Kaibigan sa Kaibigan
Panindigan ang Inyong Pinaniniwalaan
Mula sa isang interbyu kasama si Sydney Squires.
Noong lumalaki ako, kinausap ako ng nanay ko tungkol sa ebanghelyo. Araw-araw niya itong binabanggit, hindi lang tuwing Linggo. Gustung-gusto niya ang mga kuwento mula sa Lumang Tipan.
Ang paborito kong kuwento ay ang tungkol kina David at Goliat. Si David ay isang bata pang pastol. Si Goliat ay isang malaki at malakas na kawal. Nang lumaban si David kay Goliat, walang suot na baluti si David. Ang tanging sandata niya ay isang tirador na panghagis ng maliliit na bato.
Ngunit pinanindigan ni David ang kanyang pinaniniwalaan. Hindi siya nag-iisa. Ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa kanya. Natalo niya si Goliat.
Gustong sinasabi sa akin ng nanay ko ang sinabi ni David kay Goliat: “Lumalapit ka sa akin na may tabak, may maliit at malaking sibat, ngunit ako’y lumalapit sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo” (1 Samuel 17:45). Alam ko na tiwala ang nanay ko na sasamahan kami ng Diyos. Tutulungan Niya tayo kahit nahaharap tayo sa mga hamon na kasinglaki ni Goliat.
Mahalagang aral ito para sa akin. Sa lugar na kinalakihan ko, madalas ako lang ang miyembro ng Simbahan sa paaralan, sa mga sports team ko, o sa grupo ng mga kaibigan ko. Dahil sa aking mga paniniwala, kakaiba ang pagsasalita at pagkilos ko kumpara sa marami sa aking mga kaibigan. Humantong ito sa maraming pakikipag-usap sa mga kaibigan ko tungkol sa Simbahan. Iginalang ako ng malalapit kong kaibigan. Sa ibang mga pagkakataon ay tinukso ako ng mga tao. Pero hindi ko kailanman ikinahiya ang mga pinaniniwalaan ko. Masaya akong manindigan para sa isang bagay.
Kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo, magiging kakaiba tayo. Sinabi ni Apostol Pedro na tayo ay magiging “pag-aari ng Diyos” (1 Pedro 2:9). At OK lang iyan. Hindi tayo kailangang mag-alala tungkol sa pagiging kaiba kapag naninindigan tayo sa ating pinaniniwalaan.