2022
Ang Mahabang Paghahanap ni Michael
Hulyo 2022


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Ang Mahabang Paghahanap ni Michael

Nag-isip si Michael kung aling simbahan ang totoo.

boy in India walking to school

Isinukbit ni Michael ang kanyang backpack sa kanyang balikat. Iyon ang unang araw ng pasok sa paaralan, at hindi siya makapaghintay! Siya at ang kanyang pamilya ay nakatira sa India. Maraming bata sa kanyang lungsod ang hindi makapag-aral. Nagpapasalamat si Michael na nagkaroon siya ng pagkakataong matuto.

Gusto niyang matuto—lalo na ng matematika. Gustung-gusto rin niyang magbasa ng mga magasin. Binuklat niya ang makukulay na pahina. Binasa niya ang tungkol sa iba’t ibang mga hayop at lugar sa buong mundo.

Isang araw nagbasa si Michael ng ibang uri ng magasin. Ito ay mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gustung-gusto itong basahin ni Michael. Ginusto niyang malaman ang iba pa.

Nakadalo na si Michael sa ibang mga simbahan noon. Gusto niyang natututo tungkol kay Jesus. Ngunit kung minsan ay nalilito siya. Aling simbahan ang totoong simbahan?

Kalaunan, nabasa niya ang isang buklet tungkol kay propetang Joseph Smith. May nadama siyang espesyal na pakiramdam habang binabasa niya ito. Si Joseph Smith ay dumalo rin sa iba’t ibang simbahan at naghanap ng katotohanan. Siguro katulad ako ni Joseph, naisip ni Michael.

Ginusto ni Michael na pumunta sa bagong simbahang ito para makita ito. Ngunit walang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa India. Nalungkot si Michael. Patuloy niyang pinag-aralan ang lahat ng mapag-aaralan niya. Binasa niya ang Aklat ni Mormon at nanalangin. Nalaman niyang totoo ito! Ginusto niyang magpabinyag. Ngunit kinailangan niyang maghintay.

Lumipas ang mga taon. Noong 21 taong gulang si Michael, isang senior missionary couple ang dumating sa India. Sa wakas, nabinyagan si Michael! Hindi nagtagal, nakapagmisyon siya sa Utah, USA.

Maraming taon pa ang lumipas. Isang araw tinawagan siya ng isang kaibigan. Naghahanap ang Simbahan ng mga taong makatutulong sa pagsasalin ng pangkalahatang kumperensya para sa mga tao sa India. Kinabahan si Michael noong una. Pero masaya siyang makatulong.

Isang hapon ng Oktubre, nagsasalin si Michael ng mensahe ni Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya. Narinig niyang ibinalita ng propeta na isang templo ang itatayo sa India! Gustong sumigaw ni Michael sa kagalakan. Umiyak siya dahil sa kasiyahan.

Nagpasalamat si Michael sa lahat ng natutuhan niya sa paaralan. Ngunit higit sa lahat, nagpasalamat siya na nalaman niya ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Masaya siyang malaman din ng mas maraming tao sa kanyang bansa ang tungkol kay Jesus!

Hindi magtatagal, magkakaroon na ng templo sa India!

Ang India ay may mahigit 20 opisyal na mga wika.

May dalawang misyon sa India ngayon.

Ang paboritong pagkain ni Michael ay biryani (kanin at karne na niluto nang may mga pampalasa).

Ang paborito niyang kuwento sa banal na kasulatan ay tungkol kay Jose sa Lumang Tipan.

Ngayon, tumutulong si Michael sa pagsasalin ng pangkalahatang kumperensya para sa mga tao sa India.

Page from the July 2022 Friend Magazine.

Mga paglalarawan ni Oriol Vidal