2022
Ang Pinakamagandang Mithiin
Hulyo 2022


Ang Pinakamagandang Mithiin

Nasasabik na si David na makapasok sa Dubai Temple balang-araw.

boy stacking sugar cubes to make a temple model

Naglagay si David ng pandikit sa isang sugar cube. Pagkatapos ay maingat niya itong ipinuwesto.

“Wow!” sabi ni Inay. “Ang ganda ng iyong sugar-cube temple.”

“Salamat po!” sabi ni David, “Ito po ang Dubai Temple. Hindi ko na po mahintay na maitayo ang totoong templo.”

Sabik na sabik si David mula nang ibalita ni Pangulong Nelson na magtatayo ng bagong templo sa bansa kung saan nakatira si David. Nasa United Arab Emirates ang ilan sa pinakamatataas na gusali sa mundo. Pero wala pa itong templo. Ito ang magiging unang templo sa buong Middle East.

Idinikit ni David ang huling sugar cube sa kanyang templo. “Hayan!” sabi niya. “Tapos na po!”

Lumapit si Inay para makita ito nang mas mabuti. “Magaling! Saan natin ito ilalagay?”

Nag-isip si David. “Kung sa silid ko po kaya? Sa tabi ng aking mga tren.” Mahilig si David sa mga tren. Gusto niyang maging train engineer balang-araw.

“Magandang ideya,” sabi ni Inay.

Maingat na dinala ni David ang kanyang sugar-cube temple sa kanyang silid. Dahan-dahan niya itong inilagay sa tabi ng mga modelo niyang tren. Hindi siya makapaghintay na ipakita ito sa kanyang mga kapatid na babae at ama.

Kinabukasan, bumisita ang tita ni David na si Ana. Pinag-usapan nila ang mga bagay na pinaka-kinasasabikan niya. Pagkatapos ay may naisip siya.

“Gusto po ba ninyong malaman kung ano ang pinaka-kinasasabikan ko?” tanong ni David.

“Oo naman!” sabi ni Tita Ana.

“Ang simbahang dinadaluhan ng pamilya ko ay magtatayo po ng templo sa Dubai!”

Ngumiti si Tita Ana. “Parang napaka-espesyal niyan.”

“Oo nga po!” sabi ni David, “Sa ngayon, wala pong malapit na templo para sa aming simbahan, kaya nagpupunta kami sa templo sa Switzerland o sa Germany. Masaya po ako na magkakaroon ng isang templong malapit sa atin. Nagtakda po ako ng mithiin na maghahanda akong pumunta roon.”

“Nakakatuwa naman!” sabi ni Tita Ana. Ano ang ginagawa mo para maghanda?

“Nagdarasal po ako at nagbabasa ng mga banal na kasulatan,” sabi ni David. “At sinisikap ko pong sundin si Jesucristo. Sa paggawa ng mga ito, magiging handa po akong pumunta sa templo!”

“Napakaganda niyon,” sabi ni Tita Ana. “Sigurado ako na sisikapin mong maabot ang iyong mga mithiin.”

“Opo!” Masayang tumango si David. Masaya sa pakiramdam na magbahagi ng isang bagay na napakahalaga sa kanya.

Nang gabing iyon, itinanong ni David kung maaari niyang ilipat ang kanyang sugar-cube temple sa kusina.

“Gusto ko pong ilagay ito kung saan natin ito makikita sa lahat ng oras. Gusto ko pong tandaan na patuloy na maghanda para sa templo.”

“Maganda ang naisip mo,” sabi ni Itay. “Sa palagay ko ang pagtingin sa iyong templo araw-araw ay makatutulong din sa akin.”

Tinulungan ni Itay si David na ilipat ang sugar-cube temple sa kusina.

“Maganda,” sabi ng kapatid ni David na si Kaitlynn.

“Kapag tapos na pong naitayo ang tunay na Dubai Temple, maaari ko po bang anyayahan ang mga kaibigan ko na pumunta para makita ito?” tanong ni David.

Tumango si Inay. “Magandang ideya iyan!”

“At si Tita Ana?”

“Siyempre naman,” sabi ni Itay.

Ngumiti si David. Lubos na siyang nagpapasalamat para sa Dubai Temple!

Page from the July 2022 Friend Magazine.

Larawang-guhit ni Mark Robison