Ang Paboritong Awitin ni Fatima
Paluksu-luksong naglakad si Fatima sa kalye. Naglalakad siya pauwi mula sa paaralan kasama si Mamá. Hinimig niya ang isang awitin habang paluksu-lukso siya.
“Hiniling ni Bb. Lopez na matuto kami ng isang awitin,” sabi ni Fatima. “Puwede po ba ninyo akong turuan?”
Ngumiti si Mamá. “Oo naman!”
Pagdating nila sa bahay, magkasamang kumanta sina Mamá at Fatima. Marami silang kinanta. Pero hindi pa nila nakakanta ang paborito niya.
“Puwede po ba akong kumanta ng isang awitin sa Primary?” tanong ni Fatima.
“Siyempre naman,” sabi ni Mamá.
Kinanta ni Fatima ang “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan.” Pinraktis niya ang mga salita kasama ni Mamá. Pagkatapos ay mag-isa niya itong kinanta. Kinanta niya ito hanggang sa nasasabi na niya nang tama ang lahat ng salita.
Sa paaralan, sabik si Fatima na ibahagi ang kanyang awitin sa kanyang klase.
“May gusto bang magbahagi ng kanyang awitin?” sabi ni Bb. Lopez.
Itinaas ni Fatima ang kanyang kamay. “Ako po!”
Tumayo siya at ngumiti. “Dito ako’y may mag-anak. Kami’y nagmamahalan,” pagkanta niya.
Habang kumakanta siya, masaya si Fatima. At naalala niya ang buong awitin! Pumalakpak ang lahat sa kanyang klase.
Pagkatapos ng klase, dumating si Mamá para sunduin si Fatima. Nakipag-usap si Bb. Lopez kay Mamá.
“Ang ganda po ng kinanta niya. At mukhang hindi man lang siya natakot.”
Ngumiti si Fatima. Gayon din si Mamá.
“Kumakanta po kami ng magagandang awitin linggu-linggo sa simbahan!” sabi ni Fatima.
“Maaari kang sumama sa amin anumang oras,” sabi ni Mamá.
Ngumiti si Bb. Lopez. “Salamat po.”
Kumanta si Fatima habang naglalakad pauwi kasama si Mamá. Gusto niyang nagbabahagi ng isang awitin sa kanyang klase. Masaya siya kapag kumakanta.