Mga Aktibidad para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o para lang sa paglilibang!
Mababait na Puso
Para sa Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12
Kuwento: Ang mga Kawikaan ay isang aklat ng matatalinong kasabihan. Sabi sa isang kawikaan na “sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala” (Mga Kawikaan 3:5). Sabi sa isa pang kawikaan na “nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay” (Mga Kawikaan 15:1).
Awitin: “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83)
Aktibidad: Sa pahina 40 basahin ang tungkol sa paggamit ng mabubuting salita. Pagkatapos ay gumupit ng ilang pusong papel at magsulat sa mga ito ng magagandang tala o makatutulong na kasabihan para ibigay sa iba. Maaari mo pa ngang itago ang mga puso para ipahanap sa iba!
Bundok ng Panginoon
Para sa Isaias 1–12
Kuwento: Si Isaias ay isang propeta. Tinawag niya ang templo na “bundok ng Panginoon” (Isaias 2:3). Sinabi niya na maaari tayong matuto tungkol kay Jesucristo sa templo.
Awitin: “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99)
Aktibidad: Mahuhulaan ba ninyo kung gaano karaming templo ang nasa mundo? Magpunta sa temples.ChurchofJesusChrist.org para mahanap ang sagot. Sino ang may pinakamalapit na hula? Magdrowing o magpinta ng isang larawan ng isa sa mga templo.
Mga Pagpapala mula kay Jesus
Para sa Isaias 13–14; 24–30; 35
Kuwento: Itinuro ni Isaias na pinagpapala ni Jesucristo ang mga sumusunod sa Kanya. Marami ka pang mababasa tungkol sa itinuro ni Isaias sa pahina 8.
Awitin: “Sa Aking Paglakad, Jesus ang Kasama” (Peb. 2020 Kaibigan at Liahona)
Aktibidad: Maghalinhinan sa paghahanap ng mga banal na kasulatan para maglaro ng matching game sa pahina 12. Paano ka natulungan ni Jesus?
Mga Alon sa Dagat
Para sa Isaias 40–49
Kuwento: Itinuro ni Isaias na kung susundin natin ang mga kautusan, magkakaroon tayo ng kapayapaan tulad ng ilog at “katuwiran [na] parang mga alon sa dagat” (Isaias 48:18).
Awitin: “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69)
Aktibidad: Gumawa ng sarili mong “mga alon sa dagat”! Lagyan ng tubig nang hanggang kalahati ang isang boteng walang laman o garapon at gawin itong asul gamit ang food coloring. Dagdagan ng langis hanggang sa mapuno. Takpan nang mahigpit. Pagkatapos ay dahan-dahang itagilid nang magkabila ang bote para mapagmasdan ang mga alon! Paano nakatutulong sa iyo na makadama ng kapayapaan ang pagsunod sa mga kautusan?
Taguan at Hanapan
Para sa Isaias 50–57
Kuwento: Itinuro ni Isaias, “Inyong hanapin ang Panginoon” (Isaias 55:6). Ibig sabihin ay dapat tayong manalangin, sumunod sa mga kautusan, at matuto tungkol sa ebanghelyo. Tutulungan tayo nitong mas mapalapit kay Jesucristo.
Awitin “Hanapin si Cristo Habang Bata” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 67)
Aktibidad: Pumili ng isang tao para maging tagahanap. Habang nakapikit ang mga mata nito, magtago ng larawan ni Jesus. Mahinang kantahin ang isang awitin sa Primary habang hinahanap ng tagahanap ang larawan. Kapag papalapit na siya, kumanta nang palakas nang palakas hanggang sa mahanap niya ito. Maghalinhinan sa pagiging tagahanap. Paano natin hahanapin si Jesucristo?