Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Si Moisés at ang mga Piso
“Puwede rin ba akong magbayad ng ikapu?”
Binuksan ni Moisés ang tarangkahan at pumasok sa tindahan ng piyesa ng kotse. Tapos na ang eskuwela, at oras na para tulungan si Papá sa trabaho. Kumuha ng walis si Moisés at nagsimulang magwalis. Gusto niyang tulungan si Papá. Kailangan din niyang kumita ng pera.
Di-nagtagal at oras na para umalis si Moisés. Nagpaalam siya kay Papá at nagsimulang maglakad pauwi. Nalungkot siya habang naglalakad. Iba ang pakiramdam niya kapag umuuwi nang hindi kasama si Papá. Naghiwalay ang mga magulang ni Moisés. Siya at ang kanyang pitong kapatid ay nakatira kasama ni Mamá. Nakatira si Papá sa ibang lugar. Tatlo ang trabaho ni Mamá dahil wala silang gaanong pera. Napakahirap ang panahon na iyon para sa kanilang lahat.
Isang gabi ay may kumatok sa pintuan. Dalawang missionary iyon. Nagbahagi sila ng isang mensahe tungkol kay Jesucristo. Nagturo din sila ng tungkol sa isang propetang nagngangalang Joseph Smith. May nadamang espesyal na damdamin si Moisés habang nakikinig siya.
Patuloy na bumalik ang mga missionary para turuan sina Moisés, Mamá, at ang ilan sa kanyang mga kapatid. Nagsimulang magsimba si Moisés at ang kanyang pamilya. Binasa nila ang Aklat ni Mormon. Tumigil sila sa pag-inom ng kape. Nagpasiya pa silang mabinyagan!
Alam ni Moisés na mahal siya ng Ama sa Langit. At kahit mahirap pa rin ang mga bagay-bagay para sa kanyang pamilya, nakadama siya ng higit na kapanatagan at kapayapaan.
Isang gabi umuwi si Moisés mula sa tindahan ni Papá. Nakaupo si Mamá sa mesa. Mukhang nag-aalala siya.
“OK lang po ba kayo?” tanong ni Moisés.
Napabuntong-hininga si Inay. “Oo, magiging maayos tayo.” Malungkot na ngumiti siya kay Moisés. “Gipit tayo sa pera sa buwang ito. Nag-aalala ako na hindi natin kayang magbayad ng ikapu.”
Naalala ni Moisés ang itinuro sa kanila ng mga missionary tungkol sa ikapu. Sinabi nila na ito ay pagbibigay ng 10 porsiyento ng iyong pera sa Diyos para makatulong sa paggawa ng Kanyang gawain.
Naglagay si Mamá ng ilang piso sa isang sobre at isinara ito. “Sagradong pera ito,” sabi niya. “Kailangan nating magbayad ng ating ikapu.”
Naisip ni Moisés ang mga piso na kinita niya sa tindahan ng piyesa ng kotse. Kinuha niya ito sa kanyang bulsa. “Puwede rin ba akong magbayad ng ikapu?”
Ngumiti si Mamá. “Oo naman, pwede.”
Pagkatapos niyon ay lagi nang nagbabayad si Moisés ng kanyang ikapu. Mahirap ito kung minsan. Pero may pananampalataya si Moisés. Isa siyang pioneer! Patuloy siyang nagbayad ng kanyang ikapu, at palaging may sapat na pera ang kanyang pamilya. Nagpasalamat si Moisés sa mga paraan na pinagpala siya ng Ama sa Langit dahil sa pagiging masunurin.