Bagong Paaralan, Bagong Kaibigan
Paano makikipagkaibigan si Ada kung hindi siya marunong magsalita ng Chinese?
“Natatakot po ako,” sabi ni Ada. Iyon ang unang araw niya sa paaralan sa Taiwan. Pero hindi siya nagsasalita ng Chinese na katulad ng iba pang mga estudyante. Paano siya makikipagkaibigan? Kanino siya makikipaglaro sa oras ng recess?
Niyakap nang mahigpit ni Inay si Ada. “OK lang na matakot.”
Sumimangot si Ada. “Hindi ko po alam kung paano makipagkaibigan dito.”
Niyakap ulit siya ni Inay. “Kung kinakabahan ka, maaari kang mag-isip ng isang awitin sa Primary. Makakatulong kaya iyon?”
Tumango si Ada. Pagkatapos ay naglakad siya kasama ni Inay papunta sa kanyang silid-aralan. Hinihintay na siya ng kanyang guro. “Ni hao!” sabi ng guro. Sinubukan ni Ada na ngumiti. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang iyon.
Nagpaalam si Ada kay Inay. Pagkatapos ay nakakita siya ng isang bakanteng desk at umupo.
Tiningnan niya ang ibang mga bata. Ang ilan sa kanila ay nag-uusap-usap. Ang iba ay tahimik na nakaupo tulad ni Ada. Kinabahan si Ada. Parang may mga bubuyog sa kanyang tiyan.
Pagkatapos ay nakita ni Ada ang isang batang babae na umiiyak. Gusto siyang tulungan ni Ada. Pero paano siya makakatulong kung hindi siya makapagsalita ng Chinese? Paano kung ayaw patulong ng batang babae?
Ngunit ginawa ni Ada ang sinabi ni Inay. Naisip niya ang mga titik ng paborito niyang awitin sa Primary: “Magmahal ka nang tulad ni Jesus.” Alam ni Ada na sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na tumulong.
Umupo si Ada sa tabi ng batang babae. Inakbayan niya ito. Pagkatapos ay tinapik-tapik niya ang likod nito tulad ng ginagawa ni Inay kapag malungkot si Ada. Tumigil ang bata sa pag-iyak! Niyakap niya si Ada.
Itinuturo ni Ada ang kanyang sarili. “Ada.”
Itinuro ng batang babae ang kanyang sarili. “Mei,” sabi niya.
Ngumiti si Ada. Umupo siya sa tabi ni Mei sa buong maghapon. Kahit hindi sila nagsasalita ng parehong wika, naging masaya sila. Magkasama silang kumain ng kanilang pananghalian. Magkasama silang naglaro sa recess. At tinulungan ni Mei si Ada na matuto ng mga bagong salita sa Chinese!
Hindi makapaghintay si Ada na sabihin kay Inay ang tungkol sa kanyang bagong kaibigan. Alam niya na kung susundin niya si Jesus, hindi niya kailangang matakot sa anumang bagay.