2022
Mga Damuhan at Masasamang Salita
Setyembre 2022


Mga Damuhan at Masasamang Salita

“Gumawa kaya tayo ng pangako bilang pamilya?” tanong ni Inay.

mom and boy weeding together

“Puwede po ba tayong mag-usap?” tanong ni Jonas kay Inay. Umupo siya sa damuhan sa tabi ng taniman ng mga bulaklak na binubunutan ni Inay ng damo.

“Sige. Anong nangyari?” tanong ni Inay. Hinubad nito ang maruruming guwantes.

“Kanina po sa paaralan may ilang bata na nagsasabi ng isang salitang hindi ko alam. Tumawa sila nang sabihin nila ito,” sabi ni Jonas. “Parang masamang salita po iyon.”

“Ano ang naramdaman mo nang marinig mo ang salita?” tanong ni Inay.

“Hindi po maganda ang pakiramdam ko.”

Ibinulong ni Jonas ang salita kay Inay. Sinabi nito sa kanya kung ano ang ibig sabihin niyon. Tama si Jonas. Hindi nga ito magandang salita.

“Pero bakit masama po ito?” tanong niya.

“Masama ito dahil nakakasakit ito at walang respeto. Kapag ginagamit natin ang mga salitang gaya niyan, nahihirapan ang Espiritu Santo na mapasaatin. Sinasabi sa iyo ng Espiritu Santo na masama ito. Kaya hindi maganda ang pakiramdam mo.”

Sumimangot si Jonas. “Pero parang ang saya-saya ng ibang mga bata. Bakit ako lang ang hindi komportable?”

“Paano mo nalaman na hindi kayo pareho ng naramdaman ng ibang mga bata?” tanong ni Inay.

“Dahil tumawa at ngumiti silang lahat nang may nagsabi ng salitang iyon.” Nalito si Jonas.

“Kung minsan ay tumatawa o ngumingiti ang mga tao kapag hindi sila komportable,” sabi ni Inay. “At kung minsan kapag madalas silang nakakarinig o nagsasabi ng masasamang salita, hindi na ito nakakabahala sa kanila. Pero hindi pa rin tama na sabihin ang mga salitang iyon. Para itong mga damong tulad nito. Binubunot ko ang mga ito para panatilihing malinis ang halamanan at hayaang lumago ang magagandang halaman.”

“Masaya ako na hindi ko sinabi ang salita,” sabi ni Jonas.

“Ako rin,” sabi ni Inay. “Ipinagmamalaki kita. At may naisip ako. Gumawa kaya tayo ng pangako bilang pamilya?”

“Ano pong klaseng pangako?” tanong ni Jonas.

“Mangako tayong gumamit ng mabubuting salita at hindi masamang salita. Maaari itong maging kasunduan natin bilang pamilya.”

Gusto ni Jonas ang ideyang iyon. Nagkamayan sila ni Inay. Gumanda ang pakiramdam ni Jonas tungkol sa pangakong ginawa nila ni Inay.

“Ngayon, ano kaya kung mangako ka na tulungan akong matapos sa pagbubunot ng damo?” tanong ni Inay. “Pagkatapos mangangako naman akong dalhin ka sa parke.”

Ngumiti si Jonas at kumuha ng isang pala. “Sige po, kasunduan natin iyan.”

Habang tinutulungan niya si Inay, gumaan ang pakiramdam ni Jonas. Alam niya na ang pangangako niyang huwag gumamit ng masasamang salita ay magandang pagpili para sa kanilang pamilya.

mom and boy weeding together

Paglalarawan ni Dan Widdowson