Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 2: ‘Mas Mainam’: Ang Female Relief Society of Nauvoo


Kabanata 2

“Mas Mainam”

Ang Female Relief Society of Nauvoo

Noong tagsibol ng 1842, ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo, Illinois, ay masigasig na gumawa upang itayo ang isang templo sa kanilang lungsod. Hinikayat ni Propetang Joseph Smith ang lahat na tumulong. Ang kalalakihan ang aktuwal na nagtayo ng templo, at sabik na naghanap ng paraan ang kababaihan upang makapag-ambag din naman. Paggunita ni Sarah M. Kimball:

“Ang mga dingding ng Nauvoo Temple ay mga tatlong talampakan ang taas. Humingi ng tulong ang Pangulo ng Simbahan at ang iba pa upang maisulong ang gawain.

“Si Miss [Margaret] Cook … sa pag-uusap namin isang araw tungkol sa paksa kamakailan ukol sa paghingi ng pagkain, damit, matutulugan at iba pang mga pangangailangan para sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya, ay nagsabing ikalulugod niyang manahi kung kakailanganin ito. Nagbigay ako ng mga materyal na matatahi niya, at iminungkahing maaari ding makibahagi ang iba. Pagkatapos ay [pinag-usapan] namin ang pagbuo ng isang samahan ng mga mananahi. At ang magiging layunin nito ay tumulong sa pagtatayo ng templo.

“Mga isang dosenang kapitbahay na kababaihan ang inanyayahang magtipon sa aking [tahanan] nang sumunod na Huwebes.”1

Noong panahong iyon, karaniwan sa kababaihan ang bumuo ng sarili nilang mga samahan, madalas may mga konstitusyon at mga tuntunin—mga itinakdang patakaran na mamamahala sa mga organisasyon. Ang kababaihang nagtipon sa tahanan ni Sarah Kimball ay nagpasiyang bumuo ng konstitusyon at mga tuntunin, at tinanggap ni Eliza R. Snow ang tungkuling isulat ang mga ito. Pagkatapos ay hiniling ng kababaihan na repasuhin ni Joseph Smith ang mga ito at ibigay ang kanyang opinyon tungkol sa mga ito. Matapos itong basahin ng Propeta, sinabi niyang ang mga ito “ay pinakamainam sa lahat ng nakita na niya. ‘Ngunit,’ sabi niya, ‘hindi ito ang gusto ninyo. Sabihin sa kababaihan na tinatanggap ng Panginoon ang kanilang mga handog, at siya ay may inilalaang mas mainam para sa kanila kaysa sa nakasulat na konstitusyon. Inaanyayahan ko silang lahat na makipagkita sa akin at sa ilang kalalakihan … sa susunod na Huwebes ng hapon, at aking isasaayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood ayon sa kaayusan ng priesthood.’”2

Pag-oorganisa ng Relief Society

Nang sumunod na Huwebes, noong Marso 17, 1842, nagtipon ang dalawampung kababaihan sa itaas na palapag ng isang gusali, na madalas tawagin noon na “pulang tindahang gawa sa laryo,” kung saan naroon ang opisina ni Joseph Smith at may negosyong pantustos sa kanyang pamilya. Nagpulong sila sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith at ng dalawang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na sina Elder John Taylor at Willard Richards.3

Sa halip na itulad ang organisasyon ng kababaihang mga Banal sa mga Huling Araw sa samahan ng kababaihan na umiiral at bantog noong panahong iyon, inorganisa sila ni Propetang Joseph Smith sa paraang may inspirasyon at pahintulot ng langit.

Sa simula ng pulong, sinabi niya na sa kababaihan na sila ay “maaaring [maghikayat] sa kalalakihan na gumawa ng mabuti sa paglingap sa mahihirap—na naghahanap ng mga pagkakataong maipakita ang pag-ibig sa kapwa, at maibigay ang kanilang pangangailangan—upang umalalay sa pamamagitan ng pagwawasto ng mga pag-uugali at pagpapaibayo ng mabubuting katangian ng komunidad [ng kababaihan].”4

Ang asawa ni Joseph Smith na si Emma ang piniling maglingkod bilang pangulo ng bagong samahang ito. Pagkatapos ay hinikayat ng Propeta ang kanyang asawa na pumili ng mga tagapayo na kasama niyang “mamumuno sa samahang ito, sa pangangalaga sa mga maralita—pangangasiwa sa kanilang mga kailangan, at pag-aasikaso ng iba’t ibang gawain ng samahang ito.” Pinili ni Sister Smith sina Sarah M. Cleveland at Elizabeth Ann Whitney na maging kanyang mga tagapayo. Kalaunan ay itinalaga ni Elder Taylor ang bawat tagapayo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay upang gumanap sa tungkulin nito sa panguluhan.5

Sa pagpapatuloy ng miting, sinabi ni Joseph Smith na isinakatuparan ng tungkulin ng kanyang asawa ang isang propesiyang inihayag sa kanya mga 12 taon na ang nakalilipas, kung saan kinausap siya ng Panginoon bilang “isang hinirang na babae, na aking tinawag” at sinabi kay Emma na siya ay “oordenan sa ilalim ng kamay [ni Joseph Smith] upang magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, at upang manghikayat sa simbahan, alinsunod sa ibibigay sa iyo ng aking Espiritu.”6 Binasa ni Joseph Smith ang buong paghahayag na iyon, na ngayon ay bahagi 25 ng Doktrina at mga Tipan, sa mga dumalo noon.7

Sa paghahayag, sinabi ng Panginoon kay Emma ang mga pribilehiyong mapapasakanya, gaya ng pagiging tagasulat para sa kanyang asawa at pagtitipon ng mga himno para sa mga Banal. Pinayuhan ng Panginoon si Emma na pakinggan ang mga babala, maging tapat at matwid, huwag bumulung-bulong, aluin ang kanyang asawa at tulungan siya, magturo mula sa mga banal na kasulatan at hikayatin ang Simbahan, sumulat at matuto, “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti,” tuparin ang mga tipan, magpakumbaba at mag-ingat sa kapalaluan, at sundin ang mga kautusan.8

Sa pagtatapos ng paghahayag, sinabi ng Panginoon na ang sinabi Niya kay Emma ay hindi lamang para sa kanya kundi iyon ang Kanyang “tinig sa lahat.”9 Taglay ang awtoridad ng propeta, inulit ni Joseph Smith ang puntong ito, at binigyang-diin na ang payo at mga babala sa paghahayag na ito ay angkop sa lahat ng miyembro ng bagong inorganisang samahan. Sinabi niya “hindi lamang si [Emma], kundi maging ang iba, ay maaaring magtamo ng mga pagpapala ring iyon.”10 Ang paghahayag na ito ang nagtakda ng mga saligang alituntunin para sa kababaihang Banal sa mga Huling Araw.

Pagkatapos ng kaunting talakayan, nagpasiya ang kababaihan na tawagin ang kanilang sarili na Female Relief Society of Nauvoo. Sinabi ni Emma Smith: “May gagawin tayong isang bagay na di karaniwan. … Umaasa tayong magkakaroon ng mga pambihirang pagkakataon at mahihirap na gawain.”11

Pangulong John Taylor

John Taylor

Pagkatapos ng pulong, ibinahagi ni Elder John Taylor ang nasa kanyang isipan. Sinabi niya na “nagalak ang [kanyang] puso” nang makita niyang “nangunguna ang mararangal na tao sa gayong mithiin, na nilayong isagawa ang bawat kabutihan at ipakita ang kagandahang-loob ng kababaihan.” Nagalak din siya na “makita na inorganisa ang samahang ito ayon sa batas ng langit—batay sa isang paghahayag na naunang ibinigay kay Mrs. [Emma] Smith na humirang sa kanya sa mahalagang katungkulang ito—at makita ang lahat ng bagay na sumusulong sa napakagandang paraan.” Dalangin niya na “nawa ang mga pagpapala ng Diyos at ang kapayapaan ng kalangitan ay manatili sa samahang ito mula ngayon.” Pagkatapos ay isinatinig ng isang koro ang sinabi ni Elder Taylor, sa pag-awit ng “Tayo’y magalak sa araw ng kaligtasan” bago ang pangwakas na panalangin.12

Awtoridad, mga Huwaran, at Pagpapala ng Priesthood

Sa isang miting ng Relief Society makalipas ang anim na linggo, tinuruan ni Propetang Joseph Smith ang kababaihan at pagkatapos ay sinabing: “Ang samahang ito ay tuturuan ayon sa kaayusang itinakda ng Diyos—sa pamamagitan ng mga inatasang mamuno—at ipinipihit ko ngayon ang susi para sa inyo sa ngalan ng Diyos, at ang samahang ito ay magagalak, at kaalaman at katalinuhan ang dadaloy mula sa oras na ito—ito ang simula ng mas magagandang araw sa samahang ito.”13

Bilang propeta ng Panginoon, hawak noon ni Joseph Smith ang lahat ng susi ng awtoridad ng priesthood sa lupa. Dahil dito, nang iorganisa niya ang Relief Society upang kumilos sa ilalim ng kanyang pamamahala, binuksan niya ang mga pagkakataon na makaganap sa mahahalagang tungkulin ang kababaihan ng Simbahan sa gawain ng kaharian ng Panginoon. Sila ngayon ay naglilingkod sa ilalim ng awtoridad ng priesthood at pinangakuan ng mga pagpapalang higit pa sa natanggap na nila. Ang mga pagpapalang ito ay darating sa kanila batay sa kanilang katapatan at kasigasigan. Dadaloy sa kanila ang kaalaman at katalinuhan sa pagtanggap nila ng kabuuan ng mga pagpapala ng priesthood sa loob ng templo. Matatanggap nila ang mga ordenansa at gagawa ng mga sagradong tipan na tutulong sa kanila upang maihanda ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya sa buhay na walang-hanggan. (Para sa dagdag pang kaalaman tungkol sa Relief Society at sa priesthood, tingnan sa kabanata 8.)

Ang Pananabik Nila Noon sa Relief Society

Ang Female Relief Society of Nauvoo ay mabilis na dumami, at ang bilang ng mga miyembro nito ay umabot nang mahigit 1,100 noong Agosto 1842. Noong una, hindi kaagad nagiging miyembro ng samahan ang lahat ng babaeng miyembro ng Simbahan. Kailangang humingi ng pahintulot ang kababaihan upang mapabilang, at tinatanggap sila batay sa kanilang kabaitan at kabutihan. Sinabi ni Joseph Smith, “Dapat ay may isang natatanging samahan, na hiwalay sa lahat ng kasamaan ng mundo, piling-pili, mabuti, at banal.”14

Usap-usapan noon ng kababaihan sa Nauvoo ang pagsali sa Relief Society. Sabik silang magbigay ng temporal at espirituwal na tulong sa organisado at awtorisadong paraan. Kinilala rin nila ang walang-kapantay na pagkakataong maturuan ng isang propeta bilang paghahanda sa mas mataas na espirituwal na kaalaman at mga pagpapala ng templo. Gustung-gusto nilang nagkakaisa sila at kasama ang kanilang mga kapatid sa priesthood sa mga dakilang layuning ito.

Ngayong mayroon nang ganitong pribilehiyo ang kababaihan, may responsibilidad silang mamuhay nang ayon dito. Sinabi ni Joseph Smith sa kanila: “Nasa situwasyon kayo ngayon na makakakilos kayo ayon sa habag na itinanim ng Diyos sa puso ninyo. Kung ipamumuhay ninyo ang mga alituntuning ito, napakadakila at napakaluwalhati nito!”15 Tulad ng sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol pagkaraan ng maraming taon, “Obligasyon ng isang babae na taglayin sa kanyang buhay ang mabubuting katangiang itinataguyod ng Relief Society gaya ng obligasyon ng kalalakihan na taglayin sa kanilang buhay ang mga huwaran ng pag-uugaling itinataguyod ng priesthood.”16

Ang Relief Society ay hindi lamang isa pang grupo ng kababaihan na nagsisikap na gumawa ng kabutihan sa mundo. Kakaiba ito noon. Ito’y “mas mainam” dahil inorganisa ito sa ilalim ng awtoridad ng priesthood. Ang organisasyon nito ay mahalagang hakbang sa paghahayag ng gawain ng Diyos sa daigdig. Inihanda nito ang kababaihan ng Simbahan sa pagtanggap ng mga ordenansa at tipan ng priesthood, at tinulungan sila nito sa kanilang mga responsibilidad sa pamilya.

Mga Tagubilin ni Joseph Smith

Sa unang miting ng Female Relief Society of Nauvoo, si Sister Eliza R. Snow ang hinirang na maging kalihim ng samahan. Sa katungkulang iyon, buong ingat niyang isinulat ang mga detalye, na tinatawag na minutes o katitikan, ng bawat miting ng Relief Society na kanyang dinaluhan. Sinabi ni Joseph Smith sa kababaihan na ang mga minutes o katitikang ito ang magiging “konstitusyon at tuntunin” ng samahan.17

Sa karamihan ng mga miting ng Relief Society, iniukol ng kababaihan ang panahon sa pagtanggap ng tagubilin. Mapalad ang kababaihan at naturuan sila ni Propetang Joseph Smith sa anim sa kanilang mga miting. Habang nagtuturo siya, nadama nila ang matinding pagbuhos ng Espiritu. Sa pagtatapos ng isa sa mga miting na ito, itinala ni Sister Snow na, “Ang Espiritu ng Panginoon ay ibinuhos sa napaka-makapangyarihang paraan, kaya’t hindi ito malilimutan kailanman ng mga dumalo sa napakagandang okasyong iyon.”18

Sa lahat ng mga minutes o katitikang itinala ni Sister Snow, ang itinala niyang mga turo ng Propeta ang pinaka-nakaaantig. Ang mga itinuro ng Propeta sa pagkakataong ito ang gumabay sa gawain ng kababaihan ng Relief Society at ng mga lider ng priesthood na kasama nilang naglilingkod. Ang mga turong ito ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa gawain ng Simbahan ngayon.

Itinuro ni Joseph Smith ang mga alituntunin na nakatulong sa kababaihan ng Relief Society na “magbigay-ginhawa sa mga dukha” at “magligtas ng mga kaluluwa”—mga saligang alituntunin kung saan nakasalig ang samahan.19 Dahil nakasalig sa pundasyong ito, naging matatag ang Relief Society at tumindi ang impluwensya nito. Simula noong mga unang miting ng Relief Society, ipinamumuhay na ng kababaihan ang mga itinuturo ng Propeta sa pagsisikap nilang pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan.

Pag-ibayuhin ang Pananampalataya at Sariling Kabutihan

Itinuro ni Joseph Smith sa kababaihan na mayroon silang sagradong obligasyon na hangarin ang sarili nilang kaligtasan. Sabi niya, “Maaari lamang tayong mabuhay sa pamamagitan ng pagsamba sa ating Diyos —kailangang gawin ito ng lahat para sa kanilang sarili—walang maaaring gumawa nito para sa iba.”20 Tinuruan niya silang maging mabubuting tao, na maging mga banal na tao, at maghanda para sa mga ordenansa at tipan sa templo. Hinikayat niya silang makipagkasundo sa Panginoon, sa mga taong nakapaligid sa kanila, at sa kanilang sarili: “Kababaihan … , magkakaroon ba ng pagtatalu-talo sa inyo? Hindi ko pahihintulutan ito—kailangan ninyong magsisi at kamtin ang pagmamahal ng Diyos.”21 “Hindi digmaan, hindi alitan [awayan], hindi pagtatalu-talo, o paglaban, kundi kaamuan, pagmamahal, kadalisayan, ang mga bagay na ito ang dapat mag-angat sa [atin].”22

Sa isang miting ng Relief Society, tinalakay ni Propetang Joseph ang kabanata 12 ng aklat ng I Mga Taga Corinto, na binibigyang-diin na bawat babae, na gumaganap sa kanyang tungkulin, ay mahalaga sa buong Simbahan. Nagbigay siya ng “mga tagubilin tungkol sa iba’t ibang katungkulan [sa Simbahan], at sa pangangailangang kumilos ang bawat tao sa responsibilidad na ibinigay sa kanya; at gumanap sa iba’t ibang katungkulang iniatas sa kanila.” Nagbabala rin siya laban sa ugali [ng tao] na “itinuturing na hindi marangal ang mas mabababang katungkulan sa Simbahan, at naiinggit sa katayuan ng iba.” Sinabi niyang ito ay “walang saysay sa puso ng isang tao, ang hangarin ng isang tao ang ibang katungkulan [maliban] sa itinalaga sa kanya ng Diyos.”23 Sa pamamagitan ng gayong mga turo, tinulungan niya ang kababaihan na lumakad “sa kabanalan sa harapan ng Panginoon.”24

“Kung haharap tayo sa Diyos,” sabi ni Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society, “maging dalisay tayo mismo.”25

Palakasin ang mga Pamilya at Tahanan

Bagamat ang kababaihan ng Relief Society noon ay abala sa kanilang komunidad at handang maglingkod sa kanilang kapwa, hindi nila nalimutan kailanman ang kanilang mga responsibilidad sa kanilang sariling mga pamilya at tahanan. Sila ay tapat sa kanilang angking mga kaloob bilang mga ina at tagapangalaga. Sila’y tapat din sa mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith tungkol sa mga responsibilidad sa pamilya:

“Ang tungkulin ng iyong tawag ay maging taga-alo ng … iyong asawa, sa kanyang mga pagdurusa, [na] may mga mapang-along salita, sa diwa ng kaamuan.”26

“Yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.

“Sapagkat ito ay magiging batas sa mga naninirahan sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag.

“At ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang, at tatanggapin ang pagpapatong ng kamay.

“At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.”27

“Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan. …

“… Una ay isaayos [mo] ang [iyong] sambahayan. …

“Kung ano ang sinasabi ko sa isa ay sinasabi ko sa lahat. …

“… Tiyaking [ang mga miyembro ng pamilya] ay maging higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan, at manalangin tuwina.”28

Isinasaad ng mga hango mula sa minutes o katitikan ng Female Relief Society of Nauvoo na hindi kailanman nalimutan ni Joseph Smith at ng kababaihan ang mga alituntunin sa mga paghahayag na ito. Ipinakita ng kanilang mga salita at gawa na ang kanilang mga tahanan at ang mga tahanan ng iba ang nangunguna sa kanilang isipan. Halimbawa, itinuro ni Emma Smith na “nararapat pangalagaan ng mga ina ang kanilang mga anak na babae at hikayatin silang manatili sa landas ng kabanalan.”29 Nagpakita ng lubos na pagmamalasakit si Propetang Joseph sa relasyon ng mag-asawa. Pinayuhan niya ang kababaihan na: “Hayaang ituro ng samahang ito ang pagpapahalaga sa mga asawang lalaki, pahalagahan sila nang may kahinahunan at pagmamahal. Kapag nabibigatan sa problema ang isang lalaki—kapag siya ay naguguluhan dahil sa alalahanin at paghihirap, kung siya ay sasalubungin ng isang ngiti sa halip na pakikipagtalo—kung siya ay sasalubungin ng kahinahunan, papayapain nito ang kanyang kaluluwa at pagiginhawahin ang kanyang pakiramdam. Kapag dumarating sa [kanyang] isipan ang kawalang pag-asa, kailangan nito ng aliw. … Kapag umuwi kayo ng bahay, huwag na huwag pagalit na magsalita o magsabi ng masasakit na salita, kundi hayaang ang kabaitan, pag-ibig sa kapwa at pagmamahal ang magpadakila sa inyong mga ginagawa.”30 Sa iba pang pagkakataon, gayundin ang payong ibinigay ng Propeta sa kalalakihan, sinasabing tungkulin ng asawang lalaki na “mahalin, itangi, at alagaan ang kanyang asawa” at “isaalang-alang ang [kanyang] nadarama nang may kabaitan.”31

Nang talakayin ng kababaihan ng Relief Society ang mga paraan para tulungan ang mga tao sa kanilang komunidad, madalas nilang pagtuunan ng pansin ang mga pamilya at tahanan. Ang mga minutes o katitikan ng kanilang mga pulong ay puno ng pahayag tulad ng mga sumusunod: “Binanggit ni Mrs. Hawkes ang pamilya Drury —maysakit pa rin sila at kailangan ang ating mga dasal—kung wala nang [magagawa pa].”32 “Dinalaw ni Sister Joshua Smith … sina Sister McEwen at Sister Modley. Inabutan niya sila at ang kanilang mga pamilya na naghihikahos. Kailangan silang tulungan araw-araw.”33 “Ilalapit ni P. M. Wheeler … sa kawanggawa ng samahang ito si Sister Francis Lew Law, na maysakit at walang tirahan, isang matandang balo at sa ngayon ay hirap na hirap sa buhay.”34 “Inireport ni Sister Peck na si Mr. Guyes at ang pamilya nito ay maysakit at naghihirap. Tumulong sa kanilang ikagiginhawa. … Sinabi ni Mrs. Kimball na si Mr. Charleston at ang pamilya nito ay maysakit, ang kanyang maybahay ay mahinang-mahina at kailangang alagaan. Sinabi niyang tinulungan niya sila.”35

Ang nagkakaisang pagsisikap ng mga Banal na makapagtayo ng templo sa Nauvoo ay bunga ng pagmamahal nila sa kanilang mga pamilya. Itinuro sa kanila ni Propetang Joseph na maaari silang mabinyagan para sa kanilang mga kaanak na pumanaw na. Pinayagan silang pansamantalang isagawa ang mga ordenansang ito sa labas ng templo, ngunit iniutos sa kanila ng Panginoon na:

“Magtayo ng bahay sa aking pangalan, para sa Kataas-taasan upang manahanan doon.

“Dahil walang dako na matatagpuan sa mundo na siya ay maaaring magtungo at ibalik muli yaong nawala sa inyo, o yaong kanyang kinuha, maging ang kaganapan ng pagkasaserdote.

“Dahil ang lugar na pinagbibinyagan ay wala sa mundo, na sila, aking mga banal, ay maaaring binyagan para sa yaong mga patay—

“Sapagkat ang ordenansang ito ay nabibilang sa aking bahay.”36

Gusto rin nilang magtayo ng templo upang matanggap nila ang bago at walang hanggang tipan ng kasal, kung saan ang kanilang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman.37

Lubos na napanatag ang mga miyembro ng simbahan ukol sa mga pagbibinyag para sa mga patay at sa pangako na walang-hanggan ang mga pamilya. Isa sa mga miyembrong ito ang isang babaeng nagngangalang Sally Randall. Nang mamatay ang kanyang 14-na taong gulang na anak na si George, ipinaabot niya ang malungkot na balita sa mga kamag-anak. Hindi nagtagal matapos iyon, nalaman niya ang tungkol sa binyag para sa mga patay. Muli siyang sumulat sa kanyang mga kamag-anak, at sa pagkakataong ito ay taglay ang bagong nakamtan na kapayapaan at katiyakan:

“Ang ama ni [George] ay nabinyagan para sa kanya at napakasaya talaga na naniwala kami at natanggap ang kabuuan ng ebanghelyo gaya ng pagkapangaral nito ngayon at maaari nang mabinyagan para sa lahat ng aming namatay na mga kaibigan at mailigtas sila hanggang sa kaya naming masaliksik tungkol sa kanila. Isulat ninyo sa akin ang mga pangalan ng lahat ng ating mga kamag-anakan na nangamatay na hanggang sa mga lolo’t lola natin. Nais kong gawin ang magagawa ko para mailigtas ang mga kaibigan ko. … Inaasahan kong iisipin ninyong kakaiba ang doktrinang ito ngunit malalaman ninyong totoo ito.”

Sa kanyang ina, na namatayan ng anak, nagpatotoo si Sally na, “Inay, kung tuwang-tuwa tayo na magkaroon ng bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli, mapapasaatin ang ating mga anak sa gayon ding katauhan nang ihimlay natin sila sa kanilang libingan.”38

Magbigay-Ginhawa sa Pamamagitan ng Paghanap at Pagtulong sa mga Nangangailangan

Mula nang maitatag ang Simbahan noong 1830, naglingkod na sa maraming paraan ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Sila ay naging tapat sa mga salita ng Tagapagligtas: “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”39

Nang pangunahan ni Propetang Joseph Smith ang pagsisikap na magtayo ng templo sa Kirtland, Ohio, nakita ng kababaihan ang maraming pangangailangan ng mga trabahador at ng kanilang mga pamilya. Sa salaysay ni Sarah M. Kimball, “Gumagawa ng mantikilya ang kababaihan at masayang ipinadadala ito sa mga manggagawa sa Templo samantalang wala sila nito sa kanilang hapag-kainan.”40 Nakita rin ng kababaihan na kailangang gumawa ng mga carpet o alpombra at mga kurtina para sa templo. Naalala ni Polly Angell ang sinabi ni Joseph Smith nang makita silang nagtatrabaho. Sabi niya: “Ang kababaihan ay laging nangunguna at pinakauna sa lahat ng mabubuting gawa. Si Maria [Magdalena] ang una na nakakita sa pagkabuhay na mag-uli; at ang kababaihan naman ngayon ang unang nakapagtrabaho sa loob ng templo.”41

Sa pagkaorganisa ng Relief Society sa ilalim ng awtoridad ng priesthood, lalong nadagdagan ang pagsisikap na tulungan ang mga nagtatayo ng Nauvoo Temple. Sa isang miting ng Relief Society, pinagtuunang mabuti ng kababaihan ang mga praktikal na paraan na mapaglilingkuran nila ang kalalakihang masigasig na nagtatrabaho sa templo. “Isa-isang nagpahayag ng kanilang damdamin ang kababaihan,” na nagpapakita ng nagkakaisang “hangarin na tumulong sa pagtatayo ng templo at sa pagtulong sa layunin ng Sion.” Nakatala sa minutes o katitikan ang maraming naiambag ng mga miyembro ng Relief Society:

“Sinabi ni Sis. Jones na handa siyang maglibot at manghingi ng materyal, kung ipagagawa ito sa kanya—nag-alok din siya ng pagkain at matutuluyan sa isang taong magtatrabaho sa templo.

“Sinabi ni Mrs. Durfee na kung nais ng mga pinuno ng samahan, handa siyang maglibot sakay ng bagon at mangalap ng lana atbp. para maisulong ang gawain.

“Iminungkahi ni Mrs. Smith na mag-ambag ng materyal ang mga maybahay ng mga negosyante para magkaroon ng trabaho ang iba.

“Si Miss Wheeler ay nagsabing handa siyang magbigay ng kahit ilang materyal, o ng kanyang buong panahon—

“Si Mrs. Granger [ay] handang gawin ang kahit ano, mag-knitting, manahi, o magbantay ng maysakit, alinman dito ang kailangang-kailangan.

“Sinabi ni Miss Ells na handa siyang maglibot at mangalap ng mga donasyon atbp.

“Si Mrs. Angell ay nagsabing handa siyang sulsihan at ayusin ang mga lumang damit kung kailangan kung wala pang makukuhang bagong materyal.

“Iminungkahi ni Mrs. Smith na kumuha ng lana at bigyan ang matatandang kababaihan ng yarn para gumawa ng mga medyas upang masuplayan ang mga manggagawa sa templo sa susunod na taglamig.

“Nagboluntaryo si Sis. Stringham na magtatahi siya ng mga kasuotan ng kalalakihan at dadalhin ito sa templo.

“Sinabi ni Sis. Felshaw na magbibigay siya ng ilang sabon. …

“Iminungkahi ni Sis. Stanley na magbigay ng kada ikasampung libra ng flax, at isang quart ng gatas din sa bawat araw.

“Si Miss Beman ay magtatahi ng mga damit.

“Nagmungkahi si Sis. Smith na kumuha ng muslin (manipis na telang pansala) atbp. mula sa mabubuting mangangalakal na hindi miyembro ng Simbahan. …

“Sinabi ni Sis. Geen na mag-aambag siya ng sinulid na gagamitin niya mismo sa spinning o pagsusulid.”42

Mula sa puso ng kababaihang ito ay dumaloy ang dakilang hangaring gumawa nang mabuti. Ginawa nila ito gamit ang lana at mga bagon, sabon at pananahi, pagkain at kahusayan, panahon at mga talento. Sa pamamagitan ng kanilang bagong samahan, kumilos ang kababaihan ng Simbahan ayon sa likas na pagkamahabagin nila upang itayo ang Simbahan ng Panginoon.

Hinikayat ni Propetang Joseph Smith ang kababaihan ng Relief Society sa kanilang pagsisikap na palakasin ang mga nangangailangan. Sa isang miting ng Relief Society, matapos silang turuan gamit ang I Mga Taga Corinto 12 (tingnan sa pahina 21), sinimulan niyang basahin ang pahayag ni Pablo tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao sa I Mga Taga Corinto 13. Sa pagsasalita tungkol sa kabanatang ito, sinabi niya: “Pahalagahan ninyo ang kabutihang ginawa ng inyong kapwa. … Kung gagawin ninyo ang ginawa ni Jesus, dapat ninyong pag-ibayuhin ang inyong pagmamahal at paggalang sa isa’t isa. … Habang nadaragdagan ang inyong kadalisayan at kabaitan, habang nadaragdagan ang inyong kabutihan, hayaang lalong magmahal ang inyong puso—dagdagan ang inyong pagmamahal at pagkahabag sa iba—kailangan pa ninyong magtiis at magpasensya sa mga pagkukulang at pagkakamali ng sangkatauhan. Napakahalaga ng kaluluwa ng mga tao!”43

Sa isa pang miting ng Relief Society, itinuro niya: “Walang higit na makaaakay sa mga tao na talikuran ang kasalanan maliban sa paghawak sa kanilang kamay at magiliw na pangangalaga sa kanila. Kapag nagpakita ng kahit kaunting kabaitan at pagmamahal sa akin ang mga tao, lubos na naaantig ang aking damdamin, samantalang ang paggawa ng kabaligtaran nito ay nagpapatindi ng lahat ng di-mabuting damdamin at nagpapalungkot sa tao.”44

Tinanggap ng kababaihan ng Relief Society ang mapagkawanggawang paglilingkod bilang saligang alituntunin ng kanilang samahan. Bawat linggo sa pagpupulong ng Female Relief Society of Nauvoo, inirereport ng bawat babae ang mga taong nangangailangan. Tumanggap ng mga donasyon ang ingat-yaman, at ang mga donasyon ay ipinamahagi upang bigyang-ginhawa ang mga nangangailangan. Kasama sa mga donasyon ang pera, mga pagkain at kagamitan, talento, at panahon. Ang kababaihan ay nagbigay ng mga damit at mahihigaan. Nagbigay sila ng flax, lana, at yarn na maaaring gawing damit. Nagbigay rin sila ng pagkain: mga mansanas, sibuyas, harina, asukal, tinapay, at mantikilya.

Si Sister Emma Smith, bilang pangulo ng Relief Society, ay napakagandang halimbawa ng mapagkawanggawang paglilingkod. Binuksan niya ang kanyang tahanan sa mga nagugutom, walang tahanan, at maysakit. “Ang Homestead,” na siyang tawag minsan sa tahanan ng mga Smith na yari sa troso, ay mayroong isang silid para sa pagtitipon at dalawang silid-tulugan. Nang maorganisa ang Relief Society, tumira sa tahanan ang 11 katao bukod pa kina Emma, Joseph, at 4 nilang anak.

Ang kababaihan ng Relief Society noon ay naglingkod sa mga nangangailangan at sila rin paminsan-minsan ay napaglingkuran. Halimbawa, si Ellen Douglas ay sumapi sa Relief Society pagkadating niya at ng kanyang pamilya sa Nauvoo noong Marso 1842. Makalipas ang tatlong buwan, ang kanyang asawang si George ay namatay. Nagtulungan sila ng kanyang pamilya upang matustusan ang kanilang sarili, ngunit dahil wala ang kanyang asawa nahirapan sila. Gayunman, nakibahagi pa rin si Ellen sa gawain ng Relief Society sa pamamagitan ng aktibong pagtulong na maib-san ang pagdurusa, sakit, at kahirapan ng iba. At noong Abril 1844, siya at ang ilan sa kanyang mga anak ay nagkasakit at nangailangan sila mismo ng tulong. Sumulat siya sa kanyang pamilya sa England at inilarawan kung paano siya tinulungan ng Relief Society nang bisitahin niya ang isang kaibigang nagngangalang Ann:

“Nang gumaling na ako, nagpunta ako sa lungsod para bisitahin si Ann, at lumagi ako roon nang dalawang gabi. … Sinabihan ako ng babaeng nakatira sa lugar nina Ann na humingi ako sa Female Relief Society ng ilang damit na kailangan ko at ng aking pamilya. Tumanggi akong gawin iyon, pero sinabi niya na nangangailangan ako at matagal akong nagkasakit at kung ayaw kong gawin iyon ay siya ang gagawa nito para sa akin.” Sa huli ay pumayag si Sister Douglas na humingi ng tulong. “Nagpunta kami sa isa sa kababaihan,” pagpapatuloy niya, “at tinanong niya ako kung ano ang kailangang-kailangan ko. Sinabi ko sa kanya na kailangan ko ang … maraming bagay. Noong maysakit ako [nangasira] ang mga damit ng mga anak ko dahil hindi ko [masulsihan] ang mga iyon, kaya’t sinabi niyang gagawin niya ang makakaya niya para matulungan ako. Dumating si Ann pagkaraan ng ilang araw at nagdala sila ng bagon at binigyan ako ng regalong noon ko lamang natanggap.”45

“Upang Makaupo Tayo nang Magkakasama sa Langit”

Inilarawan ni Elder John A. Widtsoe ng Korum ng Labindalawang Apostol ang saligang gawain ng Relief Society: “Pag-aahon sa kahirapan; pagpapagaling sa karamdaman; pagpawi sa pag-aalinlangan, pagdaig sa kamangmangan—pag-aalis sa lahat ng humahadlang sa kagalakan at pag-unlad ng kababaihan. Napakadakilang gawain!”46

Sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw, na matatatag sa pananampalataya at patotoo, tunay na ipinagkatiwala ang “gawain ng mga anghel.”47 Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bawat kapatid na babae sa Simbahang ito na gumawa ng mga tipan sa Panginoon ay binigyan ng banal na tagubilin na tumulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa, na akayin ang kababaihan ng daigdig, patatagin ang mga tahanan sa Sion, at itayo ang kaharian ng Diyos.”48

Nang magpasiya sina Sarah M. Kimball at Margaret Cook na simulan ang samahan ng mananahi, nais nilang tumulong sa paghahanda ng templo para sa mga tao. Sa inspirasyon at patnubay ng isang propeta at iba pang mga pinuno ng priesthood, sa huli ay naihanda nila at ng kababaihan ang mga tao para sa templo.

Patuloy pa rin ang gawaing ito ngayon. Nagagabayan ng mga alituntuning itinuro ni Joseph Smith, sama-samang gumagawa ang kababaihan ng Relief Society upang ihanda ang kababaihan at ang kanilang mga pamilya sa pinakadakilang mga pagpapala ng Diyos. Masaya nilang sinusunod ang payo ng ina ni Joseph Smith na si Lucy Mack Smith: “Kailangan nating pakamahalin ang isa’t isa, [pangalagaan] ang isa’t isa, aliwin ang isa’t isa at maturuan, upang makaupo tayo nang magkakasama sa langit.”49

Kabanata 2

  1. Sarah M. Kimball, sa Record of the Relief Society from First Organization to Conference, Abr. 5, 1892, Book II, Church History Library, 29; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay at paggamit ng malaking titik.

  2. Sarah M. Kimball, “Auto-biography,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1883, 51.

  3. Tingnan sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 17, 1842, 6–7; dalawampung kababaihan ang dumalo sa unang miting, at pitong hindi dumalo ang tinanggap sa samahan bilang bahagi ng miting na iyon.

  4. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 17, 1842, Church History Library, 7; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay, pagbabantas, at paggamit ng malaking titik na kinakailangan sa lahat ng hango mula sa aklat na ito ng katitikan.

  5. Tingnan sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 17, 1842, 8–9.

  6. Doktrina at mga Tipan 25:3, 7.

  7. Tingnan sa Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 17, 1842, 8.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 25:2, 5–8, 10–11, 13–15.

  9. Doktrina at mga Tipan 25:16.

  10. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 17, 1842, 8.

  11. Emma Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 17, 1842, 12.

  12. Tingnan sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 17, 1842, 14.

  13. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 40.

  14. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 30, 1842, 22.

  15. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 38.

  16. Boyd K. Packer, sa Conference Report, Okt. 1978, 9–10; o Ensign, Nob. 1978, 8.

  17. Tingnan sa Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 17, 1842, 8.

  18. Eliza R. Snow, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 41.

  19. Tingnan sa Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Hunyo 9, 1842, 63.

  20. Tingnan sa Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Hunyo 9, 1842, 63.

  21. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Hunyo 9, 1842, 63.

  22. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 38.

  23. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 35.

  24. Doktrina at mga Tipan 20:69.

  25. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 38.

  26. Doktrina at mga Tipan 25:5.

  27. Doktrina at mga Tipan 68:25–28.

  28. Doktrina at mga Tipan 93:40, 44, 49–50.

  29. Emma Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 9, 1844, 123.

  30. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 40.

  31. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 565.

  32. Sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 14, 1842, 28.

  33. Sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Ago. 5, 1843, 103.

  34. Sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Ago. 13, 1843, 107.

  35. Sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Meeting of the Female Relief Society of the Third Ward, walang petsa, 112.

  36. Doktrina at mga Tipan 124:27–30.

  37. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131–32.

  38. Sally Randall, sa Kenneth W. Godfrey, Women’s Voices: An Untold History of the Latter-day Saints (1982), 138–39.

  39. Mateo 25:40.

  40. “R. S. Reports,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1876, 50.

  41. Joseph Smith, sinipi sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom (1877), 76.

  42. Sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Hunyo 16, 1843, 91–92.

  43. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 39.

  44. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Hunyo 9, 1842, 62.

  45. Ellen Douglas, liham, may petsang Abr. 14, 1844, typescript, Church History Library.

  46. John A. Widtsoe, Evidences and Reconciliations, isinaayos ni G. Homer Durham, 3 tomo sa 1 (1960), 308.

  47. Emily Woodmansee, “Bilang mga Magkakapatid sa Sion,” Mga Himno, blg. 197.

  48. M. Russell Ballard, “Kababaihan ng Kabutihan,” Liahona, Dis. 2002, 34.

  49. Lucy Mack Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 24, 1842, 18–19.

Nadama ng mga Banal na kailangan nang itayo ang Nauvoo Temple.

Noong Marso 17, 1842, si Emma Smith ang naging unang pangulo ng Relief Society.

Sa pamamagitan nina Pedro, Santiago, at Juan, ipinagkatiwala ng Panginoon “ang mga susi ng [Kanyang] kaharian” kay Joseph Smith (tingnan sa D at T 27:13).

Pinangasiwaan ni Emma Smith ang mga miting ng Relief Society.

Tinuruan ni Propetang Joseph Smith ang kababaihan ng Relief Society.

“Palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan” (D at T 93:40).

Bautismuhan sa Helsinki Finland Temple

Sa Nauvoo, Illinois, pinangunahan nina Emma at Joseph Smith ang pagtulong sa mga nagugutom, walang tahanan, at maysakit.

Toronto Ontario Temple