Seminary
3. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo


3. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Doctrinal Mastery Core Document (2018)

3. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

ang Nabuhay na Mag-uling Tagapagligtas

3.1. Si Jesucristo ay inorden noon pa man sa kapulungan sa buhay bago tayo isinilang para maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Naparito Siya sa mundo at kusang-loob na nagdusa at namatay upang tubusin ang buong sangkatauhan mula sa mga negatibong epekto ng Pagkahulog at bayaran ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan. Ang tagumpay ni Jesucristo sa espirituwal at pisikal na kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, pagkamatay, at Pagkabuhay na Mag-uli ay tinatawag na Pagbabayad-sala. Ang Kanyang sakripisyo ay pakikinabangan ng bawat isa sa atin at nagpapakita ng walang-hanggang kahalagahan ng bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit (tingnan sa DT 18:10–11).

3.2. Sa pamamagitan lamang ni Jesucristo tayo maliligtas dahil Siya lamang ang may kakayahang gumawa ng isang walang-katapusan at walang-hanggang Pagbabayad-sala para sa buong sangkatauhan (tingnan sa Alma 34:9–10). Siya lamang ang may kapangyarihang dumaig sa pisikal na kamatayan. Mula sa Kanyang mortal na inang si Maria, namana Niya ang kakayahang mamatay. Mula sa Diyos, ang Kanyang imortal na Ama, namana Niya ang kapangyarihang mabuhay magpakailanman o ialay ang Kanyang buhay at kunin itong muli. Siya lamang ang makatutubos sa atin mula sa ating mga kasalanan. Dahil namuhay Siya nang sakdal at walang kasalanan, malaya Siya mula sa mga hinihingi ng katarungan at kaya Niyang bayaran ang pagkakautang ng mga taong nagsisisi.

3.3. Kabilang sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang Kanyang pagdurusa para sa mga kasalanan ng sangkatauhan sa Halamanan ng Getsemani, ang pagtigis ng Kanyang dugo, ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus, at ang Kanyang literal na Pagkabuhay na Mag-uli. Siya ang unang nabuhay na mag-uli. Bumangon Siya mula sa libingan nang may niluwalhati at imortal na katawang may laman at buto (tingnan sa Lucas 24:36–39). Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala mabubuhay na mag-uli ang buong sangkatauhan na may perpekto at imortal na katawan at makababalik sa piling ng Diyos para mahatulan. Inilaan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ang tanging paraan para tayo malinis at mapatawad sa ating mga kasalanan upang makapiling natin ang Diyos nang walang-hanggan (tingnan sa Isaias 1:18; DT 19:16–19).

3.4. Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, hindi lang nagdusa si Jesucristo para sa ating mga kasalanan, kundi dinala rin Niya sa Kanyang sarili ang mga pasakit, tukso, karamdaman, at kahinaan ng buong sangkatauhan (tingnan sa Isaias 53:3–5; Alma 7:11–13). Nauunawaan Niya ang ating pagdurusa dahil naranasan Niya ito. Kapag lumalapit tayo sa Kanya nang may pananampalataya, palalakasin tayo ng Tagapagligtas para makayanan natin ang ating mga pasanin at maisakatuparan ang mga gawaing hindi natin kayang gawing mag-isa (tingnan sa Mateo 11:28–30; Eter 12:27).

3.5. Sa pagbabayad para sa kaparusahan ng ating mga kasalanan, hindi inalis ni Jesucristo ang ating personal na responsibilidad. Para matanggap ang Kanyang sakripisyo, malinis mula sa ating mga kasalanan, at magmana ng buhay na walang-hanggan, kailangan tayong manampalataya sa Kanya, magsisi, mabinyagan, tanggapin ang Espiritu Santo, at manatiling tapat hanggang magwakas ang ating buhay.

Mga kaugnay na reperensya: Juan 3:5; I Mga Taga Corinto 15:20–22; Mosias 3:19; 3 Nephi 11:10–11; 3 Nephi 27:20; DT 76:22–24

Mga kaugnay na paksa: Ang Panguluhang Diyos: Jesucristo; Ang Plano ng Kaligtasan: Ang Pagkahulog; Mga Ordenansa at mga Tipan

Pananampalataya kay Jesucristo

3.6. Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang ating pananampalataya ay hahantong lamang sa kaligtasan kung ito ay nakasentro kay Jesucristo (tingnan sa Helaman 5:12).

3.7. Kasama sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ang matibay na paniniwala na Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Alam natin na ang tanging paraan para makabalik tayo sa ating Ama sa Langit ay sa pagsalig sa walang-katapusang Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak at sa pagtitiwala kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga aral o turo. Higit pa sa basta paniniwala lang, ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay humahantong sa pagkilos at ipinapakita sa paraan ng ating pamumuhay (tingnan sa Santiago 2:17–18). Ang ating pananampalataya ay mapapalakas kapag tayo ay nananalangin, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, at sumusunod sa mga utos ng Diyos.

Mga kaugnay na reperensya: Mga Kawikaan 3:5–6; Eter 12:6; DT 6:36

Kaugnay na paksa: Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman

Pagsisisi

3.8. Ang pananampalataya kay Jesucristo at ang ating pagmamahal sa Kanya at sa Ama sa Langit ay inaakay tayong magsisi. Ang pagsisisi ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang mga anak na mananagot sa kanilang mga pagpili. Naging posible ang kaloob na ito dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pagsisisi ay pagbabago ng puso’t isipan. Kabilang dito ang pagtalikod sa kasalanan at pagtutuon ng ating isipan, kilos, at hangarin sa Diyos at pagsunod sa Kanyang kalooban (tingnan sa Mosias 3:19).

3.9. Kasama sa pagsisisi ang pagkilala sa ating mga kasalanan; matinding kalungkutan, o kalumbayang mula sa Diyos, dahil sa nagawang kasalanan; pagtatapat ng ating mga kasalanan sa Ama sa Langit at, kung kailangan, sa iba; pagtalikod sa kasalanan; pagsisikap na ibalik, hangga’t maaari, ang lahat ng nasira dahil sa nagawa nating kasalanan; at pamumuhay na sumusunod sa mga utos ng Diyos (tingnan sa DT 58:42–43). Nangangako ang Panginoon na patatawarin tayo sa ating mga kasalanan sa oras ng binyag, at napapanibago natin ang tipang iyan tuwing taimtim tayong nakikibahagi ng sakramento na may layuning alalahanin ang Tagapagligtas at sundin ang Kanyang mga utos.

3.10. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at sa biyayang inihandog sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari nating matanggap ang kapatawaran ng Diyos at madama ang kapayapaan. Mas madarama natin ang impluwensya ng Espiritu, at mas handa tayong mabuhay nang walang-hanggan kasama ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak.

Mga kaugnay na reperensya: Isaias 1:18; Juan 14:15; 3 Nephi 27:20; DT 19:16–19

Kaugnay na paksa: Mga Ordenansa at mga Tipan