagamitan sa pagtulog at damit para sa darating na mga Banal na kakaunti lamang ang dalang ari-arian sa maliliit na kariton. Isinulat ni Sister Smith: “Ginawa namin ang lahat ng aming magagawa, sa tulong ng mabubuting miyembro, upang bigyang-ginhawa ang mga nangangailangan pagdating nila gamit ang mga kariton sa huling bahagi ng taglagas. … Dahil kulang sa pondo ang aming samahan, wala kaming masyadong magawa, ngunit halos hindi mabuhat ng apat na bishop ang mga gamit sa pagtulog at iba pang damit na natipon namin sa una naming pagpupulong. Hindi kami tumigil sa paggawa hangga’t hindi natutugunan ang pangangailangan ng lahat.” Sinabi ni Sister Smith na nang dumating ang mga handcart company, isang gusali sa bayan ang “puno ng pagkain at kagamitan para sa kanila.” Pagpapatuloy pa niya: “Hindi pa ako kailanman higit na nasiyahan at, masasabi kong, natuwa sa anumang pagsisikap na ginawa ko sa aking buhay, gayon ang nanaig na damdamin ng pagkakaisa. Ang kailangan ko lang gawin ay magpunta sa tindahan at sabihin kung ano ang aking kailangan; kung tela man iyon, sinusukat at pinuputol iyon at ibinibigay nang libre. Naglakad [kami sa makapal na] niyebe hanggang sa mabasa ang aming damit nang hanggang isang talampakan para lamang matipon ang mga bagay-bagay.”19

“Ano ang Susunod na Gagawin ng mga Taong Handang Tumulong?”

Ang kababaihang ito ng Relief Society ay nagpakita ng pag-ibig sa kapwa, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo,”20 sa pagbibigay nila ng kanilang mga petticoat at quilt o kubrekama upang mailigtas ang giniginaw at nagugutom na mga Banal na hindi pa nila nakikilala. Nakadama sila ng malaking kagalakan sa paglilingkod na ito. Pagkatapos nilang gawin ang lahat upang tulungan ang mga handcart pioneer, nagpatuloy sila sa pagtulong sa iba. Ipinahayag ng mga salita ni Lucy Meserve Smith ang nadarama ng kanilang mga puso: “Ano ang susunod na gagawin ng mga taong handang tumulong?”21 Ang tanong na ito ay halimbawa ng kabutihan ng kababaihan ng Relief Society—noon at ngayon.

Kabanata 3

  1. Doktrina at mga Tipan 25:13.

  2. Alma 27:27.

  3. Brigham Young, sa History of the Church, 7:567.

  4. Sarah DeArmon Pea Rich, “Autobiography, 1885–93,” Church History Library, 66; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay, pagbabantas, at paggamit ng malaking titik; sinipi ni Richard G. Scott, sa Conference Report, Abr. 2009, 42; o Ensign, Mayo 2009, 44–45.

  5. Doktrina at mga Tipan 136:4.

  6. Sa Charles Lanman, A Summer in the Wilderness (1847), 32.

  7. Doktrina at mga Tipan 136:1, 8.

  8. Presendia Lathrop Kimball, “A Venerable Woman,” Woman’s Exponent, Hunyo 1, 1883, 2.

  9. Drusilla Dorris Hendricks, “Historical Sketch of James Hendricks and Drusilla Dorris Hendricks,” sa Henry Hendricks Genealogy, comp. Marguerite Allen (1963), 28.

  10. Tingnan sa Jill Mulvay Derr, Janath Russell Cannon, at Maureen Ursenbach Beecher, Women of Covenant: The Story of Relief Society (1992), 67.

  11. Journal ni Eliza Partridge Lyman, Hulyo 14–Dis. 12, 1846, Church History Library, 32–35.

  12. Journal ni Eliza Partridge Lyman, 38.

  13. Talambuhay ni Bathsheba W. Smith, typescript, Church History Library, 13; iniayon sa pamantayan ang pagbabantas, pagbabaybay, at paggamit ng malaking titik.

  14. Helen Mar Whitney, “Scenes and Incidents at Winter Quarters,” Woman’s Exponent, Dis. 1, 1885, 98.

  15. Wallace Stegner, The Gathering of Zion: The Story of the Mormon Trail (1981), 13.

  16. Alma 34:28.

  17. Emmeline B. Wells, “After the Days of Nauvoo,” sa Record of the Relief Society from First Organization to Conference, Abr. 5, 1892, Book II, Church History Library, 234–35; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay at paggamit ng malaking titik.

  18. Brigham Young, “Remarks,” Deseret News, Okt. 15, 1856, 252.

  19. Lucy Meserve Smith, “Historical Sketches of My Great Grandfathers,” manuskrito, Special Collections, Marriott Library, University of Utah, 53–54; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay, pagbabantas, at paggamit ng malaking titik.

  20. Moroni 7:47.

  21. Lucy Meserve Smith, “Historical Sketches of My Great Grandfathers,” 54.

Mahigit 5,000 Banal ang tumanggap ng mga pagpapala ng templo sa Nauvoo, Illinois, bago sila nagsimulang maglakbay papunta sa Salt Lake Valley.

Habang naglalakbay ang mga Banal papunta sa Salt Lake Valley, nagtulungan ang kababaihan sa pangangalaga sa kanilang mga pamilya.

Maraming babaeng Banal sa mga Huling Araw ang nagsilang habang naglalakbay sila papunta sa Salt Lake Valley.

Ang kababaihan “ay palaging handang gumawa at dumamay upang magpakita ng pagmamahal” (Emmeline B. Wells).

Noong 1856, ang kababaihan ng Relief Society ay nagtipon ng mga quilt o kubrekama para sa nahihirapang mga handcart pioneer.

Ang kababaihan ng Relief Society ay patuloy na naglingkod at pinalakas ang isa’t isa nang makarating na sila sa Salt Lake Valley.